Nangangamba ngayon para sa kanilang kaligtasan ang Overseas Filipino Workers (OFW) sa Middle East, gayundin ang kanilang mga pamilya. Nalalagay sa alanganin ang kanilang buhay at trabaho.
Sa bungad ng taon, umigting ang tensiyon sa pagitan ng US at Iran at naging usap-usapan ang pagputok ng gera, maging ng World War III. Nagpapatuloy ang tensiyon at banta ng gera, at maaapektuhan hindi lang ang Iran kundi ang maraming bansa sa Gitnang Silangan.
Dapat kumilos ang gobyerno ng Pilipinas, sa ilalim ni Pang. Rodrigo Duterte, para maghandang proteksiyunan at iligtas ang mga OFW sa Middle East. Pero hindi makita ang paghahanda nito, at may mga hakbangin pa itong nakakapagpalala ng sitwasyon sa rehiyon.
Ang naaalala ng maraming OFW at pamilya nila, gayundin ng mga organisasyon nila at mga pampulitikang tagamasid, ay ang mahabang rekord ng kapalpakan ng gobyerno ng Pilipinas pagdating sa pagprotekta at pagliligtas sa kanila tuwing may gera o kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Dahil diyan, kailangang palakasin ng mga OFW at kanilang pamilya’t tagasuporta ang pagkilos para iparating ang kanilang pangamba at kahilingan sa publiko at sa gobyerno ng Pilipinas. Sa ganito lang pwedeng maitutulak ang gobyerno na protektahan at iligtas ang mga OFW sa Middle East.
Sino si Qasem Soleimani? Anu-ano ang mga pangyayaring iniluwal ng pagpaslang sa kanya?
Si Qasem Soleimani ay isa sa pinakamataas na opisyal ng gobyerno at heneral ng militar ng bansang Iran. Simula 1998, lider siya ng Quds Force, elite na yunit ng militar ng bansa, na tinatawag ding Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC). Malapit siya sa pinakamataas na lider ng Iran, si Ayatollah Ali Khamenei.
Sa ganyang posisyon, tungkulin niya ang pagpapalawak ng mga ugnayan ng Iran sa mga karatig-bansa – lalo na sa aspetong militar, intelligence, pinansya at pulitika. Malaki ang tulong niya sa pagbubuo ng tinatawag ng Iran na “Axis of Resistance,” mga bansa at grupong saklaw ng impluwensya nito: mula Gulf of Oman hanggang Iraq, Syria at Lebanon, hanggang sa silangan ng Mediterranean Sea.
Tampok na tagumpay niya ang pagbibigay ng suportang nagpanatili sa pwesto kay Bashar al-Assad, pangulo ng Syria, nang nanganib itong matanggal dahil sa gera sibil sa bansa simula 2011. Tinulungan din niya ang iba’t ibang armadong grupo na lumaban at gumapi sa teroristang grupong ISIS. Nag-ambag din siya sa paglakas ng grupong Hezbollah sa Lebanon.
Sinuportahan din niya ang mga milisya sa Iraq na lumalaban sa US. Kung matatandaan, sinakop ng US ang Iraq noong 2003 sa dahilan umanong mayroong Weapons of Mass Destruction ang gobyerno noon ni Saddam Hussein. Napatunayan nang hindi totoo at gawa-gawa ang dahilang ito ng US mismo matapos nitong sakupin ang Iraq.
Ginawa ang lahat ng ito ni Soleimani at ng gobyerno ng Iran para paramihin ang kakampi ng bansa at palakasin ang depensa nito laban sa mga itinuturing nitong kalaban: ang US at ang mga alyado nito sa rehiyon, ang Saudi Arabia at Israel. Simula nang maluklok ang Islamikong Republika sa Iran matapos ang isang pag-aalsa noong 1979, itinuring na nitong kalaban ang US at itinuring din itong kalaban ng US.
Sa Iran, itinuturing siyang isa sa mga bayani ng Iran-Iraq War noong 1980-1988. Natanggap niya ang pinakamataas na parangal para sa lider-militar ng bansa. Sa edad na 62, idolo siya ng marami sa militar at gobyerno at naging maalamat sa mga kalaban ng bansa, pangunahin ang US. Sa loob ng mahigit 20 taon, nakaligtas siya sa maraming tangkang pagpatay sa kanya.
