Site icon PinoyAbrod.net

Protesta de Mayo: Kakaibang sagala

Maulan ang hapon nang nagsimula ang mga volunteer sa Sunken Garden sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Inayos nila ang mga arko, hinanda ang mga damit na isusuot ng mga magsasagala. Mayo nga naman, at panahon ng Flores de Mayo. Ngunit hindi ito ang karaniwang sagala.

Inilunsad ng Karapatan ang kanilang Protesta de Mayo. Paliwanag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupong nagbabantay sa sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa, tatlong taon na nila itong isinagawa: ang una ay noong panahon ni dating pangulong Gloria Arroyo.

“Isa itong spin-off ng tradisyunal na Flores de Mayo. Karugtong din ito sa kampanyang #BabaeAko at #LalabanAko ng kababaihan laban sa sexism at misogyny ni Duterte,” ani Palabay.

Nagparada ng limang ensemble ang Karapatan na ang bawat isa ay nagpapakita ng isang isyu ukol sa karapatang pantao sa rehimen ni Pang. Duterte.

Ipinakita ni La Reina de la Verdad ang patuloy na atake at karahasan laban sa kalayaan sa pamamahayag. Simbolo naman ng pakikibaka para sa katarungan sa mga biktima ng gera kontra droga ang La Reina de los Martires. “Hindi krimen ang aktibismo” ang mensahe ni La Reina Esperanza, na isinalarawan ni Gabriela Silang. Pakikibaka ng mga taga-Mindanao ang isinalarawan ng La Reina de la Paz. Inhustisya laluna sa mga bilanggong pulitikal na ikinulong sa mga gawa-gawang kaso ang ipinakita ni La Reina de la Justicia.

Tumulong sa pagdisenyo ng mga kasuotan ang iba’t ibang volunteer na nanggaling sa iba’t ibang grupo. Nagtulong sina Rey Asis, dating tagapangulo ng College Editors Guild of the Philippines, at Jani Llave, dating kawani ng Pinoy Weekly. Dinisenyo at ginawa naman ni Albert Fontanilla ang isa pang damit. Ipininta ni Atty. Maria Sol Taule, na tumulong rin sa kaso ni Sr. Patricia Fox, ang dalawa sa mga kasuotan.

Kasama nila sa parada ang mga kaanak ng mga biktima ng iba’t ibang uri ng paglabag sa karapatang pantao. Ipinakita ng “Protesta de Mayo” na maaring maging malikhain at masining sa pagsasaad ng protesta.

Exit mobile version