Site icon PinoyAbrod.net

Suporta sa Venezuela

Laman ng balita ngayon ang bansang Venezuela. Sabi ng midya ng malalaking kapitalista, may “humanitarian crisis” doon: walang pagkain at batayang pangangailangan para sa mga tao, at diktador ang pangulo. Gusto raw tumulong ng US at ng oposisyon ng Venezuela, pero hinahadlangan ng gobyerno. Hindi raw lehitimo ang gobyerno ni Nicolas Maduro; ang dapat kilalaning presidente ay ang oposisyunistang si Juan Guaido.

Sa usong bansag ngayon, “fake news” ang lahat ng ito — pero pinapalaganap ng malalaking kumpanya ng midya sa mundo. Kailangang magbalik-tanaw sa katangian ng gobyerno ng Venezuela at sa tuluy-tuloy na pag-atake rito ng US. Sa ganito natin mauunawaan ang kalagayan ngayon ng ekonomiya ng bansa, ang nilulutong gera ng US sa Venezuela, at ang pangangailangan ng tuluy-tuloy na pakikiisa sa sambayanan doon.

Gobyernong Bolivariano

Kaiba sa gobyerno ng maraming mahirap na bansa, ang gobyerno ng Venezuela ay hindi sunud-sunuran sa US. Naggigiit ito ng pambansang kalayaan at soberanya laban sa mga dikta ng US at ibang bansa. Tinitingnan nito ang sariling mga patakaran na pagsusulong ng sosyalismo. Nakikipagkaisa ito sa mga bansa at organisasyon sa mundo na kumakalaban sa imperyalismo, neoliberalismo, at maging sa rasismo at seksismo.

Nagsimula ito noong Disyembre 1998, nang manalong pangulo si Hugo Chavez, isang opisyal-militar. Ang tawag niya sa prosesong kanyang sinimulan, “Rebolusyong Bolivariano,” hango kay Simon Bolivar, bayaning anti-kolonyal sa Latin America. Nang mamatay siya noong Pebrero 2013, nanalo sa eleksyon kapalit niya si Maduro, dating drayber ng bus na naging bise-presidente niya. Ipinagpatuloy ni Maduro ang sinimulan ni Chavez.

Nagpatupad ang gobyernong Chavez-Maduro ng mga repormang pabor sa mga mamamayan. Noong 1998, kalahati ng populasyon ang gutom; noong 2015, sinabi ng UN Food and Agriculture Organization na halos napawi na ang kagutuman sa bansa. Ngayon, sapat ang tanim na halamang ugat, prutas at gulay bagamat angkat pa rin ang pagkain at gamot. Nakakakain ang lahat, kahit ginigipit ng malalaking kapitalista ang suplay ng pagkain.

Kudeta at sanctions

Hindi tinigilan ng gobyerno ng US, kasabwat ang oligarkiya ng Venezuela sa ekonomiya at pulitika, ang pag-atake sa gobyernong Bolivarian. Noong Abril 2002, halimbawa, kinudeta si Chavez at napaalis sa Miraflores, Malakanyang nila. Ilang araw pagkatapos, naibalik siya sa pwesto nang magmartsa, lumusob ang mga mamamayan sa Miraflores. Tila lalo siyang naging radikal dahil rito; sabi niya, utang niya ang buhay niya sa sambayanan.

Ginawa ng US sa Venezuela ang dating gawi nito sa mga bansang itinuturing na kalaban: inatake ang ekonomiya. Marso 2015, nagpataw ang gobyerno ni Barack Obama ng sanctions: lahat ng pag-aari ng Venezuela sa US, hinarangan; lahat ng kumpanya sa US, binawalang makipag-ugnayan. Agosto 2017, nagpataw ng bagong sanctions ang gobyerno ni Donald Trump: bawal ang bagong pautang, bawal bumili ng langis sa gobyerno ng Venezuela.

