Halos lahat ng mga bayang naging maunlad at nakaranas ng malawakang industriyalisasyon ang napaunlad sa tulong ng makabuluhang paggamit ng mga makinarya sa produksyon, para sa transportasyon ng mga tao, produkto at gamit sa agrikultura at industriya, at para sa pagkonsumo ng mga tao sa mga bagong likhang produkto.
Simula nang gamitin ang mga uling (coal) sa industriyalisasyon, naisakatuparan na ang pagpapabilis ng paggawa ng mga bagay mula sa hilaw na materyales tungo sa mga yaring produkto. Ang mga uling din ang nagpagalaw sa mga bagong likhang makinarya upang maging mabilis ang paggawa ng mga bagay sa pamamagitan ng paglalapat ng teknolohiya at bagong kaalamang siyentipiko sa paggawa.
Dahil na rin sa paggamit ng uling, naisakatuparan ang pagpapabilis ng ugnayan ng mga tao sa iba ibang lugar ng daigdig. Napalitan na ang paglalakbay sa dagat mula sa paglalayag (na nakasalalay sa ihip ng hangin) tungo sa bapor na pinapatakbo ng singaw na nagiging enerhiya para umusad ang mga barkong naglalakbay sa iba’t ibang karagatan. Sa kalaunan, nakita ang masamang epekto ng paggamit ng uling sa kalikasan at kapaligiran kaya nagpaunlad na ngayon ng maraming alternatibong pagkukunan ng enerhiya na maaaring paulit-ulit na gamitin nang hindi nakakapaminsala sa kalikasan.
Sa transportasyong panlupa, naging susi ang paggamit ng mga tren na nag-ugnay sa mga lugar na interyor na dating mahirap, matagal at mabagal na mapuntahan ng mga tao at industriya. Ang mga halimbawa ng ekstensibong pag-unlad ng sistema ng tren sa Amerika at India ang nagpatunay na mapapadali ang transportasyon, komunikasyon at ugnayan ng mga tao at lipunan sa pamamagitan ng bagong sistema ng daang bakal.
Maraming maiaanak na industriya ang daang bakal. Napapaunlad nito ang mga bagong bayan at lungsod na nagiging sentro ng kalakalan sa pagbubukas ng mga bagong istasyon ng tren sa iba ibang bayan. Naglulunsad ito ng mga bagong industriya ng bakal at asero na kailangan hindi lamang sa mga tren mismo, kundi sa mga daang bakal. Nagbigay ito ng maraming trabaho sa mga manggagawang kasangkot sa paggawa ng tren, pagpapaunlad ng mga daang bakal at istasyon, at pati na sa pagpapanatili ng kondisyon ng mga makina at daang bakal.
Dahil din sa tren naging posible ang pagpapaunlad ng mga produktong agrikultural sa malawakang pamamaraan. Napag-ugnay ng mga tren ang mga sentro ng produksyong sakahan sa mga lungsod na nakapagpaunlad ng industriya. Dahil dito, natatamo ang pangunahing tulak sa industriyalisasyon ng isang bayan na nagtitiyak sa kakayahan nitong gumawa ng mga yaring produkto mula sa hilaw na sangkap.
Subalit hindi ganoon kadali ang pormula ng industriyalisasyon. Maraming sagabal sa pagtatamo ng kaunlaran ng bayan. Kung ginugugol ang kabang yaman ng pamahalaan hindi para sa pagpapaunlad ng ekonomiya kundi sa ibang hindi produktibong gawain, madaling mauubos ang pondo na dapat sana ay nakalaan para sa pagpapaunlad ng industriyalisasyon at transportasyong nakabatay sa tren.
Isa na sa magastos na gugulin ng pamahalaan ng pakikisangkot sa napakaraming gyera at ekspedisyong militar sa mga lugar na gusto nitong ‘mapapayapa’ sa pamamagitan ng pananakop pangmilitar. Malaki ang nagiging gastusin kung ginagamit ang pondo ng pamahalaan sa panggegera sa sariling lugar na dapat sana ay pagmumulan ng kaunlaran. Mauubos din ang pondo ng pamahalaan kung walang direksyon ang paggastos nito at napupunta na lamang sa mga bulsa ng mga indibidwal at pinunong hindi alam ang dapat gawin upang mapaunlad ang mga pamayanan.
Noon pa lamang ika-19 na dantaon, nakilala na ng ilang intelektwal ang ganitong suliranin ng kawalan ng kaunlaran sa bansa. Sa kanyang pagsusuri sa kawalan ng progreso sa Pilipinas, sinabi ng bayaning si Isabelo de los Reyes (higit na kilala bilang Don Belong) ang kalagayang pumipigil sa pag-unlad ng bansa. Sa kanyang aklat na “La Sensacional Memoria de Isabelo de los Reyes sobre la Revolucion Filipina de 1896-97”, sinabi niya na
Nais ng bansa na ang gagastusin (sa mga ekspedisyong militar) sa Mindanao at sa mga kanugnog-isla ay gamitin na lamang sa paggawa ng mga tulay, kalye, at mga riles ng tren, dahil nananaghili siya sa mga kalapit bansang pag-aari ng mga Ingles na mga nakauungos na sa larangang ito, dahil sa ang Filipinas naman ay likas na mayaman din sa mga bagay para roon.
