Nagtapos ang Pride Month tuwing Hunyo sa pagdiriwang ng makulay na Pride March. Kung sa Metro Manila iyan, taunan itong isinasagawa sa Marikina City Sports Complex. Nagsasama-sama ang LGBTQIA community sa huling araw ng Hunyo sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kasama na rin ang kanilang mga mahal sa buhay, kapamilya, kaibigan at tagasuporta.
Kasingkulay ng pride flag ang iba’t ibang kwento ng mga nakilala at nakasalumuha sa Pride March ngayong taon.
Noel
‘Proud being gay’ si Noel Navarro, 36 taong gulang at unang beses na makapunta sa Pride March. Kagaya ng iba pang unang beses ding makadalo ng Pride March ay nais na ni Noel noong bata pa na makadalo sa ganitong klaseng pagdiriwang ngunit bawal, pigil at tago pa siya noon. Maswerte ang naging sitwasyon ni Noel nang maggawa niyang umamin sa kanyang pamilya sa tunay niyang kasarian.
“Nagkaroon ako ng problema sa family before, pero hindi nila ako pinagsasabihan kahit na bakla ako. As long as wala akong ginagawang masama at wala akong tinatapakan na tao,” pagbabahagi ni Noel.
Ani Noel, napagtanto niya na siya ay isang gay noong nasa grade 4 pa lamang siya.
Noong una ay sa kanyang mga kaibigan pa lamang siya umaamin. Pagdating sa kanilang bahay ay medyo ingat siya sa kanyang mga kilos, ngunit kalaunan ay natuto siyang magpakatotoo sa lahat.
Sa kasalukuyan ay masaya siya sa piling ng kanyang karelasyon at namumuhay ng malayang naipapahayag ang sarili, sa kabila ng kani-kanilang mga agam-agam sa buhay at sa kabila ng mapanghusgang lipunan.
Napakarami pang tao ang dinaranas ang diskiriminasyon ng lipunan lalo na sa pamilya kaya mensahe ni Noel para sa lahat.
“I know mahirap yung ganyang sitwasyon, na-overcome ko siya, as long as nandun yung respeto sa sarili mo. Go lang tayo kasi parents [are] always parents. Alam nila kung anong nararamdaman ng anak nila. Nahihiya lang sila magtanong sa atin at nahihiya rin tayo mag-out sa kanila. Just be proud being gay,” mensahe ni Noel.
Renmar, Yuri, Jerco
Mula San Pablo, Laguna ay dinayo pa ng mga magkakaibigang sina Renmar, Yuri, Jerco ang Marikina City upang makadalo at makisaya sa Pride March.
Hindi nila pinalampas ang pagkakataong makiisa LGBT community. Simula pa lamang bata ay pare-parehas na nilang napagtanto ang tunay nilang mga kasarian at hindi ito naging madali para sa tatlo.
Kay Yuri na isang bisexual at puro babae ang mga kapatid, naging mahirap ang naging pagtanggap ng kanyang pamilya noong una ngunit pinili niyang maging totoo sa kanyang sarili.
Naging bukas naman ang unico hijo na si Renmar sa kanyang mga magulang.
“Nag-iisang anak ako ‘tas kumaliwa pa, so mahirap ‘yun tanggapin pero you just have to make your parents understand on what you’re going through and express yourself to them, open up to them as well,” aniya.
At para sa 21 anyos na si Jerco, naging salik at impluwensiya sa kanyang pagiging gay ang pagkakaroon maraming babae sa kanilang bahay. Wala naman siyang pagsisisi at proud siya sa kanyang sarili.
Mahirap ipakilala ang sarili at manindigan para sa karapatan sa lipunang may stigma o hindi pa rin nauunawaan ang LGBTQIA, ngunit naggawa nina Yuri, Renmar at Jerco.
“Take your time kasi iba-iba naman tayo ng circumstances, so kung kaya niyo nang mag-out and you know the consequences of coming out, then you should go and fight for your rights,” payo ni Renmar.
JC
Bitbit ni JC, 17 anyos, ang pinag-ipunan niyang Pride Flag sa isinagawang Pride March sa Marikina noong Hunyo 30.
Pumunta si JC sa Pride March dahil nais niyang gamitin ang ganitong event upang mag-out at makisaya. Hindi na lingid sa kanyang kaalaman na simula bata pa lamang ay isa na siyang lesbian. Ngunit kung gaano kadali sa kanya na matuklasan ito sa kanyang sarili ay ganoon naman kahirap ang kalbaryo na hinaharap niya para ipakilala ang sarili sa kanyang pamilya.
Mayroong pagkakataong pinipilit siya ng kanyang tita na pagsuotin ng dress. Ngunit kahit anong pilit ng kanyang tita ay talagang ayaw ni JC. Doon na humantong na kinuwestiyon niya ang kanyang sarili, “mali ba na ganito ako?”.
Hindi rin nakaligtas si JC sa kanyang mga kaklase. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay kaklase niya mismo ang nag-out sa kanya sa loob ng klasrum.
Kwento ni JC, “manliligaw ko ‘yun pero nung nalaman niya eh pinagkalat niya na lesbian ako. Eh ‘di pa ‘ko ready nun, ‘tas i-a-out niya ‘ko ng ganun.”
Marami man ang pagsubok na diranas ng katulad ni JC sa ganitong klaseng lipunan, nananatili pa rin ang kanyang positibong pananaw.
“Wag silang matakot, marami mang manghuhusga, wala naman silang magagawa eh, words lang naman yun.”
The post #RiseUpTogether | Mga mukha sa Pride March 2018 appeared first on Manila Today.