Site icon PinoyAbrod.net

Rey Cagomoc sa Pakikihamok

Para sa maraming manggagawa at maka-manggagawa, malungkot na balita ang pagkamatay ni Rey Cagomoc sa edad na 53 nitong Marso 8 dahil sa pneumonia. Si Ka Rey ang presidente ng Samahan ng mga Janitor sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas o SJPUP, unyon ng National Federation of Labor Unions ng pambansang sentrong unyong Kilusang Mayo Uno.

Sa naturang katungkulan, maraming taon niyang pinamunuan ang paglaban, kasama na ang mga welga, ng mga janitor ng PUP para manatili sa kanilang trabaho, maging regular, at mapabuti ang kalagayan sa paggawa. Ang kalakaran kasi, taun-taong nagpapalit ng kakontratang ahensya ng manpower ang PUP, at laging nanganganib matanggal ang mga janitor na pawang kontraktwal.

Bilang lider-manggagawa ng KMU, at nang kasama ang mga opisyal at miyembro ng SJPUP, ipinaglaban ni Ka Rey ang mga kahilingan ng lahat ng manggagawa sa larangan ng sahod, trabaho at karapatan. Tinulungan nila ang maraming manggagawa na magtayo ng unyon at ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa kani-kanilang empresa.

Sa kanyang akdang What is to be done? (1902), tinuligsa ni Vladimir Lenin ang pagkatali at pagtatali ng kamalayan ng mga manggagawa sa mga mga isyung pang-ekonomiya, mga isyung “kanin at isda,” sabi nga ng mga unyonista sa bansa. Kapos, aniya, ang mga isyung pang-ekonomiya – ng manggagawa man ng isang empresa, o isang industriya, o ng buong bansa, kahit pa nakadireksyon sa Estado.

Aniya, ang kailangan ay kamalayan tungkol sa buong sistemang panlipunan, sa paghahari ng mga naghaharing uri, at sa pagsasamantala at pang-aapi ng mga ito sa mga manggagawa at lahat ng uri sa lipunan. Ang kailangan, aniya, ay rebolusyon para ibagsak ang mga naghaharing uri sa kasalukuyan at pamunuan ang buong lipunan, hindi ang pagpapabuti lamang ng kalagayan sa paggawa sa ilalim ng mga naghaharing uri.

Kilala si Ka Rey sa pagsasapuso sa mga aral na ito. Nakilala siya na kanyang pagtatalumpati na nagsisiwalat sa kabuktutan ng imperyalismong US at malalaking komprador at haciendero sa bansa. Lagi siyang dumudulo sa pangangailangan ng tunay na pagbabagong panlipunan at ng pagpapataas ng kamalayan at pagkilos ng mga manggagawa lampas sa mga isyung pang-ekonomiya.

Naaalala ni E, kapwa-lider-unyon ni Ka Rey, ang minsang pagtatalumpati niya: “Para ipaglaban ang tunay na pagbabago, kailangang tayong mga manggagawa ay humawak na ng… plakard!” Mangyari, higit pa sa plakard ang gusto niyang tanganan ng mga manggagawa, pero hindi niya nasabi sa kung anong dahilan. Sa usaping ito, kasundo niya ang laging kausap na si Orlando Castillo, pintor na social realist at organisador ng NAFLU-KMU.

Na kay Ka Rey ang magagandang katangiang tatak ng mga aktibistang galing sa uring manggagawa. Lagi siyang maaga sa mga pulong at aktibidad, tila malaya sa tinatawag na “Filipino time.” Parte kaya ito ng sinasabi nina Karl Marx at Friedrich Engels na walang bansa ang mga manggagawa? Ayon sa kanya at mga kamanggagawa, disiplina itong itinuturo ng mahapding kaltas sa sahod kapag nahuhuli sa trabaho at ng pag-iwas na maging pabigat sa mga katrabaho.

