Site icon PinoyAbrod.net

Si Rizal at ang alegorya ng dalawang magkapatid

Tuwing napapadpad sa krisis ang lipunan, lumalaki ang panganib na ikahon sa dalawahang panig ang inihahaing posibilidad at alternatibong pananaw na maaaring kunin bilang tindig ng mga kasangkot sa tunggali. Itinuturing itong panganib dahil sa hindi nito nakikilalang maihayag ang kompleksidad ng mga pangyayari at hindi madaling ikahon sa dalawang panig. Hindi laging puti at itim ang pagpipilian kapag nagbabangayan ang dalawang panig. Hindi rin oo at hindi ang laging maaaring tugon sa mga tanong.

Nagiging kapuna-puna ito kung higit na malalim ang mga usapin na kinakaharap sa lipunan. May ilang mga nakikinabang sa ilang kalagayan na nagbibigay-daan sa kanila para ipagtanggol ang pag-iral nito. May ilan namang naaapi sa kalagayan kaya hindi sila kuntento at sila ang nangunguna sa pagpuna upang mapalitan ang sistema.

Sa ilang pagkakataon, nagkakaroon ng personipikasyon ang bangayan ng mga ideya, dahil kinakailangan ng representasyon ng mga ideya ukol sa pinagtatalunan sa nibel na pamilyar at nakikilala ng mga nagtutunggali.
Ganito ang pangyayari sa kalagayan ng kolonyal na pananakop sa Pilipinas. Ang karanasan ng pangingibabaw ng dayuhan ang nagbigay-daan upang may ilang sektor na maging kaanib nito dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Kung minsan, ang mga kaalyado ng dayuhang mananakop ang siyang nanguna sa integrasyon sa wika, kalinangan, kultura, pamamaraan ng pamumuhay at kabuhayan pati na ang kapangyarihang ibibigay ng kaalyadong dayo.

Sa kabilang banda, may ilang mga sektor na napag-iwanan at nanatili sa gilid ng pagbabagong dulot ng pananakop. Hindi sila nakapagsalita ng bagong dalang wika, napag-iwanan ang kanilang kabuhayan sa bagong kaayusan, at hindi sila nabigyan ng mga posisyon sa bagong dispensasyon, bagkus sila ang nanatili sa gilid ng kapangyarihan.

Sa pagitan ng dalawang ito, maraming nalagay sa gitna dulot marahil na kanilang sariling piniling kalagayan, o dahil na rin sa sirkumstansya ng mga pangyayari. May ilang nakinabang sa kabuhayan pero walang posisyong nakuha sa gobyerno. May ilang nakapagsalita ng mga wikang banyaga pero nananatiling walang kabuhayan o di kaya ay nagipit ng mga awtoridad. May ilang mga dating nawalan ng kabuhayan pero nakakuha ng bagong oportunidad sa negosyo o pananiman dahil sa pagbabago ng sirkumstansya ng kasaysayan at lipunan.

Ganito ang kalagayan ng mga ilustrado sa lipunan. Sa isang banda, kasama sila sa mga naging bahagi ng kolonyalismong Espanyol. Nakapag-aral at nakapagwika ng Espanyol ang marami sa kanila. Nakapagpaunlad ng kabuhayang sanhi ng bagong bukas na mga plantasyon. Mayroon silang mga magulang na kayang magpadala ng anak hanggang sa Europa upang magpakadalubhasa o makapag-aral. Kahalubilo nila ang mga elite at naghaharing uri sa Espanya.

Pero indios bravos pa rin ang turing nila sa kanilang sarili. Indio dahil hindi kailanman sila magiging peninsular sanhi ng kapanganakan at lahi. At Indio dahil walang puwang na magkaroon ang kanilang uri sa kapangyarihan ng kolonya. Kung pipintasan nila ang pananakop, sila ang naipapatapon sa mga malalayong isla, nagiging tampulan ng panggigipit kung maging konserbatibo.

Ang nangyari kay Jose Rizal ang klasikal na halimbawa nito. Kahit na ang kapatid niyang si Paciano na may simpatiya sa tatlong pari ang nagdesisyong tumahimik nang hindi mapagsuspetsahan ng mga autoridad. Napagdesisyunan nilang bumalik si Jose sa Europa sa paniniwalang maaari nilang subaybayan ang kaso ng lupang kanilang inuupahan sa Calamba mula sa mga prayleng Dominiko. At kahit na mayaman, nakaranas ng panggigipit kahit na ang matanda nilang nanay at naipakulong ng mga taong pamahalaan.

Kakaiba rin ang pagturing nila sa kalinangang banyaga kaugnay ng kulturang Espanyol. Naging bihasa sa Espanyol si Rizal at ito ang naging pangunahing wika ng kanyang mga sulatin. Nagsulat din siya at nagwika sa Pranses, Aleman at kaunting Ingles. Kahit sa anumang pagtingin, hindi siya pangkaraniwang mamamayan ng Pilipinas.

