Site icon PinoyAbrod.net

Si Mariano Ponce, ang Tsina, ang Hapon at ang Amerika sa karagatan ng Pilipinas

Isa sa pinakamainit na usapin ngayon na kinakaharap ng sambayanan ang usapin ng pagkontrol sa karagatang nakapalibot sa Pilipinas, lalo na ang nasa kanlurang bahagi ng kapuluan. Maraming nagsasabi na isa na itong maituturing na flashpoint sa karerahan ng mga malalakas na bayan na maaaring magdulot ng malaking sigalot sa hinaharap.

Sa pahayag na nine-dash-line, sinasabi ng Tsina na kanya ang halos lahat ng bahagi ng karagatan sa kanluran ng Pilipinas. Samantala, ang mga bansang Vietnam, Malaysia, Brunei, Pilipinas at Taiwan naman ang nagpapahayag na kanila ang ilang bahagi nito.
Bukod sa mga bayang nabanggit, kasangkot din ang ibang bayan sa potensyal na tunggalian, dahil na rin sa iba ibang kasunduang pangmilitar na kinapalooban ng mga nag-aagawang mga bayan sa karagatan. Ang Estados Unidos, Australia, Hapon, at India ang ilan sa mga kapangyarihang tuwirang may kasunduang pangdepensa sa iba’t ibang bansang kasangkot sa agawan. Sa kabilang banda, nagpahayag naman ng kani-kanilang posisyon ang Russia, ang European Union at ang iba pang bansa ng ASEAN ukol sa usapin.

Hindi bago ang ganitong pagkakasangkot ng Pilipinas sa usapin ng mga agawan ng teritoryo at paggiit ng kalayaan ng mga bayang Asyano. Bilang sugo ng himagsikang Pilipino, pinapunta ng Hong Kong Junta si Mariano Ponce sa Hapon upang makipag-ugnayan sa ibang mga progresibong Asyano doon sa paghingi ng suporta para sa rebolusyong Pilipino.

Noong 29 Hunyo 1898, dumating si Ponce sa Yokohama sa isang misyon upang makakuha ng suporta mula sa mga Hapones para sa ikasusulong ng rebolusyong Pilipino. Sa Yokohama nakaharap ni Ponce ang iba’t ibang mga aktibista at rebolusyonaryong Asyano na kumakaharap sa iba’t ibang kalagayan ng pakikihamok sa kalayaan. Doon niya nakita at nakilala sina Sun Yat sen, pinuno ng rebolusyong Tsino, ang mga Hapones na sina Miyasaki Toten at Inukai Tsuyoshi, at ang mga Koreanong sina Yu Kil-chun at An Kyong-su at iba pang mga Asyano. Matapos siyang bumisita sa Hapon, nakarating din si Ponce sa Hong Kong at Indotsina kung saan dumami pa ang kakilala niyang Siamese, Tsino, Vietnamese at Cambodian na pawang naghahangad ng kalayaan para sa kani-kanilang mga bayan.

Naging atraktibo kay Ponce ang konsepto ng Pan-Asyanismo kung saan ang mga bansang Asyano ang magsasama-sama upang maging higit na malakas sa harap ng hamon ng mga bansang Europeo at Amerikano. Mauunawaan ang ganitong posisyon ni Ponce dahil kinakaharap ng mga Pilipinong rebolusyonaryo ang papabagsak na Imperyo ng Espanya at ang lumalakas na imperyo ng Amerika na nagbabanta ng pananakop sa kapuluan.

Sa Yokohama, naging misyon ni Ponce ang pagbili ng mga armas mula sa mga Hapones, pati na rin ang paghingi ng tulong sa larangan ng ayudang militar at pagpapayo sa estratehiya at pakikidigma mula sa mga militar ng Hapon upang makaharap ang napipintong pakikidigma sa Espanya at Amerika.

Positibo ang tingin ni Ponce sa papel ng Hapon sa Silangang Asya. Nabasa niya ang ilang mga lathalain ng mga Hapones na sumusuporta sa kalayaan ng Cuba mula sa Espanya at dito niya inisip na kung sinusuportahan ng mga Hapones ang mga Cubano sa pagtatamo ng kalayaan, malamang makakakuha rin siya ng suporta mula sa mga Hapones para sa kampanya sa kalayaan ng Pilipinas na mas malapit sa Hapon kaysa sa Cuba.

Tagumpay na nakabili si Ponce ng mga armas mula sa Hapon na gagamitin ng mga rebolusyonaryo. Noong 20 Hunyo 1899, umalis mula Nagasaki ang barkong Nonubuki Maru lulan ng 10,000 riple at anim milyong ronda ng bala pati na ang ilang suplay pandigma na gagamitin ng mga rebolusyonaryong Pilipino. Sa kasamaang palad, inabutan ng bagyo ang paglalayag ng barko at nabalahura ito sa pampang malapit sa Shanghai. Hindi na ito nakarating sa Pilipinas. Nagtangka pang muli si Ponce na magkaroon ng susunod na misyon ng pagpapadala ng armas pero napigilan naman ito nang umurong ang ilang mga Hapones sanhi na rin ng blockade na ibinabanta ng Amerika. Ang mga lulang armas na dapat sana ay makarating sa hilagang Luzon ay hinarang at napilitan ang mga tripulanteng Hapones na iahon ang mga ito sa Taiwan.

