Site icon PinoyAbrod.net

Sa likod ng kamera

Sadyang mapanlinlang ang kamera.

Sa bawat eksenang may umaatikabong bakbakan, posibleng may ekstrang tunay na nasaktan. At kahit na nakakatawang eksena ang kinukunan, posible ring may tahimik na umiiyak sa sulok ng set. Siguro’y gusto na niyang umuwi pero mahaba pa ang gabi.

Kasisimula pa lang ng shooting kasi. Samantala, natutulog lang sa isang tabi ang make-up artist dahil mamaya pa naman siya tatawagin para mag-retouch sa mga artista.
Sino ba ang nagsabing masayang matrabaho sa pinilakang tabing?

Sa bawat pahayag ng artistang pinaghirapan niya ang pag-arte sa harap ng kamera, malamang na may manggagawang pinahirapan sa likod nito. Mistulang alipin siya ng “set” na inuutusang gawin ang lahat para maging komportable ang buhay ng mga pangunahing artista.

At ang paghihirap ng kawawang manggagawa ay kapalit ng ano? Kapirasong barya kumpara sa milyon-milyong kinikita ng mga alam-mo-na? Siyempre tinutukoy natin hindi lang ang mga milyonaryong artista kundi ang mga bilyonaryong kapitalista.

Hindi na ito sikreto sa maraming tao. May pang-aapi kahit saan ka tumingin. Sa isang sistemang may mga naaapakan para umakyat sa kinalalagyan, pinipilit na maging katanggap-tanggap ang pagbibigay ng mga bagong salita para pagtakpan ang pang-aapi – kontraktwalisasyon, “malayang” oras sa pagtatrabaho at mahabang bakasyon.

Kumusta ba ang buhay kontraktwal? Mas mainam diumano ang maging kontraktwal kaysa maging permanenteng manggagawa dahil mas madaling lumipat ng trabaho. Posible rin daw na makahingi ng mas mataas ang suweldo sa negosasyon para sa bagong kontrata. Pero alam nating puro pangako lang ang mga ito dahil ang esensya ng kontraktwalisasyon ay ang pagtatanggal ng mga benepisyong naaayon sa batas tulad ng bonus at paid leaves (lalo na ang sick leave at maternity leave). At sa halip na ibigay ang minimum o mas mataas na sahod, kadalasang nangyayari ang mababang pasahod. (Kailangan pa bang isalin sa wikang Filipino ang “starvation wages”?)

Ano naman itong “malayang” oras sa pagtatrabaho at mahabang bakasyon? Nangangahulugan lang itong mababayaran ka lang sa mga panahong may trabaho. Kung wala, siyempre’y puwersahan ang walang bayad na mahabang bakasyon. Oo, malaya ka namang makakahanap ng iba pang mapagkakakitaan pero madali bang makakuha nito? Oo, mas magkakaroon ka ng oras para sa mga mahal mo sa buhay pero saan ka naman kukuha ng panggastos para sa sarili at para sa kanila?

Sadyang tinatago sa makukulay na termino ang sitwasyong napakasaklap para maging katanggap-tanggap. Hindi ito kakaiba sa kamerang nagbibigay ng ilusyon ng pag-unlad kahit na kabaligtaran ang realidad. Hindi nasasapol ng kamera ang lahat ng nangyayari, lalo na ang sitwasyon sa likod nito.

Ayon sa isang tula at kanta ni Gil Scott Heron noong 1970, hindi raw matutunghayan sa telebisyon ang rebolusyon (“The revolution will not be televised”). Sa konteksto ng kasalukuyang panahon, hindi pa rin mababasa, maririnig o mapapanood sa dominanteng midya ang anumang balita o kuwentong may kinalaman sa rebolusyon. Paano naman mangyayari ito kung may sariling “rebolusyong” nangyayari sa mismong bakuran nito?

Matagal nang usapin ang hindi makatarungang sitwasyon ng mga manggagawa sa midya, partikular yung mga kontraktwal na may mababang sahod at mahabang oras sa trabaho, bukod pa sa kawalan ng benepisyo. Pinagtatakpan ito ng ilang may-ari ng organisasyong pangmidya sa pamamagitan ng pagtawag sa kanila bilang mga “talent.” Hindi ba’t mas magandang pakinggan ito? Sige na nga, pero hinding hindi mapagtatakpan ng magandang tunog ang namumuong sunog.

Bagama’t nakakaaliw talaga ang iba’t ibang kulay at iba’t ibang bagay na napapanood, iisa’t iisa lang ang pinagmulan ng mga ito – ang nakakabaliw na dugo, pawis at luha ng mga abang manggagawa sa likod ng kamera.

Panahon nang ang industriyang gumagamit ng mapanlinlang na kamera ay maging lunsaran ng kampanya para sa tunay na hustisya.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Sa likod ng kamera appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version