Site icon PinoyAbrod.net

Regularisasyon ng mga kawani sa publikong sektor, iginiit

Nagmartsa ang daan-daang kawaning kontraktuwal kasama ang mga guro at manggagawang pangkalusugan mula sa Department of Budget and Management (DBM) patungong Mendiola noong Marso 20 upang tutulan ang nakaambang tanggalan at sub-kontraktuwalisasyon ng mga kawani ng pamahalaan.

Pangunahing panawagan ng mga kawani ang pagbabasura ng Joint Memorandum Circular No. 1, Series of 2017 na inilabas ng DBM, Civil Service Commission at Commission on Audit bilang tugon ng gobyerno sa pagtigil ng kontraktuwalisasyon sa pampublikong sektor.

Ayon kay Manny Baclagon, pangulo ng Social Welfare Employees Association of the Philippines (SWEAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang nasabing circular ay hindi para wakasan ang kontraktwalisasyon sa pampublikong sektor kundi pag-ibayuhin pa ito sa pamamagitan ng mga service contractor at agency hiring. Dagdag pa ni Baclagon na maraming kawani sa ilalim ng mga “individual contract of service” ang mawawalan ng trabaho sa pagtatapos ng taon ayon na rin sa nakasaad sa circular.

Umabot sa 720,000 ang mga COS at JO mula sa 2.3 milyong kawani o isa sa bawat tatlo ang kontraktuwal na kawani sa loob ng gobyerno nitong Hulyo 2017.

Sa programang isinagawa sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola, sinabi ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) na walang hangarin ang administrasyong Duterte na magbigay ng seguridad sa trabaho at regular na empleyo sa mga manggagawang Pilipino.

Sinigil ng Courage ang rehimen sa pangakong binitawan ni Pangulong Duterte noong pahanon ng kampanyang elektoral. “Magdadalawang taon na sa pagkapangulo si Duterte, ngunit wala pang ring batas o patakaran na itigil ang kontrakwalisasyon,” ani Gaite.

Ibinahagi rin ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa programa ang hakbang ng blokeng Makabayan sa loob ng Kamara. Inihain ng pitong kinatawan ng Makabayan ang House Bill 7415 noong Marso 19 na naglalayong bigyan ng seguridad sa trabaho at civil service eligibility ang mga ‘di regular na kawani na tuluy-tuloy na nagtatrabaho sa gobyerno sa loob ng anim na buwan.

Sakop ng panukala ang mga kawani at manggagawa sa mga pambansang ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, state universities and colleges, government-owned and controlled corporations at iba pang mga government instrumentality.

Sa pahayag na inilabas ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, dapat ipagbawal at parusahan ang pang-aabuso sa paggamit ng contract of service (COS) at job order (JO) at ibigay sa lahat ng kwalipikadong kawani ang mga regular na posisyon.

Ayon kay Tinio, ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon ay labag sa mandato ng saligang batas sa pagsusulong ng maayos na empleyo sa lahat ng mga mamamayan. Dapat maging regular ang mga empleyado sa parehong pribado at publikong sektor.

Dagdag pa ni Tinio na hindi maaasahang itigil ng pribadong sektor ang kontraktuwal na paggawa kung ipinagpapatuloy ito ng gobyerno sa hanay ng mga kawani nito.


 

Exit mobile version