Pero nitong Enero 3, pinaslang si Soleimani ng US sa pamamagitan ng isang airstrike malapit sa internasyunal na paliparan ng Baghdad, kapitolyo ng Iraq. Binomba ang sinasakyan niyang kotse at kasama niyang nasawi ang anim na lider ng mga milisya sa Iraq na tinutulungan niya sa paglaban sa pananakop ng US sa naturang bansa.
Lumalabas na kaya siya naroon ay dahil inareglo ng US at Saudi Arabia ang isang pag-uusap sa pamamagitan ng gobyerno ng Iraq tungkol sa pagpapahupa ng tensyon sa pagitan ng Iran at Saudi Arabia. Inamin ng gobyerno ng US na mismong si Presidente Donald Trump ng US ang nag-utos ng pag-atake.
Bilang tugon sa pagpatay kay Soleimani sa kanilang lupain, idineklara ng parlamento ng Iraq na palayasin ang lahat ng tinatayang 5,200 tropang Amerikano sa kanilang bansa. Agad tinanggihan ni Trump ang desisyong ito, at nagbabala siya ng matinding kaparusahan sa porma ng sanctions sa Iraq.
Sa Iran, pinarangalan si Soleimani ng kanilang gobyerno bilang martir at bayani. Tumagal ang burol niya nang ilang araw at idinaos sa maraming lungsod. Kahit ang unang lider ng Islamikong republika ng bansa na si Ayatollah Ruhollah Khomeini ay hindi tumanggap ng ganoong parangal nang mamatay noong 1989. Tinatayang mahigit isang milyong Iranian ang dumalo sa burol at paglilibing. Marami sa kanila, sumisigaw ng “Kamatayan sa US!” at “Kamatayan kay Trump!”
Pero mas mahalaga, ipinaghiganti siya ng Iran. Nang mapatay siya, agad nagdeklara si Khamenei na “mapait” ang pagkawala niya, at maglulunsad ang bansa ng “malupit na paghihiganti.”
Noong Enero 8, ilang oras matapos ilibing si Soleimani, tinotoo ng Iran ang banta. Mahigit 20 missile ang pinakawalan nito papunta sa dalawang air base ng US sa kanluran ng Baghdad. Hindi ito nagawang hadlangan ng mga pwersa ng US dahil sa espesyal na kagamitan nito. Ito ang pinakadirektang atake ng Iran sa isang pasilidad ng US simula 1979. May mga pasilidad na nawasak, pero walang sundalong Amerikanong napatay.
Pagkatapos nito, agad nagpahayag ang Foreign Affairs Minister ng Iran na ang hakbangin ay “pagtatanggol sa sarili.” Aniya, sang-ayon sa Artikulo 51 ng UN Charter ang pag-atake, na pumuntirya lamang sa baseng militar na pinagmulan ng atake kay Soleimani at iba pang opisyal. Malinaw rin ang kanyang pahayag: “Hindi kami naghahangad ng pag-papaigting o gera, pero ipagtatanggol namin ang sarili laban sa anumang agresyon.”
Bakit pinaslang ng US si Soleimani?
Matagal nang itinuturing na kalaban ng US ang Iran, at nitong huli’y naghahanda ito na gerahin ang naturang bansa. Mahalagang target para sa US si Soleimani. Ang pagpatay sa kanya ay hudyat ng mas agresibo at marahas na tugon ng US sa Iran.
Maraming dahilan ang ibinibigay ng gobyernong Trump ng US sa pagpatay sa kanya. Ang sabi, isa siyang “kagyat na banta” sa seguridad ng US. Pero hindi siya sumasakto sa pakahulugan ng “kagyat na banta,” gaya ng isang teroristang papunta na sa kanyang target. Ang pinapalabas na ulat tungkol rito ay nagpapakita lang ng pagganap niya sa katungkulan, at katunaya’y matagal na siyang pinaplanong patayin. Dagdag pa, anumang plano niya ay pwedeng ituloy ng mga tauhan niya.
