Site icon PinoyAbrod.net

Teknolohiya at seguridad sa ating online na buhay (2)

(Ikalawa sa dalawang bahagi)

(Unang bahagi)

Kaakibat ng mas madalas na paggamit ng bagong teknolohiya ang mas mataas na pagpapahalaga sa personal na seguridad.

Nakadisenyo ang mga bagong mobile phone o cellular phone (cellphone) para mas maging komportable ang ating buhay sa pamamagitan ng mga software application (app). Halimbawa, may mga app na kayang suriin ang kalagayan ng ating kalusugan at tukuyin ang pinakamabilis na ruta sa nais puntahan. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag ang mga bagong cellphone na “smart phones.”

Gaano nga ba sila katalino? Bukod sa napakaraming app para sa ating personal at propesyonal na pangangailangan, posible nang “utusan” ang cellphone (depende siyempre kung gaano ka-high tech ito) para magpadala ng text message o e-mail sa isang kamag-anak o hanapin ang pinakamalapit na restaurant o sinehan.

Siguradong marami pa tayong dahilan para purihin ang kagandahan ng bagong teknolohiyang nakapaloob sa isang cellphone na kasyang kasya sa ating bulsa. Masusuma nga natin sa isang salita lang ang kalakasan ng bagong teknolohiya na literal na nasa ating mga kamay: Convergence.

May dalawang pangunahing punto sa usapin ng convergence. Una, nariyan ang gamit ng cellphone hindi lang para maging telepono kundi para maging health monitor, navigational tool at iba pa (depende sa mga app na naka-install). Ikalawa, nariyan ang kakayahang ikonekta ang cellphone nang wireless (sa pamamagitan ng Bluetooth o wi-fi) sa iba pang gadget tulad ng tablet, laptop, desktop computer at printer.

Sadyang malaki na ang iniunlad ng dating teleponong nakakabit sa dingding (o nakapatong sa mesa) at literal na nakakabit sa pisikal na kable. Pero ang disbentahe ng makabagong teknolohiya ay ang masalimuot na problema ng seguridad. Kung problema noon ang wiretapping, problema ngayon hindi lang ang wiretapping kundi ang pangkabuuang panghihimasok sa ating pribadong buhay (invasion of privacy).

Nakokompromiso ang ating personal na seguridad sa sitwasyong ang ginhawang dulot ng bagong teknolohiya ay nangangahulugan ng pagbibigay ng ilang sensitibong impormasyon. Para mapagana ang app na magsusuri sa ating kalusugan, kailangang ilagay ang detalye tungkol sa pangangatawan na kadalasang ibinibigay lang natin sa pinagkakatiwalaang doktor. Hindi naman gagana ang app para malaman ang pinakamalapit na ruta kung hindi naka-on ang lokasyon o global positioning system (GPS) ng cellphone. Gayundin ang kaso sa maraming app na nangongolekta ng impormasyon mula sa atin o sa nilalaman ng ating cellphone tulad ng nakalagay sa Contacts at Gallery (e.g., larawan at bidyo).

Kahit na sabihing may malinaw na Privacy Policy at Terms and Conditions sa paggamit ng mga app, kailangan pa ring magdalawang-isip bago mag-install ng mga ito, lalo na kung hindi masyadong mahalaga sa ating buhay at ginagamit lang para maglibang. Tandaan nating lahat na hindi porke’t malaki ang storage capacity ng cellphone ay puwede nang ilagay ang lahat ng gustong app, kahit na simpleng katuwaan lang.

Paumanhin sa mahaba-habang pagsasakonteksto, pero sadyang kailangang ulit-ulitin ang mahahalagang punto sa teknolohiya’t seguridad. Bagama’t cellphone ang pangunahing paksa, ang mga isyung kinakaharap nito ay kapansin-pansin din sa iba pang high-tech na gadget tulad ng mga tablet, laptop at desktop computer.

Siyempre nama’y maraming praktikal na suhestyon para pangalagaan ang personal na seguridad sa gitna ng bago pero mapanghimasok na teknolohiya. Mag-download lang ng app na kinakailangan at mula lang sa kompanyang pinagkakatiwalaan para maiwasan ang malisyosong software o malware. Huwag hayaang parating naka-on ang data/Internet connection, wi-fi, GPS at Bluetooth dahil dito matutukoy ang ating eksaktong lokasyon at aktibidad sa Internet. Maging maingat sa pagkonekta sa public wi-fi (at mas mainam pa ngang huwag gawin ito) dahil baka ma-hack ang gadget na ginagamit natin, lalo na kung nagsasagawa tayo ng online banking at shopping. Hindi kailangang ilagay lahat ng personal na impormasyon sa mga gadget o kahit sa mga app na ginagamit dahil posibleng makolekta ang mga ito lalo na ng mga app developer na kumikita mula sa pagbebenta ng impormasyon tungkol sa mga nag-download. Rebyuhin parati ang privacy settings ng gadget para siguradong naaayon sa ating kagustuhan ang paggamit ng mga app, lalo na ang mga nangangailangan ng sensitibong impormasyon tulad ng navigational tool.

Puwede pa nating pahabain ang listahan pero iisa’t iisa lang ang ating pagsusuma. Huwag masyadong umasa sa bagong teknolohiya at maging sobrang maingat sa pagbibigay ng personal na impormasyon. Kung kailangang makipag-usap sa isang tao at malapit lang naman siya, huwag nang gumamit ng high-tech na gadget at direkta nang makipagkita sa kanya. Iba pa rin ang personal na interaksyon kahit na may bagong teknolohiyang nangangako ng personal na ginhawa.

Kung sabagay, aanhin nga ba natin ang ginhawa kung nakokompromiso naman ang seguridad? Hindi man natin pinagbabawalan ang paggamit ng mga high-tech na gadget, sadyang mainam pa rin ang ibayong pag-iingat lalo na sa panahong posible ang pagmamanman sa ating online na buhay.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Exit mobile version