Site icon PinoyAbrod.net

Profiling sa mga kasapi ng ACT

Ano ba itong kontrobersiya tungkol sa profiling ng mga guro na binabanggit ngayon sa radyo, telebisyon, peryodiko, at pati na rin sa social media?

Nagsimula ito noong Disyembre nang mabalitaan na ang Philippine National Police (PNP) sa Manila at Zambales ay humiling sa mga eskuwelahan sa nasabing lugar na bigyan sila ng listahan ng mga guro na kasapi sa ACT (Alliance of Concerned Teachers).

Ang kahilingang ito diumano’y galing kay Manila Police Chief Inspector Rexson Layug at Zambales Police Chief Inspector Pancho Doble.

Ang ACT ay isa sa mga kilalang unyon ng mga guro sa National Capital Region, Bicol, Western Visayas, Central Visayas at Davao Regions na tinagtantyang may 200,000 kasapi.

Sa Kongreso, kilala bilang progresibong party-list ang ACT Teachers Party-list na may dalawang kinatawan at bahagi ng blokeng Makabayan.

Ayon sa ACT, kinausap ng mga opisyal ng PNP ang mga pinuno ng paaralan na magbigay ng listahan ng mga gurong kasapi sa ACT, banggit ang isang memorandum order mula sa PNP Intelligence Department. Ito diumano’y bilang preparasyon sa darating na halalan sa Mayo 2019.

Ilegal ang ginawang ito ng pulisya at umaatake sa kanilang
karapatang mag-organisa bukod pa sa karapatang magpahayag, sabi ng ACT sa isang
deklarasyon.

Isang uri ng harassment ito, at paraan ng surveillance na makakaapekto sa iba pang karapatan.

Nababahala ang ACT na matulad ito sa karanasan natin sa Oplan Tokhang kung saan matapos kumuha ng profiles ng mga pinaghihinalaang drug lords ang pulisya ay nasundaan ito ng walang humpay na pamamaslang sa mga pinaghihinalaang nagbebenta ng droga.

Ang ginawa ng PNP na ito’y lumalabag din sa karapatang magkaroon ng privacy, dagdag pa ng ACT, at labag din ito sa Magna Carta of Public School Teachers kaugnay ng karapatan sa malayang pagtatayo ng unyon at pag-oorganisa.

Kaya ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, pinag-aaralan nila ang pagsasampa ng kaso laban sa kapulisan at maaring laban sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa Ombusman dahil sa ilegal na profiling na ito. Bahagi ito ng witch hunt ng estado, paliwanag niya

Pero ayon naman kay PNP NCR Director Guillermo Eleazar, walang dahilan upang pangambahan ang sinasabing profiling ng pulisya sa mga kasapi sa ACT.

Bagamat tinatanggi niya ito, sinabi ni Eleazar na kung totoo man, ang lahat ng makuha nilang inpormasyon ay ituturing na confidential at para sa internal consumption lang. Ang pagkuha daw ng inpormasyon tungkol dito ay bahagi ng kanilang trabaho at kanilang susundin ang privacy rights ng mga mamamayan.

Ayon naman kay PNP Director General Oscar Albayalde, ang pagtangka ng pulisyang kilalanin ang mga miyembro ng ACT sa hanay ng mga paaralan ay bahagi ng kanilang kampanyang tapusin ang communist insurgency.

Hindi namin sinasabi na ang ACT bilang organisasyon ay
kaaway ng gobyerno, banggit niya. Ngunit maaring may mga kasapi ito na kaaway
ng gobyerno. Ito ngayon ang dahilan bakit namin sinusuri ito, dagdag pa ni
Albayalde.

Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na ang dapat gawin ng PNP ay ang pagsagawa ng profiling at surveillance sa mga natanggal na taga-PNP at AFP upang malaman ang kanilang mga aktibidad pagkatapos na sila ay matanggal kabilang na ang kanilang lifestyle.

Ayon kay Commission on Human Rights (CHR) Spokesperson Jacqueline De Guia, ang mismong profiling ay isang uri ng diskriminasyon sa mga kasapi ng ACT. Sinabi pa niya na paglabag sa batayang karapatang pantao ng mga guro ang gawaing ito ng PNP.

Naglabas din ng House Resolution No. 2235 sa House Committee on Human Rights ang blokeng Makabayan na humihiling na imbestigahan ang hakbang na ito ng PNP tungkol sa profiling ng mga tao, organisasyon at mga kandidatong inuugnay sa komunismo. Ang naturang hakbang diumano’y maaaring gamitin ng puwersa ng estado upang i-black mail at impluwensiyahan ang darating na halalan sa 2019.

Ngunit ano ba talaga ang probisyon ng ating Saligang Batas na maaaring nilabag ng profiling na ito?

Una, nakasaad sa ating Bill of Rights, Seksiyon 3 (1) na “(h)indi dapat labagin ang pagiging lihim ng komunikasyon at korespondensiya maliban sa legal na utos ng hukuman, o kapag hinihingi ang naiibang kaligtasan o kaayusan ng bayan ukol sa itinatakda ng batas.”

Nababanggit din sa Seksiyon 8 na “(h)indi dapat hadlangan ang karapatan ng mga taong-bayan kabilang ang mga naglilingkod sa publiko at pribadong sektor na magtatag ng mga asosasyon, mga unyon, o mga kapisanan sa mga layuning hindi lalabag sa batas.”

Maalaala rin na mayroon tayong batas, ang RA 10173 o Data Privacy Act na bagamat tinitiyak ang malayang pagdaloy ng inpormasyon ay nagbibigay naman ng proteksiyon sa mga mamamayan kaugnay ng kanilang karapatan sa privacy.

Kanino tayo dapat kumampi rito, mga kasama? Siyempre, kung
ano ang sinasabi ng ating Saligang Batas, doon tayo dapat kumampi.

Maliwanag na palpak na naman ang PNP pagdating sa isyung
ito. PW

Exit mobile version