Isa pa sa dahilan ng gobyerno ng US, ang layunin ay hadlangan ang mga atake ng Iran sa hinaharap. Pero kabaligtaran ang nangyari: naghiganti ang Iran at nagkaroon pa ito ng dahilan para maghiganti. Dagdag pa, ito umano ay para ipaghiganti ang mga Amerikanong napatay sa Iraq. Bukod pa sa naroon sila para isulong ang interes ng US sa rehiyon, hindi matatapos sa pagpatay sa kanya ang mga pag-atake. Ang pinakamalaking kasinungalingan ay ang pagiging sangkot niya umano sa atakeng 9-11 sa US. Walang anumang batayan ito.
Ang masasabing matibay na batayan ng pagpatay sa kanya ay isa siyang “bad guy” o “masamang tao” sa paningin ng US. Pero maraming bansang kalaban ang US. Dahilan ba ito para patayin na rin nito ang matataas na opisyal nila? Muli, hindi matatapos sa pagpatay kay Soleimani ang paglaban ng Iran at mga kakampi nito sa US. Ibig sabihin, masamang precedent at hindi sasapat ang dahilang ito.
Mayaman sa langis ang Iran at may interes ang US dito. Noong 1951, nagpasya ang parlamento nito na isabansa ang industriya ng langis, na bago nito’y dinodomina ng mga kumpanya ng Britanya. Dahil diyan, noong 1953, kinudeta ang noo’y halal na prime minister na si Mohammad Mossadeq sa pagtutulungan ng Britanya at US. Pinatibay nito ang paghahari ng hari ng Iran, si Mohammad Reza Pahlavi, na mapanupil at sunud-sunuran sa mga nagluklok sa kanya sa pwesto. Laban sa gobyern ni Pahlavi ang pag-aalsang nagluklok sa Islamikong Republika ng Iran noong 1979.
Sinuportahan ng US ang Iraq sa gera nito sa Iran. Noong 1995, nagsimula ang US na magpataw ng mga pagpaparusa o sanction sa Iran dahil umano sa pagkakanlong ng terorismo, pagpapaunlad ng mga armas-nukleyar, at pagtutol sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Israel at Palestine. Kasama ang bansa sa tinawag ni dating Presidente George W. Bush ng US na “Axis of Evil” noong 2002. Noong 2007, panibagong matinding pagpaparusa ang ipinataw ng US sa Iran. Marami pa ang sumunod.
Noong 2015, pinagtibay ang Joint Comprehensive Plan of Action o Iran Nuclear Deal na pinirmahan ng Iran at ng mga makapangyarihang bansa sa mundo. Ang usapan: lilimitahan ng Iran ang produksyon nito ng armas-nukleyar kapalit ng pagbawas sa mga pagpaparusa rito sa ekonomiya. Papayagan ng Iran ang mga nuclear inspectors mula sa United Nations na inspeksyunin ang mga plantang nukleyar nito. Noong 2016, matapos sabihin ng UN na sumusunod ang Iran sa napagkasunduang pagbabawas, inalis ang mga pagpapahirap sa ekonomiya sa bansa.
Pero nitong 2018, basta inanunsyo na lang ni Trump ang pagbaklas ng US sa Iran Nuclear Deal. Bilang tugon, nagbabala ang Iran na ipagpapatuloy nito ang programang nukleyar nito. Sa pagitan nito, hanggang ngayon, maraming akusasyon si Trump na Iran ang nagpakana ng mga teroristang pag-atake sa iba’t ibang instalasyon ng US sa Middle East. Marami rin siyang bantang pinakawalan laban sa Iran. Para sa maraming tagamasid, ang mga hakbanging ito ng gobyernong Trump ay paghahanda na gerahin ang Iran.
Marami ring kagyat at matagalang interes ang mga naghaharing uri sa US para sa pagpatay kay Soleimani, pagpapaigting ng tensyon sa Iran at posibleng paggera rito.
Sa kagyat, nahaharap si Trump sa mga kasong impeachment sa Kongreso at Senado ng US. Kung matutuloy ito, matatanggal siya sa pagkapangulo. Bukod pa diyan, sa Nobyembre, mahaharap ang US sa eleksyong pampresidente. Sa parehong usapin, gusto niyang palakasin ang suporta sa kanya ng mamamayang Amerikano sa pagpapaapoy ng nasyunalismo, rasismo at xenophobia.
Bukod pa diyan, kikita rin ang tinatawag na military-industrial complex ng US, ang malalaking kapitalistang tumutubo sa produksyon ng armas pandigma. Kung maglulunsad si Trump ng pagpapaigting o gera, kakamal sila ng mas malaking tubo at mapapatibay ang suporta nila kay Trump.
