Site icon PinoyAbrod.net

Rekruter ni Mary Jane Veloso hinatulan ng illegal recruitment

Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sina Ma. Cristina Sergio at Julius Lacanilao dahil sa ilegal na pagrerekrut kina Lorna Valino, Ana Marie Gonzales, at Jenalyn Paraiso, ang mga unang nabanggit ang siya ring rekruter ng overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Jane Veloso.

Ipinag-utos din ng Baloc, Nueva Ecija Regional Trial Court (RTC) Branch 88 sa desisyon nito noong Enero 30, 2019 na magbayad ng multang P2 milyon sina Sergio at Lacanilao.

Ikinatuwa naman ng mga abugado ni Veloso ang desisyong ito ng korte dahil makakatulong umano ito sa kaso ni Veloso sa Indonesia.

“Masaya kami na naigawad ang hustisya kahit pa bahagi at inisyal lamang para sa mga kapwa biktima ni Mary Jane,” pahayag ni Edre Olalia, pangulo ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa pasya ni Judge Anarica Castillo-Reyes sa kasong “large scale illegal recruitment” sa ilalim ng Republic Act No. 8042.

Sina Valino, Gonzales, at Paraiso ay naninirahan din sa lugar ni Mary Jane at narekrut din ng mga nahatulan subalit masuwerteng hindi agad naipadala sa labas ng bansa.

“Kahit pa iba ang kaso ng tatlo sa kaso ni Mary Jane, naniniwala kami na ang hatol kina Sergio at Lacanilao ay magsisilbing testimonya sa kuwento ni Mary Jane – na hindi siya kuryer ng droga kundi inosenteng biktima ng mga ilegal na rekruter na ito,” ani Olalia.

Umaasa ang NUPL sa buong katuparan ng hustisya kapag ang hiwalay na mga kaso ni Mary Jane laban sa parehong mga rekruter na may kinalaman sa human trafficking, simpleng ilegal na pagrerekrut at estafa sa parehong korte ay mareresolba at siya mismo ay mapapauwi na sa Pilipinas sa tamang panahon.

May nakasampa ring kaso si Veloso laban kina Sergio at Lacanilao sa parehong korte subalit nababalam dahil hindi pa siya makatestigo.

Muntik nang hindi makatestigo si Veloso at kanyang mga abugado dahil nauna nang hinarang nina Lacanilao at Sergio ang kanyang testimonya. Pumanig sa mga rekruter ang Court of Appeals, subalit nailigtas si Mary Jane ng Supreme Court noong Oktubre 2019 sa pagpayag nito na magbigay siya ng pahayag mula sa kanyang kulungan sa Indonesia.

Naaresto si Mary Jane noong Abril 2010 sa pagpupuslit ng 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe. Iginiit naman niya na siya’y walang sala sa paglilitis sa kanya at sinabing niloko lamang siyang dalhin ang bagahe patungong Indonesia nang mawalan siya ng trabaho sa Malaysia.

Hinatulan siya nang kamatayan noong Oktubre 2010 subalit nailigtas dahil sa moratoryong ipinalabas ng presidente ng Indonesia nang panahong iyon kaugnay ng mga mabibigat na pagkakasala. Muli siyang itinakdang gawaran ng parusang kamatayan noong Enero 2015 matapos mahalal bilang president si Joko Widodo.

Noong Hunyo 2017, nagsampa ng mosyon ang pamilya ni Veloso sa pamamagitan ng NUPL, na humihiling sa Court of Appeals para ipatigil ang kautusan na naging sanhi ng pagkabalam ng paggawad ng parusang kamatayan.

Exit mobile version