Kaya nga kakaiba kapag may makikitang kasulatan si Rizal sa Tagalog, kahit ito na ang kanyang unang wika. Dahil sa interbensyon ng kolonyalismo, mas naging bihasa sa wikang banyaga ang mga bayaning gaya ni Rizal at miminsan lamang magpahayag sa sariling wika. Lalong magiging kumplikado ang usapin kung tatanungin kung sino ang kausap nila sa kanilang mga sulatin. Nilalayon ba nilang ipaunawa sa kanilang mga kababayan ang kanilang mga ideya? Kung gayon, paano ito maiintindihan ng nakararami na hindi marunong mag-Espanyol?

Gayundin, kung nasa wikang Espanyol ito, mga Espanyol ba ang kanyang kausap at gustong kumbinsihin upang magkaroon ng reporma sa Pilipinas? Nasaan ba ang laban ng pakikibaka ng mga ilustrado?

Sa mga sulatin sa wikang Tagalog, isa sa mga hindi kilalang ginawa ni Rizal ang dagli na pinamagatang Ang Dalawang Magkapatid. Dahil nasa Tagalog ito, madaling matugunan ang layunin ni Rizal na ipaabot ang kanyang ideya sa mga kababayan, hindi gaya ng mga nobela niya na hindi naman tiyak na nabasa ng mga karaniwang tao sa kanyang panahon (o kahit na sa kasalukuyan, kahit may batas na nagpapanukala nito.)

Ang Dalawang Magkapatid

Ako’y may kakilalang magkapatid, na pinaninirahan ng isang mapanglupig na ale. Ang nasabing ale, ng unang panahon, ay mayaman at malakas, kaya nga at nakapanghimasok sa pamumuhay ng mga magkapatid. Ngunit sa kalaunan, raw nga baga, ay nanghina at naghirap, karamay ang mga nasasaklawang pamangkin. Nilupig nga, at inalipin, at sa balang hingi o hangad ay parusa ang isinasagot ng palalong ale. Sa lagay na ito, ang isa’y tumanong at nagsabi sa sarili:

“Ang sagot sa dahas ay dahas, kapag bingi sa katwiran. Tutulungan kaya baga ako ng mga karugo, sakali’t pag-isipan kong kami’y lumigtas? Hanggang dito… kung ang isa sa amin ay mangahas kayang sumagot ay napapag-isa, sapagkat ang iba’y hindi tumutulong. Ngunit tila nagbago; kung pangahasang muli, ipag-ubos ang lakas, at pagsabay-sabayan, tutulong kaya ang iba? Ang lakbayi’y lubhang mapanganib, ngunit ang tubo’y higit sa ibayo: puhuna’y malaki, higit sa buhay, sapagkat kalakip ang buhay ng iba. Makapangako kayang tutugon, at di lulubay, yamang ang sala o hina ng isa, makapapahamak sa lahat?”

Ito ang itinanong, ngunit di ko talastas ang sagot ng iba.

Malinaw na alegorya ng kalagayan ng Pilipinas ang binabanggit ni Rizal sa dagli. Ang ale na tinutukoy ang Espanyol na sa malakas sa una kaya nanghimasok at naging mapanlupig subalit naging mahina at mapang-alipin. Ang dalawang magkapatid ang tumutukoy sa dalawang maaaring tindig na mga mamamayan sa harap ng krisis ng panlulupig. Kailangan bang putulin na agad ang ugnayan, tapatan ng dahas sa dahas upang maging malaya? Maaari bang asahan ang kapatid na hindi makapagdesisyon ang nagdadalawang-isip dahil takot na madamay sa anumang pahamak?

Paano tinitiyak ng mga tao ang kanilang tindig hinggil sa panganib at pangako ng pagbabago? May kapakinabangan kung maninindigan laban sa kaapihan, subalit malaki rin ang panganib na mandamay at mapahamak ang lahat?

Kung muling babasahin, maraming panahon sa ating kasaysayan ang nasadlak tayo sa panahong gaya ng alegorya ng dalawang magkapatid. Sa panahong inagaw ng mga Amerikano ang nakamit ng rebolusyong Pilipino, maraming nagkabilang bakod agad at kumampi sa bagong mananakop habang iniiwan ang mga nanatili sa labanan. Gayundin ang nangyari sa panahon ng mga Hapones, at ang kontrobersyal na usapin ng kolaborasyon sa mga kaaway. Sa panahon ng batas militar, maraming nagbanggit na mabuti sa kanila ang diktadura at awtoritaryanismo kahit na kapuna-punang maraming mga kababayan ang naging biktima nito.

Ilang magkakapatid ang nagtalakayan sa alegorya ng ating kasaysayan? Ilang kompleksidad ng mga pangyayari ang maghahati muli sa puti at itim na debate ng dalawang magkapatid na kumaharap sa palalong ale ng ating bayan?

Ref.
Escritos de Jose Rizal: Prosa por Jose Rizal. Manila: Comision Nacional del Centenario de Jose Rizal, 1961. 122.

Nilo S. Ocampo. May gawa na Kaming Natapus Dini: Si Rizal at ang Wikang Tagalog. Quezon City: OVCRD, 2002. 563.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Si Rizal at ang alegorya ng dalawang magkapatid appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version