Sa matagalan, gusto ng US na ibagsak ang Islamikong gobyerno ng Iran at magluklok ng bagong gobyerno na sunud-sunuran dito. Sa ganito, makokontrol nito ang malaking reserba ng langis ng Iran at iba pang likas na yaman ng bansa. Higit pa diyan, mapapayukod nito ang isang gobyerno na matagal nang tumututol sa mga dikta ng US at tumutulong sa mga katulad na gobyerno at organisasyon sa Middle East.
Sa gayon, kung maibabagsak ng US ang kasalukuyang gobyerno ng Iran, mas mapapatatag nito ang kontrol sa buong Gitnang Silangan, kasabwat ang mga alyado nitong Saudi Arabia at Israel. Mapapasunod nito ang mga gobyerno sa rehiyon at mas mapapakinabangan ang langis at iba pang likas na yaman.
Bakit mapanganib para sa mga mamamayan ng Middle East at daigdig ang pagpaslang kay Soleimani at ang mga plano ng US?
Sa pagpaslang kay Soleimani, nagpakita ang gobyernong Trump ng grabeng arogansiya sa paglabag sa mga batas at kalakaran sa US at daigdig. Una, labag ito sa mismong batas ng US na nagbabawal ng asasinasyon o pagpaslang. Ikalawa, tila deklarasyon ito ng gera sa isang bansa – at ayon sa batas ng US ay kailangan ang pag-apruba ng Kongreso para rito.
Ikatlo, sinasabi ng US na pwede itong pumaslang ng mga terorista, at binansagan na nitong terorista si Soleimani at ang IRGC kasama na ang Quds. Pero opisyal din si Soleimani ng gobyerno ng Iran – at walang gera sa pagitan nito at ng US. Ikaapat, hindi rin saklaw ang Iran ng batas na Authorization for the Use of Military Force ng 2002 na ginagamit laban sa mga terorista.
Labag din ito sa pandaigdigang batas, sa United Nations Charter. Papayagan lang ang isang bansa na pumaslang kung may “kagyat na banta (imminent threat)” at kailangan ng isang bansa ang “pagtatanggol sa sarili.” Hindi papasa sa pamantayan nitong “kagyat, malaki at walang iniiwang pagpipiliang paraan, at walang saglit para pagtalakayan” ang pagpaslang kay Soleimani.
Dagdag pa diyan, mapapayagan lang ang ganitong pag-atake kung talagang nasa digmaan na ang dalawang bansa – pero wala pa nga, at posibleng deklarasyon pa lang ang pagpaslang.
Nilabag din ng US ang soberanya ng Iraq sa sariling teritoryo. Naglunsad ito ng pag-atake nang walang pagpayag ang bansang paglulunsaran. Bukod pa diyan ang pagbabanta ni Trump na bobombahin ang mga lugar na mahalaga sa kultura ng Iran – bagay na itinuturing na “krimen sa digma” ng pandaigdigang batas at ng maraming kasunduan.
Kung gusto ng isang bansa na maparusahan ang isang opisyal ng isang bansa, ang paraan para diyan ng pandaigdigang batas ay ang pagsasampa ng kaso sa International Criminal Court. Hindi iyan ginawa ng gobyernong Trump.
Kahit ang mga opisyal ng gobyernong Amerikano, nagsasabing delikado ang hakbangin ni Trump: pwede palang patayin ang kanilang mga opisyales kapag bumibisita ng ibang bansa.
Marami pang pinanga-ngambahang masamang epekto ang pagpaslang kay Soleimani, mga hakbanging militar ng gobyernong Trump sa Middle East, at pagpapaigting ng tensiyon doon hanggang gera.
Nariyan ang panganib sa buhay at ari-arian ng mga mamamayan ng Iran at Middle East, kasama na rito ang mga OFW. Nariyan din ang panganib sa mga bansang may gobyerno at organisasyon na itinuturing ng US na kakampi ng Iran at kalaban nito. Mahahatak ang mga gobyernong dikit sa US, katulad ng Pilipinas, na magbigay ng iba’t ibang porma ng suporta.
