Site icon PinoyAbrod.net

Statement | Hinggil sa panununog ng PW print issues sa Pandi, Bulacan

Itinuturing namin ang nabalitang pagsunog sa daan-daang kopya ng Pinoy Weekly na nakalagak sa subscriber naming komunidad ng mga maralitang nag-okupa ng tiwangwang na pampublikong housing project sa Pandi, Bulacan bilang lantarang atake sa karapatan sa pamamahayag.

Mariin naming kinokondena ang naturang panununog, na mistulang pagkakait sa mga mambabasa ng PW ng kanilang karapatang makabasa at makaalam—mga karapatang itinatadhana sa Saligang Batas. Pagkakait din ito sa karapatan sa pag-aari ng mga maralitang residente na subscribers ng aming magasin.

Itinuturing din namin ito bilang bahagi ng tumitinding klima ng panunupil at pasismo sa bansa, kung saan sinumang nagiging kritikal sa nasa kapangyarihang rehimen ay sinusupil, tinatakot at dinadahas.

Ayon sa mga saksi, pinasok ng humigit-kumulang 200 katao na tinatawag ang sarili na grupong “Pro-government” ang lokal na opisina ng grupong Kadamay kung saan nakalagak ang ilang bundles ng PW.

Ginawa umano ito sa presensiya ng mga opisyal at miyembro ng PNP Pandi at 48th IB ng Army, ayon pa sa mga saksi.

Tumitindi rin ang mga atake sa midya na matapat na nagsisiwalat ng katotohanan hinggil sa pang-ekonomiya at pampulitikang mga polisiya ng rehimeng Duterte, gayundin sa mga kampanyang giyera nito kontra sa droga at insurhensiya.

Kamakailan, kabilang ang Pinoy Weekly, sa pamamagitan ng publisher nito na nonprofit organization na PinoyMedia Center, Inc., sa mga nagsampa ng kaso laban sa dalawang IT firms na itinuturong sangkot sa malawakang cyberattacks o Distributed Denial of Service (DDoS) attacks sa websites ng alternative media groups na PW, Bulatlat, Kodao at Altermidya.

Hinala ng mga grupo na bahagi ang cyberattacks ng mga atake sa kritikal na mga boses sa midya at sa publiko.

Pinoy Weekly
PinoyMedia Center
Exit mobile version