Hindi papayagan ng mga Amerikano na makasangkot ang mga Hapones sa digmaan sa Pilipinas sa pangamba ng Amerika na magpalawak ang mga Hapones sa Pilipinas.

Dahil ilang ulit na hindi natuloy ang misyon, sa halip na ituloy ang pagbili ng armas, pinili na lamang ni Ponce na suportahan ang kaibigang si Sun Yat sen sa kanyang rebolusyon sa Tsina. Sa pananaw ni Ponce, kung magiging malakas ang Tsina, maaaring makatulong ito sa pagsusulong ng rebolusyon sa Pilipinas at makakasangga ito upang mapaalis ang mga Europeo at Amerikano na nagbabantang manakop sa kapuluan.

Malalim na ang pagkakakilala ni Ponce kay Sun Yat sen. Sa kanyang isinulat na biograpiya nito, inilahad niya ang kanilang unang pagkikita…

“…Ang hangin ng kapalaran ang nagdala sa akin sa lupain ng mga samurai.Noong isang malamig na gabi habang tagyelo noong 1899, sa Tokyo, inimbitahan ako upang maghapunan sa tahanan ng isang sikat na politikong Hapones, ang Kgg Inukai Ki, kasapi ng Imperial Diet (Parlamentong Hapon (Gealogo). Ipinakilala ako sa iba pang mga bisita na noon ko lamang nakadaupang palad, karamihan sa kanila ay mga politiko at siyentistang Hapones. Isa sa mga bisita si Sun Yat sen. Mula sa gabing iyon, nagmula ang personal na pagkakakilala ko sa kanya. Kapwa kaming nakatira sa Yokohama, at noong gabing iyon ay umuwi kami nang sabay. Dahil nakatira kami sa iisang lungsod, lagi kaming nagkikita. Sa sarili naming mga pamamaraan, isinulong namin ang parehong adhikain – ang kaligayahan n gaming mga bayan – at pinag-isa kami ng pakikisimpatiya sa isa’t isa. (Ponce, Sun Yat sen, Founder of the Republic of China, 1965. Pagsasalin sa akin)

Sa pagkakakilala bilang kapwa rebolusyonaryong nagsusulong ng kalayaan ng kani-kanilang bayan, naging matibay ang pagkakaibigan nina Sun at Ponce. Si Ponce ang nagpakilala kay Sun sa iba pang mga rebolusyonaryong Asyano mula Korea at Hapon. Sa pagsuporta sa kani-kanilang mga rebolusyong pambayan, ipinakita ng magkaibigang Ponce at Sun ang kahalagahan ng Pan-Asianismo na magbibigay ng network ng mga rebolusyonaryo na magpapalaya sa mga bayang Asyano.

Mula sa panahon nina Ponce, maraming mangyayaring geo-politikal na kalagayan sa silangang Asya na magbibigay ng pangamba sa iba’t ibang bayan. Matapos ang panahon nina Ponce at Sun, magiging  mapanakop ang mga Hapones at gagamitin nito ang Pan-Asianismo para isulong ang propaganda ng Greater East Asia Co-Prosperity Sphere. Sa simula, ilang mga pinunong Asyano gaya nina Sukarno, Ho Chi Minh, at Aung San ang maniniwala sa potensyal nito na maging pantapat sa pananakop ng mga Europeo. Subalit sa huli, magiging malinaw na propaganda lamang ito ng mga Hapones upang isulong ang kanyang sariling pananakop sa mga bansang Asyano.

Gayundin ang kalagayan ng Tsina. Sa simula, nagpakita ito ng tindig na makikipaglaban para sa kalayaan ng mga bansang naging kolonya ng mga taga-kanluran. Subalit malinaw sa kasalukuyan na sa pagpapahayag na kanya ang lahat ng mga dagat at lupaing nakapalibot sa kanya, isinusulong lamang nito ang pananakop gaya din ng mga naunang imperyalistang bayan. Isang balaraw na may dalawang matutulis na dulo ang Pan Asianismo. Maaari itong gawing inspirasyon sa pagpapalaya sa bayan. Subalit maaari din itong gamitin upang manakop ang malalakas na bayang Asyano at mawalan ng teritoryo ang mga mahihina at maliliit na bayan. Mahaba na ang panahong ipinagbago mula sa panahon ni Ponce. Kailangang balikan ang diwa at ideya ng pandaigdigan at rehiyonal na solidaridad at pakikiisa ng mga bayan sa adhikain ng lahat na lumaya ang kani-kanilang lipunan. Subalit may mga pagkakataon na nauuwi ang unang hakbangin ng solidaridad sa pananakop ng ilan sa mga mahihinang bansa. Sa halip na pakikiisa ng mga bansa at pinuno ang naipalaganap, pananakop at pangingibabaw pati na agawan ng mga teritoryo para sa pansariling kapangyarihan ang naisusulong. Sa kasaysayan makikita ang potensyal ng pakikipagtulungan ng mga bansa upang lumaya. Sa kasaysayan din malalaman na kailangang tanggapin na hindi na maiaahon muli ang lumubog na barko ng Nonuboki Maru.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Si Mariano Ponce, ang Tsina, ang Hapon at ang Amerika sa karagatan ng Pilipinas appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version