Sistema ng (in)hustisya sa Pilipinas

0
247

Naging sentro ng usapin kamakailan ang dating mayor ng Calauan, Laguna, nahatulang manggagahasa at mamamatay tao, at high profile inmate na si Antonio Sanchez.

Nagulantang ang lahat sa balitang lalaya na ito, matapos ang 25 taong pagkakakulong, sa kabila ng pitong bilang ng reclusion perpetua (habang buhay na pagkakakulong) na katumbas ng 360 taon bilang hatol sa salang panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pagpatay kay Allan Gomez, kapwa-estudyante ng University of the Philippines Los Banos, noong 1993.

Kinumpirma mismo, noong gitnang bahagi ng Agosto, ng Department of Justice (DOJ) at Bureau of Corrections (BuCor) na posible nga na lumaya ni Sanchez. Sa pahayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra, ginamit nito ang mga salitang “malamang na lalaya” o “maaaring aktuwal na lumabas” si Sanchez. Ayon naman kay BuCor Director Usec. Nicanor Faeldon, posibleng lumaya si Sanchez sa mga susunod na buwan.

Bumuhos ang galit ng taumbayan. Mariing tinutulan ng taumbayan ang pagpapalaya kay Sanchez. Mula nang maging trending ang usapin, dumagsa ang mga netizen sa kani-kanilang social media accounts para ipakita ang galit at disgusto. Kagyat na naglunsad ng protesta at candle-lighting ang Anakbayan at iba pang organisasyon ng kabataan, kasama ang kapatid at ina ni Gomez, sa UP Los Banos noong Agosto 22. Samantala, nagpiket kinabukasan ang grupong Gabriela at iba pa sa harap ng opisina ng DOJ sa Maynila. Panawagan nilang lahat ay hustisya para kina Sarmenta at Gomez at huwag palayain si Sanchez.

Dahil sa malakas na opinyong publiko at pagtutol, napaatras ang gobyerno sa pagpapalaya kay Sanchez. Napilitan mismo si Duterte na ipag-utos ang pagpapatigil ng paglaya ni Sanchez kahit pa salungat ito sa posisyon ng BuCor at DOJ.

‘Good Conduct’

Lalo pang napaypayan ang galit ng taumbayan nang isiniwalat sa midya ang kopya ng dokumento para sa paglaya ni Sanchez na pirmado ni Faeldon.

Nauna nang ibinunyag ng dismayadong kaanak ni Sanchez na diumano’y may kausap silang kagawad ng BuCor para sa paglaya ng kanilang padre de pamilya. Sa katunayan pa nga raw, ika-137 ang nakatakdang bilang para sa paglabas ni Sanchez mula sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa. Itinanggi ni Faeldon ang lahat ng ito sa naganap na imbestigasyon ng Senado kamakailan hinggil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Pinagbatayan ng mga pahayag nina Guevarra at Faeldon, kaugnay ng posibleng paglaya ni Sanchez, ang GCTA. Ayon sa kanila, kuwalipikado si Sanchez na makinabang sa GCTA – nabawasan ang taon ng pagkakabilanggo dahil sa good conduct habang binubuno ang kanilang sentensiya.

Batay sa GCTA, na nakasaad sa sa Revised Penal Code, maaaring mabawasan ang sentensiya ng mga bilanggo na may magandang kondukta at mabuting pag-uugali. Nang amyendahan ang Revised Penal Code sa pamamagitan ng Republic Act 10592 sa panahon ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III noong Mayo 2013, mas pinalawak ang saklaw ng GTCA sa mga bilanggo na hindi pa nahahatulan at pinataas mula limang araw patungong 20 araw kada buwan na maibabawas sa kanilang kabuuang sentensiya sa unang dalawang taon ng kanilang pagkakakulong.

May karagdagan ding maibabawas sa sentensiya sa pagsapit ng ika-5, ika-10 at ika-11 pataas na taon ng pagkakakulong. Nagdesisyon din kamakailan ang Korte Suprema na gawing retroactive (o may bisa kahit sa mga panahong wala pa ang batas na ito) ang GCTA.

Pero para sa publiko, kuwestiyonable ang pagkakasama ni Sanchez sa lalaya. Kung babatay sa rekord ng BuCor, hindi ito pasado sa kuwalipikasyon ng GCTA. Noong 2006, sinampahan si Sanchez ng kaso matapos diumano’y mahulihan ng pagtatago ng shabu at marijuana. Nahulihan siyang muli ng shabu na itinago sa rebulto ni Birheng Maria noong 2010. Ayon din sa drug test ng ahensiya, nagpositibo si Sanchez sa paggamit ng droga. Nadiskubre din noong 2015 ang air conditioning system, flat screen TV at refrigerator sa kanyang selda.

