“Wala nang lugar ang takot sa amin. Sapagkat lahat ng takot ay napalitan na ng tapang para sa aming buhay at lupang ninuno,” wika ni Bai Ellen Manlibaas.
Isa si Bai Ellen sa mga babaeng lider Lumad sa pangkat ng Matigsalug sa White Kulaman Kitaotao, Bukidnon. Kasama niya sa pamamahala si Datu Isidro Indayao sa pamumuno sa Matigsalug.
Si Bai Ellen ay 16 taon nang presidente ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Bukidnon, isang samahan ng mga mag-uuma.
Tahimik na namumuhay sa panatag na kabundukan ng Bukidnon ang pangkat nila Bai Ellen. Subalit taong 2015, binulabog sila ng mga tinagurian nila mga busaw (halimaw)—ang mga militar.
Agosto 26, 2015, biglang hinuli ang anim sa kanilang pangkat kabilang na si Bai Ellen, kasama ang pitong mga Lumad mula sa ibang pangkat. Ang dahilan daw ng kanilang pagkakahuli ay sila raw ay mga rebelde o di kaya’y tagasuporta ng rebelde. Isinakay pa ang 13 nahuli sa isang chopper na tila ba isang mapanganib na kriminal.
Subalit ang mga hinuli ng mga militar na ito ay mga lider ng komunidad at mga lider ng mga organisasyon na masikhay na lumalaban para sa kanilang lupang ninuno. Kriminal bang maituturing ang pagtatanggol sa lupang ninuno?
Taong 2015, nagbakwit ang iba pang mga katutubong Lumad sa UCCP Haran sa Davao City dahil sa matinding militarisasyon sa kanilang komunidad. Matapos ang dalawang taong pamamalagi sa dahil ang pangkat nila Bai Ellen ay napagdesisyonang bumalik sa kanilang komunidad sapagkat hindi sanay ang kanilang mga katawan sa klima ng syudad.
Pagbalik nila sa kanilang komunidad hindi pa rin nawawala ang presensya ng mga militar kaya naman nagtayo sila ng isang kamuhan ng mga bakwit dalawang barangay ang layo mula sa kanilang komunidad sa White Kulaman.
Pansamantala silang nagtayo sa Kabalantian Kitaotao, Bukidnon ng isang bakwit na tinawag nilang New Haran. Mayroong 48 pamilya ang naninirahan dito. Tinatayang 100 mga kabataan at 150 na mga matatanda ang nakatira dito.
Dalawang taon nang namamalagi ang pangkat ng Matigsalug sa New Haran at hanggang ngayon at hindi pa rin sila makabalik sa kanilang komunidad. Nagtayo sila ng Bakwit school na mayroong 37 mag-aaral mula Grade 7 hanggang Grade 10.
Kasalukuyan din silang nagpapatayo ng Day Care Center para sa mga mas musmos na batang Matigsalug.
Apat na taon na ang lumipas subalit hindi pa rin makaapak sa lupang ninuno ang mga Lumad.
Ika nga ni Bai Ellen, kailangang magpatuloy ang buhay. At dahil sila’y ginigipit, kailangang magpatuloy ang buhay sa gitna ng paglaban.
The post Silip sa buhay ng mga bakwit na Lumad sa New Haran appeared first on Manila Today.