Sa pag-uudyok ng US ng pagganti ng mga gobyerno at organisasyong kakampi ng Iran, lalong titindi ang karahasan. Sa pagpatay kay Soleimani, lalong nagkaisa ang mga galit sa US sa Iran at sa buong rehiyon. Lalong dadami ang pwersang militar ng US sa Middle East. Lalo ring titindi ang tensyon sa rehiyon.
Masamang precedent ang ginawa ng gobyernong Trump. Kung pwede nitong paslangin ang mga opisyal ng gobyerno ng mga bansang itinuturing nitong kalaban, sino ang susunod? Kung hanggang China at Rusya ang sumusuporta sa Iran, paano ituturing ang mga opisyal ng bansang ito ng US?
Kahit sa US, maraming tumutuligsa sa pagpatay kay Soleimani at pagpapaigting ng tensiyon sa Iran. Alam ng lahat na magdudulot ito ng pagpakat ng mas maraming sundalo sa Middle East, na maglalagay sa panganib sa mga anak ng mga manggagawa at mahihirap na Amerikano. Magdudulot din ito ng mas maraming gastos sa militar, sa halip na sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay. At magdudulot ito ng pag-igting ng rasismo, xenophobia at militarismo sa loob ng US mismo.
Anu-ano ang mga pahayag at hakbangin ng gobyernong Duterte kaugnay ng isyu? Anu-ano ang epekto nito sa mga OFW sa Gitnang Silangan?
Enero 5, naiulat na inatasan ang Armed Forces of the Philippines na maghandang ipadala ang mga barko at eroplano nito para magligtas ng mga OFW. Nag-utos rin daw ng pagtatayo ng “special working committee” na magbubuo ng plano para sa paglilikas ng mga Pilipino. Pamumunuan ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at kabibilangan nina Interior Chief Eduardo Año, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Foreign Affairs Secretary Teddyboy Locsin, Labor Chief Silvestre Bello III, at Transportation head Arthur Tugade.
Sa pagbalik naman sa Pilipinas ng mga OFW, inutos ni Duterte na maging handa ang mga ahensya ng gobyerno na i-absorb ang mga babalik na OFW para hindi maapektuhan ang kanilang kabuhayan.
Enero 6, nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na kapag “intensiyunal” na sinaktan ng Iran ang mga Pilipino, kakampi ang Pilipinas sa US. Paliwanag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ipinagpapalagay na tinitingnan ang Pilipinas na kakampi ng US. Ang gusto raw sabihin ng pangulo: huwag idamay ang mga OFW. Ang pangunahin daw niyang iniisip ay ang kaligtasan ng mga OFW.
Kasabay nito, itinulak ni Duterte ang repatriation ng mga OFW mula sa Middle East. Hiniling din niya sa Kongreso na maghanda na magpatawag ng special session para gumawa ng “standby fund” para rito kung tumindi ang sitwasyon.
Inanunsyo niya na sa Enero 7, lilipad sina Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers Abdullah Mamao at dating special envoy at ngayo’y Environment Secretary Roy Cimatu sa Middle East para ipaabot ang mga pahayag ng pangulo. Si Cimatu ang itinilaga na makipag-usap sa mga opisyal ng mga bansang Arabo para sa planong repatriation. Si Mamao naman ang magpapaabot ng pahayag ng pangulo sa mga gobyerno ng Iran at Iraq: na hindi dapat madamay ang mga Pilipino sa umiigting na alitan.
Ayon sa gobyerno, pinapahalagahan ng gobyerno ang rekord ni Cimatu sa pakikipag-negosasyon para sa pagpapalaya ng isang OFW binihag sa Iraq noong 2004 – si Angelo dela Cruz.
Enero 7, sinabi ni Duterte na tungkulin ni Mamao na kunin ang pangako ng Iran at Iraq na may lagusan palabas ang mga OFW kapag lumala ang sitwasyon. Inihabol rin niya na ang pagpanig sa US ay “projection” lamang at hindi pa plano. Handa umano siyang manatiling nyutral kung hindi ganito ang mangyayari. Pero inulit niyang kung may masasaktang OFW, hindi lang magsasalita ang Pilipinas kundi kikilos din.
