Site icon PinoyAbrod.net

Sr. Elen, ginigipit

Madre pa ang binansagan nilang sinungaling.

Noong Hulyo, sinampahan ng kasong perjury ni dating Hen. Hermogenes Esperon Jr., national security advisor ngayon ni Pangulong Duterte, ang mga organisasyong Gabriela, Karapatan at Rural Missionaries of the Philippines (RMP). Kaugnay ito ng petisyong writ of amparo at habeas data na sinampa ng tatlong organisasyon sa Korte Suprema laban sa laban sa mga tagapanguna ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Eclac).

Sa naturang petisyon, sinabi ng RMP na rehistradong organisasyon sila sa Securities and Exchange Commission. Pero ang giit nina Esperon, hindi raw rehistrado ang RMP. Dahil dito, kaya nagsampa ng kasong perjury ang dating heneral laban sa tatlong grupo.

Pero kamakailan, nakulangan ng ebidensiya at probable cause ang korte, at ibinasura ang kaso laban sa Karapatan at Gabriela.

Pero pinayagan ang pagpapatuloy ng kaso laban sa RMP, partikular kay Sr. Elenita “Elen” Belardo.

Sa isang pagdinig sa Court of Appeals, minsang nilapitan ng isa pang heneral, si Hen. Antonio Parlade ng NTF-Eclac, si Sr. Elena. “Sister, ako po si General Parlade, iyung inaakusahan ninyong sinungaling,” sabi ng heneral.

Agad na sumagot si Sr. Elen: “Oo, sinabi ko iyun. Ako, nagsasabi ng totoo. Ikaw?”

Sr. Elenita Belardo. Larawan mula sa RMP

Tagapaglingkod

Hindi biro ang naging buhay ni Sr. Elen.

Nagkolehiyo siya sa Philippine Normal University, at kumuha ng masteral degree para sa Administration sa Ateneo de Manila University. Makalipas noon, pumasok siya sa Good Shepherd Convent upang tahakin ang landas ng paglilingkod sa Diyos.

Beterano noong Batas Militar ni dating Pang. Ferdinand Marcos si Sr. Elen. Naging guro, counselor, hanggang naging principal siya sa Maryridge School sa Tagaytay, sa panahon ng Batas Militar. Tumindig siya at sumuporta sa mga kabataan na kumikilos noon.

Matapos ang kanyang panunungkulan sa paaralan, saka niya itinuloy ang kanyang bokasyon habang naglilingkod sa ilalim ng RMP. Katuwang siya sa maraming literacy programs at pagtataguyod ng mga paaralan sa mga indigenous community. Kolektibong pagkilos, sustainability, at respeto sa self determination ang angklahan ng mga paaralang ito.

Paniwala ni Sr. Elen, ang pagtulong sa mahihirap ang pinakamalaking testamento ng pagmamahal at komitment sa Diyos. Sa ngayon, pangunahing tinutupad niya ang kanyang bokasyon sa pamamagitan ng paglilingkod sa RMP.

Walang legal na basehan

Kapani-paniwala ang paliwanag ng RMP kung bakit hindi nila alam na hindi na pala rehistrado ito sa SEC.

“Hindi alam ng RMP na kinansela na pala ang kanilang pagkarehistro (sa SEC). Naniwala sila in good faith na good standing sila sa SEC dahil regular silang nagpapasa ng papeles sa SEC at tinatanggap naman ito,” palawinag ni Maria Sol Taule, legal counsel ng Karapatan.

Para kay Taule, hindi matibay ang kasong perjury, at tahasang panghaharas lang kay Sr. Ellen ang isinampang kaso ni Esperon. Aniya, hindi sumasapat sa dalawang elemento ng Article 183 ng Revised Penal Code ang sagot na kasong perjury ni Esperon. Naniniwala silang isinampa ni Esperon ang kaso dahil sa pamamagitan niya, gustong bumawi ng Estado sa isinampang pertisyon ng mga grupo.

Nitong Disyembre 7, nagsampa ng bail si Sr. Elen. Haharap siya sa arraignment proceedings sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 37, sa darating na Enero sa susunod na taon.

Para sa Karapatan, malaking pang-aalipusta ito sa ilang taong iginugol ni Sr. Elen para itaguyod ang literacy programs para sa mga nangangailangan.

“Habang pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang pagpapasara sa mga lehitimong eskuwelahan sa bansa, habang kinakalimutan ng gobyerno ang kalunus-lunos na lagay ng state education, inilalaan ni Sr. Elen at ng iba pa niyang kasama ang panahon at pagmamahal nila sa mga komunidad na nangangailangan ng edukasyon,” ani Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Sa pagitan nila ng mga heneral, alam ni Sr. Elen kung sino ang naglilingkod nang totoo at tama.

Exit mobile version