Sa pag-angat ng mga karatula, pagwagayway ng mga bandera, at pag-alingawngaw ng mga boses ng mamamayan, hudyat nito ang pagsisimula nang pagmamarsta ng mga nagtipon sa University Avenue – University of the Philippines patungong Batasang Pambansa sa Commonwealth Avenue.
Sa dami ng mga taong nasa paligid, sa dami ng mga kuwento na iyong maririnig, madarama mo ang bigat na pasan ng mga kababayan natin at ang tangan nilang mga mithiin na kanilang ipinaglalaban. Di maiiwasang madala sa alon at bugso ng kanilang mga damdamin, at matangay sa agos ng kanilang paninindigan. Sa kapal ng emosyon na bumabalot sa aming lupon, doon ko nakilala sina Mak at Tatay Sev.
Habang sinasabayan ko ang paglalakad ng mga tao ay nahagingan ng aking paningin ang isang puting aso at ang kanyang amo habang nakaupo at nagpapahinga sila sa may damuhan sa center island ng University Ave. Hindi ko napigilang mapangiti sa aking nakita, at maging ang mga paa ko ay tila nagkusang humakbang patungo sa kanilang direksyon, at ang tanging nais ko lamang nang mga sandaling iyon ay ang makilala kung sino sila.
Naroon sila sa United People’s SONA noong Hulyo 23 upang ipanawagan ang pagbasura sa jeepney phaseout. Bagama’t sinisimulan na ang malawakang pagpapalit sa mga lumang jeepney ng mga e-jeep sa ibang parte sa Metro Manila at maging sa buong bansa, tuloy-tuloy ang mga hakbangin ng PISTON at ibang transport groups upang ipaalam sa kapwa drayber, opereytor, at pasahero ang epekto ng PUV modernization program ng pamahalaan.
Basahin: What you should know about the jeepney phaseout program
Ito na ang ikatlong martsa na kanilang dinaluhang magkasama. Si Mak ay may sariling pamamaraan upang ipakita niya ang kanyang suporta hindi lamang kay Tatay Sev, maging sa lahat ng mga dumalo sa pagtitipon, sa pamamagitan ng pulang laso na tangan ng kanyang leeg.
Sumasabay sila sa pagmartsa ng mga tao, at sa bawat paghinto ay sabay rin ang paghahanap ni Mak ng puwestong kanyang mapaghihigaan.
Maging ang mga tao sa paligid ay ‘di maiwasang mapatingin, at mapangiti sa presensya ni Mak. May mga pagkakataon na lumalapit rin sila upang litratuhan at magpalitrato sa piling ng mag-amo.
At kahit mabigat ang suliranin na dala-dala ni Tatay Sev dahil sa mga pagbabago ng mga patakarang isinusulong ng gobyerno sa ating pampublikong transportasyon, nakakahanap ng katuwang si Tatay Sev kay Mak at sa libu-libong mamamayang kasama nilang nakikibaka.
The post Si Tatay Sev at Mak, ang asong may pulang laso appeared first on Manila Today.