Mayroong mga walang-muwang o sunud-sunurang nagsasabi o mekanistikong inuulit ang linya na popular si (Rodrigo) Duterte at wala tayong magagawa para mapabagsak siya mula sa kanyang pedestal. Sa halip na tawagin siyang demagogo*, bulgar na sanggano o kahit na pasista, na bumibiktima sa walang-alam na pagkiling ng seksiyon ng masa na atrasado sa pulitika at palaging ginagawa ang kabaligtaran ng sinasabi niya, may mga akademiko at mamamahayag pang tumatawag sa kanyang “populista”**, isang positibong termino.
Siguradong may paliwanag kung bakit mukhang nakakapagmantini si Duterte ng mataas na marka ng “popularidad” sa mga grupong nagsasarbey. Sa kabila ito ng lantarang kapalpakan at malalang mga krimen ng kanyang rehimen. Sa kabila rin ito ng pangkalahatang padron sa kasaysayan ng mga presidente na bumababa ang popularidad matapos ang kalagitnaan ng termino at nagiging halik ng kamatayan sa pulitika ang pagsuporta sa isang piniling kapalit. Sa paghahanap ng paliwanag, kailangang ikonsidera ang sumusunod na mga katotohanan:
1. Inihalal si Duterte ng 39 porsiyentong minorya ng mga mamboboto. Mula nang mahirang siya bilang nagwaging kandidato, wala pa siyang signipikanteng positibong pagtugon o pagtupad sa kanyang mga pangako sa eleksiyon para mapalaki pa ang bilang mga tagasuporta niya sa masa lampas sa kanyang boto na 16 milyon. Nabuwag niya ang konserbatibong oposisyon sa Kongreso sa pamamagitan lang ng pagbigay dito ng pagkakataon na paghati-hatian ang pork barrel at iba pang porma ng korupsiyon alinsunod sa tradisyunal na gawain sa naghaharing sistema.
2. Mula nang simula ng kanyang pagkapangulo, pinamalas ni Duterte ang isang imahe ng malakas na lalaki (“strong man”) na kayang pumatay o magkulong ng sinumang kalaban at lumilikha ng klima ng pagkatakot para masindak ang masa. Ginagawa niya ito sa pamamagitan, una, ng pekeng giyera kontra droga para pumatay ng libu-libong mahihirap at pagkatapos ay ginamit ang mga pamamaraan ng Oplan Tokhang sa Oplan Kapayapaan at Kapanatagan na mga kampanyang mapanupil laban sa rebolusyonaryong kilusan ng mga mamamayan.
3. Inilabas niya ang Executive Order No. 70 sa pagtatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) para gamitin ang kontra-komunismo bilang dahilan sa pagmimilitarisa at paggawang pasista sa reaksiyunaryong gobyerno at lipunan. Tinatag din ito para sistematikong siraan, paratangang “pula” (red-tag), ikulong o patayin ang sinumang kalaban o kritiko ng mistulang diktadurang ito. Katulad noong panahon ng pasistang diktadura ni Marcos, mainam na lumalaban dito ang demokratikong mga puwersa at armadong rebolusyonaryong kilusan ng mga mamamayan.
4. Minonopolisa ni Duterte ang paggamit sa mga grupong nagsasarbey ng mga opinyon, ang Social Weather Station at Pulse Asia. Ang pamamaraan ng mga grupong ito ay makipanayam lang sa ilang tao gamit ang tanong na nakapokus sa kasiyahan (satisfaction) at tiwala (trustworthiness) sa pangkalahatan. Umiiwas ito sa matatalas na mga tanong na nagpapanagot kay Duterte sa malalang mga paglabag nito sa pambansang soberanya at karapatang pantao. Pangunahing mga dahilan ng mga resulta ng sarbey na paborable kay Duterte ang klima ng takot at tradisyunal na pangangayupapa sa awtoridad.
5. Umiiwas ang mga sarbey na panagutin si Duterte sa ekstrahudisyal na mga pamamaslang, ismagling ng droga, korupsiyon, sumisirit na presyo ng batayang mga bilihin, pagbagsak ng sahod at pagtaas ng kawalan ng empleyo, red-tagging, at mga banta sa buhay ng mga kritiko at aktibistang panlipunan, pagbasura sa pinakamalalaking kaso ng pandarambong, pangangayupapa sa dayuhang mga kapangyarihan, pagbomba sa mga komunidad sa kanayunan para makuha ang likas na mga yaman at iba pang mga akto na nagtutulak sa mga tao na kamuhian si Duterte.
