Ni JHIO JAN A. NAVARRO
Siyam, isa, labing-apat, higit pa sa Sagay, Kabankalan, Sta. Catalina Guihulngan, Canlaon at kung saan pa nilingkis,
kinalos ni Sauron sa bungkalan, tubuhan, tahanan sa harap ng asawa, anak, magulang–
tinadtad ng bala sa ulo, sa mata, sa ari, sa bunganga sinilaban, nilapnos, pinabay-an sa langaw, sa uod ng lupang sakahan.
Siyam, isa, labing-apat, higit pa sa Sagay, Kabankalan, Sta. Catalina Guihulngan, Canlaon at kung saan pa
ang babaylan uusal ng dasal, ritwal tatalima ang mga nuno’t diwata magngangalit, bubulwak ang Kanlaon lulunurin ang ningas ng Mordor sisingilin, isusumpa si Sauron:
Habang inaawit ang Ili-ili sa sanggol na pinagkaitan ng ama habang isinasayaw ang Ohoy ng inang inulila ng bala
lahat ng tansong inukit sa sinapupunan ng lupa raratrat, babaon, tatarak sa laman habang ang apoy na hinango sa bulkan ibinubuhos, aagos, lalapnos sa aninong sakim
bilang kabayaran sa siniil, kinitil na siyam, isa, labing-apat, higit pa sa Sagay, Kabankalan, Sta. Catalina Guihulngan, Canlaon at kung saan pa.
*Ang nagsulat ay incoming sophomore BA Psychology, U.P. Miag-ao at manunulat ng pahayagang pangkampus na Pagbutlak
The post Siyam, isa, labing-apat, higit pa appeared first on Bulatlat.