Kinumpirma ni Pangulong Duterte na nasa likod siya ng pagpapaalis sa puwesto kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Pero hindi aatras ang Punong Mahistrado sa paggiit ng kanyang mga karapatan at sa independensiya ng hudikatura.
“Napakademonyo ng ginagawa nila. Sukdulan ito ng pagkakaabsurdo,” sabi ni Sereno, sa isang pagtitipon ng Movement Against Tyranny (MAT) sa Quezon City noong Araw ng Kagitingan, Abril 9.
Matapang na hinarap ni Sereno ang mga akusasyon ng mga kapwa mahistrado ng Korte Suprema sa pagdinig para sa petisyong quo warranto ni Solicitor General Jose Calida sa Baguio City kinabukasan, Abril 10. Sinagot niya ang mga akusasyon kaugnay ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na ipinupukol sa kanya ni Calida at ng kapwa mga mahistrado na sina De Castro, Tijam, Jardelezza, Peralta, at Bersamin.
“Hindi ako [maaaring yumuko dahil] kailangan kong imantine ang kakayahang tingnan ang bawat mamamayan sa mata at sabihin sa kanilang lumaban nang may tapang, ipaglaban ang kanilang mga prinsipyo, huwag bumigay at huwag sumuko,” sabi pa ni Sereno.
Kumakaharap sa impeachment complaint ang punong mahistrado sa Kamara at nagsampa naman ng quo warranto petition si Calida upang sumailalim si Sereno sa pagdinig ng Korte Suprema sa mga alegasyon na diumano pagkakaroon marangyang pamumuhay at mga iregularidad sa pamamahala ng hudikatura.
Para sa MAT, hindi lang karapatan ni Sereno sa patas na pag-uusig ang nakataya sa usaping ito, kundi ang independensiya ng isang co-equal branch o kapantay na sangay ng gobyerno. Mahalaga umano ito sa demokrasya para magkaroon ng check and balance o pamamaraan para matsek na hindi nang-aabuso ang Ehekutibo at hindi maimbudo sa Pangulo ang klahat ng kapangyarihan.
Personalan?
Sa naturang pagdinig sa Baguio, gayundin sa mga deliberasyon ng House Justice Committee, lumalabas na personal lang ang hinanakit at sama ng loob ng limang mahistrado kay Sereno. Pero sinakyan ang mga hinanakit na ito para isulong ni Calida ang pagpapatalsik kay Sereno.
Sa mga pahayag din ni Duterte na reaksiyon sa mga pahayag ni Sereno sa Araw ng Kagitingan, malinaw na siya ang nasa likod ni Calida na pumupuntirya kay Sereno. “I will egg Calida to do his best. Ako na mismo maglakad, magkalaban sa ‘yo,” ani Duterte. Sinabi pa niyang inihihiling niya sa Kongreso na agarang patalsikin si Sereno.
Pero ipinakita ni Sereno na handa siyang labanan ang tiraniya. Sa nasabing pagtitipon ng MAT, binigyan nito si Sereno ng “Pagkilala ng Kagitingan”, kasama ang ilang mamamahayag na kritikal na tumindig sa mga pang-aabuso ng rehimeng Duterte.
“Ang pagkilalang ito ay partikular na mahalaga sa panahon na kumikolos ang reghimeng Duterte upang kontrolin ang hudikatura sa pagpapatalsik kay Chief Justice Sereno, patuloy na atake sa mga karapatang pantao sa ilalim ng giyera kontra droga at kontra-terorismo, at pagtatangkang supilin ang kalayaan sa pamamahayag at iba pang kalayaang sibil,” pahayag ng MAT.
Iginiit ng MAT na ang pagtatangka na alisin si Sereno sa puwesto ay magbibigay ilusyon na ligal ang plano ni Duterte na ipasailalim ang bansa sa diktadura sa pamamagitan ng charter change, batas militar o sa pagtatatag ng maka-kanang “revolutionary government.”
Kasama naman sa iba pang kinilala ng MAT ang mga kaanak ng mga pinaslang sa ngalan ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte. Tumanggap din ng pagkilala si Joanna Cariño ng Sandugo at mga katutubong patuloy na nakikibaka laban sa agresyong militar at panghihimasok ng malalaking negosyo sa kanilang mga lupang ninuno.
Tinanggap naman nina Pia Ranada ng Rappler at litratistang si Raffy Lerma ang pagkilala sa mga mamamahayag na matapang na pag-uulat sa kabila ng mga banta sa kanilang kaligtasan at buhay. Kabilang sa mga kinilala si Kath Cortez ng Radyo ni Juan Davao, Vera Files, Altermidya at iba pang manggagawa sa midya.
Iginawad ang mga pagkilala sa mga nabanggit ng MAT kasama ang Let’s Organize for Democracy and Integrity (LODI), Coalition Against Darkness and Dictatorship (CADD) at Ladies Who Launch.
Dumalo naman sina dating Vice-Pres. Teofisto Guingona Jr., dating Sen. Rene Saguisag at dating Rep. Erin Tañada sa pagtitipon upang magpakita ng suporta sa laban ng mga mamamayan sa isa na namang nagbabadyang diktadura.