Mabigat ang pagsandig ng Venezuela sa pagbebenta ng langis. Sa ilalim ni Chavez, isinabansa ang kumpanya ng langis, tinaasan ang presyo, at ang nalikom na pondo ay inilaan sa mga serbisyong panlipunan — edukasyon, kalusugan, pabahay. Pero simula gitna ng 2014 ay bumababa ang presyo ng langis sa mundo. Dinagdagan pa ito ng mga sanction ng US. Ang resulta: pagliit ng pondo na hawak ng gobyerno at pagiging bulnerable sa sabotahe ng oligarkiya.

Atake ngayon

Sa midya ng malalaking kapitalista, pinapalabas na matindi ang kagutuman, kahirapan, kawalan ng bilihin, pagtataasan ng presyo, at paglikas ng mga tao palabas ng bansa. Disaster: ito ang tinatawag ng US na “humanitarian crisis.” At para raw matigil ito at makapaghatid ng tulong sa mga mamamayan, handang pumasok sa bansa ang US. Mula nang maging pangulo siya, hindi tumigil si Trump ng pagpapalipad-hangin tungkol sa paggera sa bansa.

Nitong Enero 23, idineklara ni Juan Guaido, lider-oposisyon sa Venezuela, ang sarili bilang “interim president.” Ang dahilan niya: hindi lehitimo ang eleksyon noong 2018 na naghalal muli kay Maduro, kahit maraming tagamasid ang nagsabi ng kabaligtaran. Agad nagpahayag ng suporta ang US at 50 gobyernong alyado nito. Malakas ang loob nila dahil sa pagkahalal ng mga maka-Kanang kandidato sa Latin America nitong nakaraang mga taon.

Nitong Pebrero 23, pinilit ng US na ipasok ang mga “tulong humanitarian” sa Venezuela sa pamamagitan ng hangganan nito sa Colombia at Brazil — mga bansang pinaghaharian ng mga pasista. Ang layunin ng US at mga kakampi nito: mag-udyok ng labanan at ng pagtalikod ng militar kay Maduro. Pero nabigo silang ipasok ang kanilang “tulong,” mag-udyok ng komprontasyon, at kumabig ng militar palayo kay Maduro.

Patuloy na banta at suporta

Habang isinusulat ito, bumalik na si Guaido sa bansa matapos manawagan ng mga protesta doon. Pero bago ang Enero, 80 porsyento ng mga mamamayan ang hindi nakakakilala sa kanya. Totoo, naghahatid ngayon ng tulong ang UnitedNations at Red Cross, pero dahil ito sa kakapusan ng mga suplay bunsod ng mga sanction at pananabotahe. Ginawa ng US at oligarkiya ang kahirapan sa ekonomiya, na pinapalaki nila ngayon sa tawag na “humanitarian crisis.”

Pero sa kabila ng pag-uudyok ng US at ibang bansa, matapat pa rin kay Maduro ang militar. Gayundin ang mga mamamayan na nagpoprotesta para depensahan ang gobyerno. Kalakhan ng mga bansa, 75 porsyento, ang nagpahayag ng suporta kay Maduro, kasama na ang mga superpower na China at Rusya, mga karibal ng US. Kahit ang Brazil, Colombia, Chile at Peru, maging ang Spain at Germany, na mga kakampi ng US, dumistansya sa plano nitong gera.

Luma na ang palusot na “humanitarian” para sa gera ng US; ginamit na ito sa Iraq, Libya at iba pang bansa. Lantad ang motibo ng US: kontrolin ang reserba ng langis ng Venezuela, na pinakamalaki sa mundo, at ang ekonomiya nito. Gusto rin ng US na payukurin sa paghahari nito ang isang bansang inspirasyon at kaisa ng maraming kilusan sa paglaban sa imperyalismong Amerikano. Malinaw kung kanino pumapanig ang mga mamamayan ng mundo.

Featured image: Pagkilos ng maralitang Venezuelan sa Caracas (People’s Dispatch)
Exit mobile version