… Paunlarin muna natin ang industriya at kalakalan sa Luzon at Bisaya, sa pamamagitan ng paglalagay ng mga riles ng tren na kailangang kailangan doon. At kapag maunlad na ang mga iyon, maaakit na natin sa mga lalawigan ang mga kapitalistang Europeo at Amerikano, at pagkatapos noo’y mapagtutuunan na natin ng pansin ang kalagayan ng mga isla sa Timog, Ito’y kung sakaling hindi iyon napabuti ng komersyo dahil sa pansariling interes, kung ipinahayag yaon na isang ‘puerto franco’ (bukas na daungan) katulad ng ibang mga nasa Luzon.
Ano ba ang dahilan kung bakit hindi maisubasta ang lahat ng plano para sa riles ng tren sa Luzon? Kailangan ba na magtipid ng napakaraming libong piso? Kung gayo’y hanapin iyon sa gastusin ng burokrasya, pero huwag nang pahirapin ang pagtanggap ng mga gawaing panriles ng tren dahil kailangang-kailangan ito ng agrikultura, ng komersyo, at ng industriya ng bansa.
Malinaw ang pahayag ni Don Belong kung bakit napag-iwanan tayo ng ibang karatig bayan sa usapin ng kaunlaran, transportasyon at kalakalan. Sinabi niya na magastos ang paglulunsad ng maraming ekspedisyong militar na hindi naman nagbubunga ng pag-unlad sa kalagayan ng mga mamamayan. Dahil dito, ang ilang pondo na dapat sana ay gugugulin sa industriya ang napupunta sa panggegera sa ibang teritoryo sa loob ng bansa. Kahit nga ang mga lugar sa Carolinas at ibang mga karatig isla ng Mindanao ay pinaglunsaran ng mga ekspedisyong militar ng mga Espanyol kahit na halata namang walang mapapalang ganansya sa panggegera dito.
Pinanukala ni Don Belong ang pagsisimula ng industriyalisasyon sa pamamagitan ng paggamit ng pondo na dating inilalaan sa panggegiyera, at gastusin ito sa pagpapagawa ng mga daang bakal at sistema ng tren sa Luzon at Visayas. Sinabi niya na kung mapapaunlad ang mga rehiyong ito, matutulungan nilang mapaunlad ang Mindanao sa pagpapalawak ng kalakalan at susunod na ito sa industriyalisasyon.
Binigyang kritisismo din ni Don Belong ang malaking gastos ng burokrasya sa mga pasweldo sa mga taong wala namang gaanong ginagawa para sa bayan. Kung gagamitin ang mga ito sa pagpapaunlad ng sistema ng ten, malaking ginhawa ang matatamo ng bayan.
Magkagayunman, hindi pa rin ganap ang pagiging mapagpalaya sa ekonomiya sa yugtong ito ng pag-unlad ng kaisipan ni Don Belong. Iniasa pa rin niya sa dayuhang kapital ang pagdaloy ng inisyatiba sa pagpapaunlad. Hindi nakita ni Don Belong na maaaring maging pagkakataon ito na malagay sa kamay ng dayuhang mamumuhunan ang pangunahing mga industriya kung sa mga kapitalistang Amerikano at Europeo pa rin nakasalalay ang pagpapaunlad. Ikalawa, nakasampay pa rin sa pagpapabukas ng mga daungan sa pandaigdigang kalakalan ang programa ng kaunlaran ayon kay Don Belong. Ang pagbubukas ng mga daungan sa pandaigdigang kalakal ang hudyat ng pangingibabaw ng banyagang kapital sa lokal na kabuhayan. Ito ang pinanukala niya, hindi ang lokal na industriyalisasyon na magtitiyak na may kabuhayan ang mga pamayanan mula sa sariling yamang likas at sa paggamit ng makabagong teknolohiya. Ikatlo, tila tinanggap na ni Don Belong na mapag-iiwanan talaga ang Mindanao sa usapin ng kaunlaran kung ang prayoridad na naman ng pamahalaan ang unahin ang Luzon at Visayas sa programa ng industriyalisasyon. Magiging hindi na naman pantay ang lagay ng ekonomiya kung ganoon ang mangyayari.
Kahit na may limitasyon ang ideya at panukala ni Don Belong sa ilang bagay ng pagpapaunlad, tila nakita nito ang maaaring posibleng problema kung hindi mabibigyan ng pansin ang pagkakaugnay ng kawalan ng sistema ng tren, ang panggegera sa Mindanao, ang kakulangan ng kaunlaran sa ekonomiya, at ang kalagayang napag-iwanan na tayo ng ilang karatig-bayan. Parang ang kasalukuyang panahon ang binabanggit ni Don Belong sa kanyang mga tinatalakay na problema ng kahirapan ng bayan noon pa lamang panahon ng mga Espanyol. Bulok pa rin ang mga tren. May nagaganap pa ring digmaan sa Mindanao. Nasa kamay pa rin ng dayuhan ang nakararaming bahagi ng ating ekonomiya. Pinagkakakitaan pa rin ng mga burokrata ang mga proyekto sa pamahalaang gingagastusan ng taumbayan. Ang alaalang itinala ni Don Belong ang patunay na marami pang aral sa kasaysayan ang magtuturo sa mga solusyon ng kasalukuyang problema ng ating bayan.
Ref.
Isabelo de los Reyes. La Sensacional Memoria de Isabelo de los Reyes sobre la Revolucion Filipina de 1896-97. isinalin sa Filipino ni Teresita Alcantara bilang Memoria: Ang Madamdaming Alaala ni Isabelo de los Reyes Hinggil sa Rebolusyong Filipino ng 1896-97. Quezon City: University of the Philippines Press, 2001.
The post Si Don Belong, ang bulok na tren, ang gyera sa Mindanao at ang pambansang industriyalisasyon appeared first on Bulatlat.