Bukod pa sa di magandang kondukta at mabuting pag-uugali, hindi rin naman talaga dapat saklaw ng GCTA si Sanchez na kung saan ay heinous crime (karumaldumal na krimen) ang katangian ng kaso at may nauna pang sentensiya ng dalawang bilang ng habambuhay na pagkakakakulong sa salang pagpatay sa mag-amang Nelson at Rickson Peñalosa.

Ayon sa Seksiyon I ng RA 10592, “ang mga recidivist (paulit-ulit na kriminal) o yaong mga ‘nauna nang nahatulan mula nang dalawa o higit pa sa kahit anong krimen,’ mga habitual (naging kaugalian) na delingkuwente, mga takas at mga indibidwal na nahatulan ng karumaldumal na krimen ay hindi kasali sa saklaw nito.”

Sa kabila nito, ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson na mayroon nang mahigit 2,000 bilanggo na karumaldumal na krimen ang kaso ang napalaya mula nang maamyendahan ang GCTA Law noong 2014. Ayon sa infographic na inilabas ng Philippine Daily Inquirer, sa 1,914 na bilanggong pinalaya, 1,200 o 63 porsiyento nito ay isinagawa sa ilalim ni Faeldon at ni dating direktor at ngayo’y Senador na si Ronald “Bato” Dela Rosa. Kasama rin sa mga napalaya ang tatlo sa pitong bilanggo na sangkot sa pagdukot, panggagahasa at pagpatay sa magkapatid na Chiong sa Cebu na isa pang kontrobersiyal na krimen noong dekada ’90.

Bunsod nito, nanawagan ang blokeng Makabayan sa kongreso na imbesitgahan si Faeldon at ang nauna pang mga direktor ng BuCor. “Hindi natin masisisi ang publiko sa pag-iisip na malaking halaga ng pera ang ginamit para pakinabangan ang GCTA dahil ang operasyon nito ay hindi nabantayan,” ani Neri Colmenares, presidente ng Bayan Muna Party-list. Nagpahayag din ng duda si Colmenares kaugnay ng pagpatay kamakailan sa Assistant Documentation Chief ng BuCor na si Ruperto Traya Jr. Aniya, tila ipinapatay si Traya Jr. dahil siya ang may alam ng mga rekord ng mga bilanggo na pinalaya sa pamamagitan ng GCTA.

(In)hustisya

Isang pasilip lang sa buong larawan ng sistema ng hustisya sa bansa ang muntik nang pagpapalaya kay Sanchez at iba pang usaping kinasangkutan ng BuCor at ni Faeldon.

Hindi lingid sa publiko ang espesyal o VIP (very important person) ang pagtrato sa mga bilanggong tulad ni Sanchez na mayaman at makapangyarihan. Ilang beses nang nasangkot sa katiwalian ang mga kagawad ng BuCor sa pagpayag sa mga bilanggo na maglabas-masok sa kulungan, magpasok ng airconditioning system, telebisyon at iba pang mga pabor para magpapaalwan ng buhay ng mga bilanggo.

Samantala, ang mahihirap ay nabubulok na lang sa kulungan hanggang mamatay tulad ng kalakhan ng detinidong mga pulitikal na ginigipit at pinapapatagal ang proseso ng pagdinig sa kaso at patuloy na ginigipit sa loob ng bilangguan. Mas malala, pinapatay na lang ang mga suspek pa lamang tulad ng mga nabiktima ng extra-judicial killings sa ilalim ng giyera kontra-droga ng kasalukuyang administrasyon. Mahigit 30,000 mahihirap ang hindi nabigyan ng “second chance” na nais ibigay ni Dela Rosa kay Sanchez.

Higit pa, nakakalaya, o kung hindi man nakulong ay nakakalusot sa kaso, ang malalaking kriminal at mandarambong. Sa loob lamang ng tatlong taon ng panunungkulan ni Duterte, naibasura ang mga kaso ng pandarambong nina Imelda Marcos, dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na naging dahilan para sa kanilang paglaya o hindi pagkakakulong.

Tampok din sa pambabaluktot ng hustisya ang paggamit ng mga batas at pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa oposisyon, mga kritiko, aktibista at mga tagapagtanggol ng mga karapatan. Malinaw na pananakot at panggigipit ang isinampang kaso ng serious illegal detention kay dating senador Antonio Trillanes IV, kaso ng sedisyon laban kay Bise Presidente Maria “Leni” Robredo at iba pang kilalang lider ng oposisyon, kaso ng child trafficking laban kay Colmenares, Kabataan Rep. Sarah Elago at mga lider ng Anakbayan. Gayundin ang pagbilanggo kay Sen. Leila de Lima sa kasong pagtutulak ng ilegal na droga.

Sabi nila walang mahirap o mayaman sa hustisya. Ngunit sa mga nangyayari, ganito nga ba talaga?


Featured image: Mula sa Sat’s ire FB page