Site icon PinoyAbrod.net

Sagasa sa maralita

May anim na anak si Thelma Mendez, 62, na sa kanyang pagtitinda. Manggagawa sa konstruksiyon ang kanyang asawang si John na pana-panahon lang nakakakuha ng trabaho. Tuwing kumikita ang asawa niya ng P2,500 sa trabaho, kailangang maglaan si Thelma ng P1,500 para sa paninda. Ang tira, pambili nila ng pagkain.

“Malaking bagay ang aming pagtitinda. Dito na namin nakukuha ang pangangailangan sa pagkain ng buong pamilya. Gamumo o barya-barya lang ang kinikita sa pagtitinda pero para sa aming mahirap malaking bagay na rin,” kuwento ni Thelma.

Pagpataw ng bagong buwis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law nitong 2018, naranasan ng pamilya ni Thelma sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin para sa kanilang karinderya. “Lagi na lang tayo ang biktima, lalo na nang ipinatupad ang Train na yan,” ani Thelma.

Kamakailan, nagpasya na si Thelma na isara na ang kanyang sari-sari store at karinderya. At ngayong panahon ng pasukan, hirap sila sa mga pag-aaral ng mga bata.

Matinding epekto sa langis

Itinatanggi ng administrasyong Duterte na may kinalaman ang Train sa taas-presyo ng mga bilihin. Pero ang malinaw, may malaking kinalaman ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Minamaliit ng gobyerno na may kinalaman ang Train dito.

Para sa Ibon Foundation, maling mali ang administrasyong Duterte sa pagmamaliit sa epekto ng Train sa sunud-sunod na taas-presyo ng mga bilihin, lalo na ng langis.

Mula noong katapusan ng taong 2017 hanggang ngayon, tumaas na ang presyo ng krudo ng P10.20 kada litro. Ang presyo ng gasolina, tumaas nang P15.14 kada litro, habang P11.41 kada litro naman ang itinaas sa presyo ng gaas. Kasama na sa mga presyong ito ang excise tax at valueadded tax na ipinapataw sa mga produktong langis.

Ang katwiran ng gobyerno, tumaas ang presyo ng pandaigdigang merkado kaya tumaas ang presyo ng langis sa bansa. Totoo naman ito, ayon sa Ibon. Tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Mean of Platts Singapore (MOPS) nang US$7.91 kada bariles ng gasolina at US$5.92 kada bariles sa krudo. Ayon sa gobyerno, tumataas nang piso kada litro ang presyo ng gasolina sa Pilipinas sa bawat US$3 kada bariles na itinataas nito sa pandaigdigang merkado.

Ang ibig sabihin nito, dapat na tumaas lang nang P2.93 o halos tatlong piso lang kada litro ang dapat itinaas ng presyo ng gasolina. Kaya bakit P15.14 kada litro ang itinaas nito—kung talagang taas-presyo lang sa pandaigdigang
merkado ang dahilan? Ayon sa Ibon, malinaw na nagkaepekto na ang Train sa presyo ng gasolina, gayundin ang iba pang produkto.

Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon, lumalabas na nagpapataw ang Train ng P2.50 kada litro na excise tax sa krudo, samantalang P3 kada litro naman sa gaas. Itinas naman nito ang excise tax sa gasolina nang P1.65-P2.65, hanggang P7.00. Suma tutal, dahil pinatawan din ng 12 porsiyentong VAT ang tumaas nang presyo ng langis, nakadagdag ng P2.8 (sa krudo), P3.36 (sa gaas), at P1.85-2.97 (sa gasolina). “Ibig sabihin, Train ang dahilan ng isang kapat ng taas-presyo ng krudo at gasolina,” paliwanag si Africa.

Inaasahan ng Ibon na pagtuntong ng taong 2020, tataas nang P6.72 kada litro ang presyo ng krudo, P5.60 kada litro ang presyo ng gaas, at P6.33 kada litro ang presyo ng gasolina dahil sa Train.

Grabeng pahirap

Ramdam na ramdam ng mga magulang ngayong pasukan ang taas-presyo ng mga bilihin na dulot ng taas-presyo ng langis.

Inaaral ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang mga produktong pangeskuwela na binebenta ngayon sa Divisoria. Napag-alaman nila na may dagdag-presyong P1 hanggang P5 sa mga produktong pangeskuwela.
“Kung isasama ang taas-presyo sa mga uniporme sa eskuwela, sapatos at bag, tumataas ang kailangang badyet ng mga pamilya para sa pasukan mula P2,000 tungong P2,500 kada batang nag-aaral sa pampublikong eskuwela,” sabi ni Benjie Valbuena, presidente ng ACT.

Idinadaing din ng mga guro ang nagtataasang presyo ng mga bilihin. Sa programang Brigada Eskwela ng Department of Education, matindi ang presyur sa mga guro na gumastos nang malaki sa pagsasaayos at pagpapaganda ng mga klasrum. Natutulak din ang maraming guro na presyurin ang mga magulang na dumagdag sa gastos sa mga klasrum—kahit pa hirap na nga ang mga magulang na ito sa taas-presyo ng mga bilihin, ayon kay Valbuena.Sa pagbagsak ng kabuhayan ng mga magulang na tulad ni Thelma, inaasahang apektado pati ang pagpasok sa eskuwela ng mga bata. Idagdag pa rito ang posibleng pagtaas ng singil sa mga pamasahe sa pampublikong mga sasakyan.

“Isa lang ang nasa isip ko ngayon: Hindi talaga prayoridad ng gobyerno ang mahihirap. Sa panahon ng kagipitan, wala kang ibang kakampi kundi ang kapwa mo rin mahihirap,” ani Thelma. Nakikiisa siya sa lumalawak ngayong paglaban sa Train. May ulat ni HD de Chavez

Featured image: Larawan ni Kathy Yamzon
Exit mobile version