6. Bigo pa ang oposisyon, kabilang ang progresibong mga puwersa, sa pagkontra sa pagmomonopolisa ni Duterte sa paggamit ng mga sarbey pabor sa kanya. Bigo rin ito na ilantad at labanan nang may sapat na kasigasigan at bisa ang tagibang na paggamit sa mga sarbey. Nakakamangha na wala pa rin sa oposisyon ang nakakapag-organisa ng mga sarbey para tapatan ang mga nagsasarbey na halata namang bayad ni Duterte at mga ahente niya sa propaganda.
7. Mula nang kampanya sa eleksiyon noong 2016, Halos imonopolisa ni Duterte ang paggamit ng mga troll army sa social media para papurihan siya at birahin ang kanyang mga kalaban at kritiko sa pamamagitan ng personal na mga insulto, banta, aksiyong mapanupil, at kasama pa ang ekstrahudisyal na pamamaslang. Kaalyado ng mga troll army niya ang pamilya Marcos na nakatutok sa pagpapabango sa namayapang pasistang diktador na si Marcos at baguhin ang kasaysayan tungkol sa kanya.
8. Maaaring epektibong labanan ng legal na demokratikong mga puwersa ang mga troll army ni Duterte at ng mga Marcos. Pero sa ngayon, hindi pa naisasakatuparan ang buong potensiyal ng pagmomobilisa sa counter-troll teams sa bawat organisasyong masa. Sa kalakhan, nagtatagumpay ang makinaryang pampropaganda ni Duterte dahil sa kabiguan o kakulangan ng pagkontra nito sa pang-araw-araw.
9. Hindi pa nakakapagmobilisa ng mga aksiyong masa na maikukumpara sa First Quarter Storm ng 1970 at mga aksiyong masa na kontra-pasista noong 1983-86 sa paggamit ng mga noise barrage, mga pagtitipon bago ang mga rali at nagtatagpong mga martsa mula sa maraming assembly points ang legal na demokratikong mga puwersa at kahit na ang dominanteng Simbahan, na laging iniinsulto ng rehimeng Duterte. Kahit si Duterte ay nabigo pang maglunsad ng gahiganteng mga rali niya sa estilo ni Hitler (sa Nazi Germany). Pero nagbebenepisyo siya sa maliliit at walang kalatuy-latoy na mga protestang masa kontra sa kanya at sa kriminal na mga polisiya at akto ni Duterte.
10. Natural na ginagamit ng rehimeng Duterte ang makinaryang pampropaganda ng reaksiyonaryong gobyerno at militar para magsagawa ng mga kampanya ng paninira araw-araw. Maliban dito, may bayarang mga brodkaster siya sa radyo at telebisyon na pumupuri sa kanya, nananahimik tungkol sa kanyang mga krimen at araw-araw na umaatake sa mga kalaban at kritiko niya. Kahit sa print media, mas maimpluwensiya ang rehimeng Duterte sa kanyang mga kalaban sa pamamagitan ng madalas na paglabas ng mga pahayag sa midya, pagsasagawa ng mga press conference at pagpapalaganap ng fake news o maling impormasyon.
11. May buong kontrol si Duterte sa Commission on Elections (Comelec) sa pamamagitan ng kanyang pampulitikang kapangyarihan at sa pag-aari ng kroni niyang si Dennis Uy mula noong 2018 sa TIM, ang Pilipinong katapat na kompanya ng Smartmatic. Dahil dito, nadaya niya ang eleksiyong mid-term noong Mayo 2019 pabor sa kanyang mga kandidato sa pagkasenador at party-list. Para ito “ikumpirma” ang kanyang “popularidad” na gawa-gawa ng mga grupong nagsasarbey. Mukhang nakaligtaan ng legal na demokratikong mga puwersa at oposisyon kung papaano dinaya ni Duterte ang eleksiyong 2019.
12. Gamit ang kanyang kapangyarihan sa pagkapangulo sa Comelec at ang elektronikong kompanya ni Dennis Uy, kayang maipanalo ni Duterte ang anumang bilangan sa referendum man para baguhin ang Saligang Batas o sa eleksiyon na maghahal sa kapalit o papet niya. Hindi dapat asahan ng konserbatibong oposisyon ang eleksiyon para mawala sa poder si Duterte. Katulad ng pagpapabagsak kay Marcos, tanging ang kumbinasyon ng malalakihang protestang masa, matitinding opensibang taktikal ng armadong rebolusyon at pagkakahati sa reaksiyunaryong armadong puwersa ang magpapabagsak sa rehimeng Duterte.
