Site icon PinoyAbrod.net

#SONA2018: Benjamin

Libu-libong mamamayan ang nakiisa sa United Peoples SONA noong July 23 upang sama-samang kundenahin ang mga pahirap na polisiya sa ilalim ng rehimeng Duterte. Nariyan ang iba’t ibang panawagan: ang tigilan ang pambabastos ni Duterte sa mga kababaihan, pagtutol sa Cha-Cha, pagbasura sa kontraktwalisasyon, pagtigil ng martial law sa Mindanao, at marami pang iba. Iisang tunguhin kung bakit nagkaisa ang sambayanang Pilipino, at ito ay ang paglaban sa diktadurang ipinapataw ng administrasyong Duterte.

Pagpalayas sa militar. Iyan ang tanging panawagan ng 65 taong gulang na si Benjamin Cruz nang tanungin namin siya hinggil sa kanyang dahilan kung bakit siya sumama sa SONA. Si Benjamin ay mula sa Timog Katagalugan at isa sa mga naglakbayan ng limang araw patungong Maynila upang higit na mairehistro ang kanilang mga hinaing.

“Gusto naming maging malaya sa aming pupuntahang lugar, kasi natatakot kami sa mga militar,” wika ni Benjamin. Pinagbibintangan sila ng mga militar na sila ay mga myembro ng New Peoples Army (NPA), kung kaya’t ganung na lamang ang takot na dala ng presensya ng mga militar sa kanilang komunidad.

“Humihingi kami ng panawagan, alamin sana ng Presidente kung sino ang sibilyan na tao kasi nadadamay kami,” hiling ni Benjamin para sa Pangulo.

Tirik na tirik ang araw, kung kaya’t kitang-kita ko sa mukha ni Tatay ang pagod mula pa lamang ng kanilang paglalakbay. Kitang-kita ko rin sa kanyang mamula-mulang mata kung gaano na sila pinahihirapan ng tumitinding militarisasyon sa kanilang komunidad. Kaya’t tanging pakikiisa sa kanilang panawagan ang naging tugon ko.

The post #SONA2018: Benjamin appeared first on Manila Today.

Exit mobile version