Sinabi rin ni Duterte na hindi siya magpapadala ng mga sundalong Pilipino sa Iran para tumulong sa Amerika, at hindi rin papayag na magamit ang Pilipinas na launching pad ng operasyon ng US sa Iran. Aniya, nagbubuo ang gobyerno ng Plan A, Plan B, at worst-case scenario para sa mga OFW, pero hindi idinetalye. Inaaral na umano ng Department of National Defense ang mga lagusan palabas ng mga Pilipino sa Middle East. Pahayag ni Lorenzana, pinag-iisipan ng gobyerno ang pagrenta ng cruise ship para magligtas ng mga Pilipino.
Enero 8, itinaas ng Pilipinas ang Alert Level 4 sa Iraq at nag-utos ng sapilitang paglilikas o “mandatory evacuation” para sa 1,640 Pilipino sa Iraq. Ang plano, isasakay ang mga Pilipino sa eroplano kung bukas ang airport sa Baghdad o sa mga sasakyan. Dadalhin sila sa Amman sa Jordan o Irbil sa hilagang Iraq. Mula doon, dadalhin sila sa Doha, Qatar para isakay ng eroplano pauwi ng Pilipinas.
Inanunsyo ni Lorenzana na magpapadala sa Iraq ng dalawang batalyon (350-500 sundalo bawat batalyon) ng marines at sundalong Special Operation Command. Aniya, hindi sila lalahok sa labanan kundi magtatanggol at maglilikas ng mga Pilipino.
Gagamitin din daw ang BRP Gabriela Silang, bagong barko ng Philippine Coast Guard, na nasa Malta pero didiretso ng Jeddah, Saudi Arabia, bukod pa sa dalawang barkong BRP Tarlac at BRP Davao del Sur. Ipapakat din daw ang tatlong eroplanong pangmilitar
Enero 9, Sabi ni Cimatu, kailangang ilikas ang mga Pilipino habang hindi pa nagkakagulo, habang maayos pa ang mga kalsada at paliparan. Sabi naman ni Bello, makikipag-usap siya sa Qatar para sa paglilikas.
Hindi na raw sapilitan ang paglilikas sa Iran at Libya dahil umatras na sa gera ang US. Sabi ni Bello, maghahanap ng trabaho sa China, Russia, Canada, Germany at Japan para sa mga OFW na mawawalan ng trabaho dahil sa kaguluhan sa Middle East.
Enero 10, ipinrotesta ng Migrante International, organisasyon ng mga OFW at kaanak, ang pagkampi ni Duterte sa US sa tensyon sa Iran at sa gayo’y pagpapahamak sa mga Pilipino, gayundin ang militarisasyon ng mga hakbangin sa repatriation. Ang ginawa ni Locsin, sa halip na tugunan ang mga panawagan, ay gumawa siya ng eksena at hinamon ang mga nagpoprotesta na “Bugbugin mo ako!”
Enero 10, nagpatupad ng total ban ng deployment ng mga OFW sa Iraq. Hindi kaugnay sa tensyon sa Iran, inaunsyo nitong Enero 15 ang total ban ng mga OFW sa Kuwait, bunsod ng pagkamatay ng OFW na si Jeanelyn Villavende doon.
Anu-ano ang dapat gawin ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga OFW sa Middle East sa ganitong kalagayan? Ano ang rekord ng pamahalaan sa ganitong mga sitwasyon?
Una, noong Hunyo 2019 pa lang, nagbababala na ang Migrante International tungkol sa pag-igting ng tensiyon sa Middle East. Sa buwan na iyun, pumutok ang digmaan ng US-Saudi Arabia laban sa Yemen sa mga rehiyon ng Asir, Jisan at Najran sa loob ng Saudi kung saan mahigit 40,000 Pinoy ang nagtatrabaho.
Noon pa man, dapat naglatag na ng contingency measures ang pamahalaan para tiyakin ang kaligtasan ng mga OFW. Dapat noon pa man, nag-alok na ito ng pagbabalik-bansa o repatriation sa mga OFW at naglatag na ng reintegration program para sa mga OFW na uuwi sa bansa.
Sa hindi paggawa ng mga ito, pinatunayan ng gobyerno na hindi pa ito natututo sa mapait na karanasan ng gera sa Iraq (1991, 2003), Syria (2011) at Libya (2011) kung saan naipit ang libu-libong OFW sa kaguluhan dahil sa pagiging huli at kulang, kung hindi man wala talaga, ng mga hakbangin ng pamahalaan. Sa mga pagkakataong ito, laging bigo ang planong repatriation ng gobyerno: kung hindi inililipat lang ng lugar o bansa ang OFW ay hinihikayat siyang bumalik sa trabaho.