13. Sa ngayon, mukhang nangangarap ang susing mga konserbatibong oposisyunista na ibabasura ng US si Duterte dahil sa mga paglabag nito sa mga karapatang pantao at pagpoposturang maka-China at maitutulak siyang huwag dayain ang eleksiyon. Kinakalimutan anila ang katotohanang katulad ni Marcos noong nakaraan, palaging sinisikap ni Duterte na kunin ang suporta ng US. Sa pamamagitan ito ng pangakong wawasakin niya ang rebolusyonaryong kilusan at tatanggalin ang pambansang mga balakid sa dayuhang pagmamay-ari sa lupain, likas na yaman at lahat ng klaseng negosyo sa bansa.
14. Nakikipagkuntsabahan si Duterte sa mga miyembro ng Kongreso na busog sa pork barrel para makakuha ng pondo para sa pandarambong ng kanyang pamilya at mga kroni, para madagdagan ang badyet ng militar at masuhulan ang mga opisyal ng militar at pulisya at para ipagpatuloy ang korupsiyon sa militar at burukrasya. Lalong tagibang na ang badyet ng reaksiyonaryong gobyerno pabor sa pondong pangmilitar, pangpaniniktik, at pansariling diskarte (discretionary funds) at maanomalyang mga proyektong pang-imprastraktura. Lalong lumiliit ang badyet sa mga serbisyong panlipunan at pang-ekonomiyang kaunlaran.
15. Nagtalaga si Duterte ng mga hukom na walang kakayahan at korap pero tapat sa kanya sa lahat ng antas ng hudikatura, lalo na sa Korte Suprema. Lalong lantad ang korupsiyon ng Korte Suprema sa pagbabasura sa mga kaso ng pandarambong laban sa mga Marcos, Arroyo, Estrada at iba pang kriminal sa pulitika na nagpinansiya at sumuporta kay Duterte sa pamamagitan ng pagseguro ng mga boto sa mga balwarte nito noong eleksiyong 2016. Hindi na epektibong nakakapanlinlang sa mga mamamayan ang paggamit sa mga korte at “lawfare” (paggamit sa batas bilang kasangkapan sa digma – Ed.) para gawing lehitimo at pabanguhin ang kriminal na mga gawain ng rehimeng Duterte.
16. Makakapanatili sa kapang-yarihan ang rehimeng Duterte habang wala pang sapat na lakas ang mga puwersa ng oposisyon na makapaglikha ng hati sa loob ng reaksiyunaryong armadong puwersa at nag-aatubili pa na maglikha ng malawak na nagkakaisang prente. Para ito sa paglulunsad ng gahiganteng mga aksiyong protesta ng masa na katulad noong 1983 hanggang 1986, na siyang pagpabagsak sa pasistang diktadura ni Marcos. Nakumbina ang malakihang mga aksiyong masa at taktikal na mga opensiba ng armadong rebolusyonaryong kilusan para mahiwalay ang rehimeng Marcos at mahikayat si (dating US Pres. Ronald) Reagan na panganib na sa naghaharing sistema ng Pilipinas na dominado ng US ang pananatili sa poder ni Marcos.
17. Gaano man katagal gustong manatili niya sa kapangyarihan, babagsak din si Duterte dahil sa tumitindi at lumalalang krisis ng malakolonyal at malapiyudal na sistema at pandaigdigang sistemang kapitalista. Sa pagtagal ni Duterte sa kapangyarihan, mas malawak ang pagkakataon para makapagpalakas ang armadong rebolusyonaryong kilusan para makakuha ng lakas at maging pinakamahalagang salik sa pagpapatalsik ni Duterte. Sa lalong pagpapahaba ng panahon niya sa poder, lalong nagiging matindi ang pagbagsak niya at ng kanyang pangkatin ng mga kriminal at mamamatay-tao. Ginagarantiya niya ang matinding pagbagsak niya sa kanyang patraydor, tiranikal, brutal, korap at mapanlinlang na mga polisiya at akto.
24 Pebrero 2020
Pinasimpleng salin ng Pinoy Weekly staff
*demagogo: (demagogue sa Ingles) pampulitikang lider na kumukuha ng suporta sa madla sa pamamagitan ng pag-apela sa ignorante o maling paniniwala ng madla.
**populista: (populist sa Ingles) pampulitikang lider na gumagawa ng mga desisyon sang-ayon sa palagay niya’y popular na sentimyento ng masa