Site icon PinoyAbrod.net

Sa Kidapawan

Ni MARVIN LOBOS

Nagtanim kami
Ng lakas-ng-loob
Ng baka-sakali
Sa burak
Na napaglubugan na halos
Ng kaliwa naming paa.

Doon
Hindi mo na makikilala
Ang aming pawis
Libag
Luha
Dugo
Pagkat pinag-isang dibdib na mga iyon
Ng aming lunggati
Sa dalisay na tubig at putik
Upang malayang magniig
At magbunga ng mga palay ng pag-ibig.

Ngunit
Sadyang kapos ang kapalaran
Gaya namin
Kaya nabitak ang lupa
Gaya ng ginuhit ng tadhana
Sa aming talampakan
Ngayong panahon ng El Nino.

Kaya nagbaka-sakali lamang kami.
Nagbaka-sakaling
Makakaani kami sa inyong puso
Ng ilang bigas ng pang-unawa.
Lunggati at pag-ibig,
Hindi at higit sa anuman,
Ang lakas ng tinig ng aming protesta
At ang nagtutulak sa aming paa
Kaya nagpakupkop muna sa kalsada.

Pero bakit tinugon n’yo ay bala? Bakit
Tinugon n’yo ay bala?

Isang araw,
Natatakot kami
Na baka hindi na lang palay
Ang tabasin ng karit namin
Unti-unti
Dahil sa itinanim n’yong pagkamuhi
Baka matutunan na namin
Mga ulo na ninyo
Ang aming tagpasin.

 

 

The post Sa Kidapawan appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version