Sa mga talakayan, matama siyang nakikinig, palaging pinagtutugma ang mga pinag-uusapan sa mga batayang prinsipyo at sariling karanasan. Sa mga pulong, tulad sa kanyang pamilya at kamanggagawa, maasikaso siya sa mga kasama sa pagkain at pagtulog. Kalmado at masigasig siya sa pagtangan sa gawain, pagbabahay-bahay man sa mga komunidad nang tirik ang araw o pagmamantine ng piketlayn kahit may bagyo.

Hindi malilimutan ni R, aktibistang guro sa PUP, kung paanong nag-ambag-ambag silang mga janitor para abutan siya ng tulong, siyang propesor, nang minsang maospital ang kanyang anak. Natatandaan naman ni N, aktibista sa kilusang paggawa, kung paanong si Ka Rey at mga kamanggagawa ang kalmadong nasa unahan, humaharap sa pagtatangka ng mga pulis na i-disperse ang mga rali at protesta. Sila rin ang nangunguna sa pag-agaw ng mga hose ng tubig na ginagamit sa pagwasak ng hanay ng mga raliyista.

Laging nagsasabi na ninenerbyos si Ka Rey bago magtalumpati at tuwing maitatalagang magtalumpati sa mga rali at aktibidad. Pero kapag hawak na niya ang mikropono, ibinubuhos niya ang laman ng puso at isip niya, lalo na ang pagkasuklam sa kalagayan ng mga manggagawa at sa mga naghaharing uring responsable sa kalagayang ito.

Tulad ng maraming manggagawa at maralita, Bisaya si Ka Rey, tumungo sa Kamaynilaan para makipagsapalaran. Lumalabas ang puntong Bisaya niya sa pagtatalumpati, at natatandaan ni M, isa pang aktibista sa kilusang paggawa, kung paanong naaaliw rito si Ka Rey at iba pang Bisayang lider-masa.

Pero para sa kanila, ang pagka-Bisaya ay hindi masamang katangian ng pananalita na dapat baguhin, kundi isang karakter ng pagsasalita na umaantig, tumatawag, kumakabig at tumatalab sa maraming tagapakinig.

May panahong nakilala ng ilang unyonista at aktibista Ka Rey ay kaugnay ng kababaihan. Matikas, mapagmalasakit, bukod pa sa mahusay na lider-manggagawa, kaakit-akit siya sa kababaihan at siya naman ay naaakit sa kanila.

Pero sa kanyang pagkamulat, sa pagiging matapat at mapagkumbaba niya sa mga kasama, at sa pagtulong ng mga kasama, naging tapat siya sa kanyang maybahay. Simple niya itong ipinapaliwanag sa mga nagtatanong, kahit bagong kakilala: ito’y para mas makatutok sa pagsusulong ng pakikibaka, at para hindi makatapak sa karapatan ng kababaihan na inaapi sa lipunan.

Ang mga janitor ng iba’t ibang pamantasan at k0mpanya, itinuturing na “hindi esensyal” sa paglikha ng produkto o pagbibigay ng serbisyo. Kaya naman ipinapailalim sa mga ahensya ng manpower na laging pinapalitan, kaya naman hindi direktang ineempleyo. Tulad din ng mga manggagawa sa kabuuan, itinuturing ng mga naghahari na hindi esensyal sa pagtakbo ng lipunan.

Sa ganitong kalakaran nakikita ng mga manggagawa na esensyal ang katotohanang kailangang baguhin ang sistema. At nalalaman nila, gayundin ng mga kapanalig nila, sa proseso, na esensyal ang papel nila sa pakikihamok para sa naturang pagbabago.

Marami ang naiyak sa balita ng pagkamatay ni Ka Rey. Pero taas-kamao silang nagpupugay, at pinagtitibay ang panata na isusulong ang tunay na pagbabagong panlipunan hanggang tagumpay.

13 Marso 2018

 

Exit mobile version