Ikalawa, dapat tinutulan ng gobyerno ng Pilipinas ang anumang pagpapaigting o escalation pa sa tensyon sa Middle East, kung hindi man kinondena ang pagpaslang kay Soleimani. Malawak ang ganitong sentimyento sa buong mundo laban sa rehimen ni Trump. Gayundin maging sa US at sa gobyerno nito mismo. Makakasama sa mga mamamayan ng Middle East, ng US at maging ng mundo ang pagpapaigting ng tensyon, lalo na kung gera, sa Iran.
Pero kabaligtaran nito ang sinabi ni Duterte. Apat ang akusasyon na kasama ng pahayag niya: (1) intensyunal na sasaktan ng Iran ang mga OFW, (2) iniisip ng Iran na maka-US ang Pilipinas, (3) terorista ang Iran, bumibiktima ng mga sibilyan para sa sariling pampulitikang interes, at (4) katulad ang Iran ng mga milisyang Iraqi na nang-hostage sa OFW na si Angelo dela Cruz noong 2004. Sa ganito, malinaw na kumakampi na siya sa US at iniinsulto ang Iran. Kaya naman binawi niya ito sa kasunod na araw, at sinabing pag-aaralan niya ang pagiging nyutral sa alitan.
Sa ganitong mga pahayag, mas gustong ipakita ni Duterte na kakampi siya ng US kaysa interes niyang protektahan ang mga OFWs sa Middle East. Tumutulong siya sa propaganda ng US laban sa Iran, kinukunsinti ang US na siyang tunay na nagdadala ng panganib sa Middle East, at inaaway ang gobyerno ng Iran na host ng tinatayang mahigit 1,000 OFW at impluwensyal sa ilang gobyerno at organisasyon sa mga bansang mayroon ding OFW.
Ikatlo, bukod sa pag-iingat sa mga pahayag, dapat huwag ding gumawa ng hakbangin na magpapatindi ng sitwasyon at ikakapahamak ng mga OFWs. Para sa repatriation ng mga OFWs, pinakamainam kung ang ipadala ay mga social workers, health care professionals at translators – na dapat igalang kahit sa gitna ng digma ayon sa pandaigdigang batas. Sa karanasan din ng mga OFWs, ang malaking nakatulong sa repatriation noong Gulf War ay ang International Organization for Migration, organisasyon ng iba’t ibang bansa.
Pero kabaligtaran nito ang ginagawa ni Duterte. Ang pakikilusing tauhan para sa repatriation ay ang militar, kasama ang kanilang mga barko at eroplano. Katunayan, nagpadala na ang gobyerno ng dalawang batalyon o nasa 700- 1,000 sundalo. Ang mamumuno sa special working committee na itinayo niya ay isang dating opisyal-militar, si Lorenzana, at tatlo sa anim nitong kasapi ang dating opisyal-militar. Maging ang pinapunta niya para magkoordina sa mga bansang Arabo, si Cimatu, ay dating opisyal-militar.
Mabubuo ang tanong: papunta ba ang Pilipinas sa giyera sa Iran? Kung ibabatay sa mga pahayag at aksyon ni Duterte, tila ganoon na nga: magpapadala ng pwersang militar na susuporta sa US. Ginagamit lang na palusot ang repatriation ng mga OFWs. Bukod pa rito ang pwedeng maging persepsiyon ng Iran at mga gobyerno at organisasyon sa Middle East na kritikal sa US: iisiping “hostile force” ang mga sundalo ng Pilipinas. Anu’t anuman, nakukwestyon kung pagliligtas at pagpapauwi ba talaga sa mga OFW ang motibo ng gobyerno.
Ikaapat, dapat magtalaga ng mga taong may rekord ng pagiging tunay na maka-OFW o kaya naman ay walang bahid para sa pagliligtas at pagpapauwi ng mga OFW. Sa ganito, matitiyak na ang malaking pondong ilalaan dito ay mapupunta talaga para sa ganitong layunin. Dahil mahalaga sa ekonomiya ng bansa ang mga OFW, marapat lang na ang itatalaga ay iyung pangunahing kaligtasan ng OFW ang hangad para ang badyet ay magagastos para talaga sa mga OFW.
