Ni RENATO REYES, JR.
Magandang gabi po sa inyo. Bago po ako magsimula, may maikling survey lang po sana ako na ipapasagot.
Meron po ba ditong binayaran para dumalo sa pagtitipon na ito?
Meron po ba ditong pinilit na dumalo?
Meron po ba ditong na-brainwash para dumalo?
Mga kababayan, mga kapatid,
Nandidito po kami hindi dahil sa binarayan, pinilit o nalinlang kami ng sinuman.
Nandidito kami para sa bawat reporter at cameraman na nakasama naming nagmartsa sa init ng araw, nabasa ng ulan, nabomba ng water cannon, nakalanghap ng tear gas, at humarap sa katakot-takot na panganib, para lamang maipabatid ang balita ng pakikibaka ng sambayanan. Salamat po sa inyo.
Nandito kami para sa bawat boses ng malayang pamamahayag na hindi nagpapasindak sa mga makapangyarihan.
Nandidito ako para sa aking kaibigang si Ted Failon, na ipinagmamalaki ko bilang pinakamatalas at mapanuring boses sa radyo at telebisyon ngayon. I love you Manong Ted!
Nandidito ako para sa aking anak na lumaking nanonood ng balita sa ABS-CBN. Three years old pa lang ay kabisado na nya lahat ng pangalan ng reporter ng TV at radyo, at nauna pa niyang naisulat ang salitang TV Patrol bago pa ang kanyang sariling pangalan. Hangad kong mabuhay sya sa isang mundo na iginagalang ang kalayaan sa pamamahayag.
Sa panahong nababalot ng dilim ang ating bansa, sa kaliwa’t kanang tangkang patahimikin ang mga boses na kritikal, nagpupugay kami sa inyo na tumitindig para magsibling liwanag sa karimlan.
May nagsasabi na tapos na ang laban dahil tinanggap na ang “sorry”. Pero paano matatapos ang laban kung wala pa ring hearing para sa prangkisa? Paano matatapos ang laban kung nandyan pa ang banta ng quo warranto mula sa OSG?
Hindi pa po tapos ang ating laban, hangga’t hindi pa nahihinto at ganap na nabibigo ang mga atake sa kalayaan sa pamamahayag. Hindi matatapos ang ating laban, hangga’t hindi tunay na malaya ang ating bayan. Hangga’t may mga inaapi at pinagkakaitan ng boses, hangga’t may ikinukulong dahil sa kanyang paniniwalang pulitikal, hangga’t ginagawang krimen ang aktibismo, hangga’t sinisindak ang mga kritiko, hangga’t opisyal na patakran ang pagpatay, at pagpapalaganap ng kasinungalingan, lalaban tayo. Lalaban tayo para sa ating bayan. Lalaban tayo para sa ating kinabukasan. Lalaban tayo para wakasan ang kadiliman. Mabuhay kayo! Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
*Binigkas sa protesta sa harap ng ABS-CBN. Pebrero 28, 2020
The post Talumpati sa protesta sa harap ng ABS-CBN appeared first on Bulatlat.