Pero muli, kabaligtaran nito ang ginagawa ni Duterte. Si Cimatu, na inatasan niyang mag-ayos ng pagpapauwi ng mga OFW, ay kasama sa mga tinatawag na “pabaon generals” – mga heneral na binigyan ng pabaon na P50 milyon noong nagretiro sa panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Mas malala, sangkot siya sa ilang anomalya sa repatraiton ng mga OFW. (1) Noong 2003, ayon mismo sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, walang nangyaring repatriation ng mga OFW sa gitna ng gera sa Iraq. Pero naglaan ang gobyerno ni Arroyo ng US $293,500 pondo para sa repatriation. Ginamit ang pera para magpakat ng 51 sundalo at bumili ng kagamitan para sa kanila. (2) Noon namang 2006, sa alitan ng Hezbollah at Lebanon, pinaglaanan siya ng P150 milyon muli para sa repatriation. Kalabas-labasan, palpak ang naturang operasyon.
May mahabang rekord na si Cimatu sa pagsuportang militar sa US sa Middle East na kunwari’y repatriation ng mga OFW, kung saan tumitiba-tiba siya sa korupsyon. Ang kailangan ng mga OFW ay tunay na pagsisikap na iligtas at pauwiin sila, hindi pakitang-tao para makapagsilbi sa US at makapagbulsa ng pondo.
Ikalima, dapat tiyakin ng pamahalaan ang kagyat at matagalang reintegrasyon ng mga uuwing OFW sa ating bansa. Sa ngayon, kagyat lang ang nagagawa nito, at puro pangako pa lang: trabaho sa ibang mauunlad na bansa at pagpasok sa mga proyekto ng pamahalaan. Para bang wala nang ibang pupuntahan ang mga OFW kundi ibang bansa rin, o kaya naman ay malabong proyekto ng gobyerno.
Pero nagpapatuloy ang krisis sa buong mundo at tumitindi rin ang mga tensiyon sa pagitan ng mga bansa. Sa Saudi Arabia, halimbawa, kung saan naroon ang pinakamaraming OFW sa Middle East, matagal nang said ang yamang langis, may programang Saudization na ang ginagawang priyoridad sa mga trabaho ay mga taga-Saudi mismo, at nag-aalsa ang mga kabataan dahil sa kawalang-trabaho.
Sa ganitong kalagayan, dapat harapin na rin ng gobyerno ang matagalang reintegrasyon ng mga uuwing OFW Katunayan, dapat nang tiyakin ng gobyerno ang pagkakaroon ng disenteng trabaho sa sariling bayan – iyung may nakabubuhay na sahod, seguridad sa trabaho at gumagalang sa mga karapatan ng manggagawa.
Matagal nang nakaasa ang bansa pagdating sa usapin ng trabaho sa ibang bansa – pamumuhunan man ng mga dayuhang kapitalista sa Pilipinas, o pangingibang-bayan ng mga OFW. Bagamat nakakatawid-buhay ito ng ating mga pamilya, hindi talaga ito nagdudulot ng matagalang pag-unlad sa kanila at sa buong bansa. At ang suma-tutal, nananatili tayong nakaasa sa dayuhan.
Matagal nang ipinaglalaban ng iba’t ibang organisasyon sa Pilipinas, kasama na ang Migrante International, na tumindig ang bansa sa sariling mga paa – magpatupad ng tunay na reporma sa lupa at ng pambansang industriyalisasyon. Sa pamamagitan nito, tayong mga Pilipino ang makikinabang sa yamang likas at yamang tao ng bansa at makakalikha tayo ng disenteng trabaho sa sariling bayan.
Anu-ano ang panawagan ng mga OFW, kanilang pamilya at tagasuporta sa harap ng tensyon sa pagitan ng US at Iran at buong Middle East?
Bagamat sinasabing humupa na ang tensiyon sa Iran at Middle East, nakita nating matibay at malalaki ang interes pabor sa gera. Tumatak na ang pagpaslang ng gobyernong Trump kay Soleimani. Magpapatuloy at magpapatuloy ang tensyon, at tiyak na titindi ito sa mga darating na buwan, kung hindi man linggo.
Bagamat ipinapakita ng gobyernong Duterte na ginagawa nito ang lahat para iligtas ang mga OFW sa Middle East, nakita nating lumalabas na ang layunin nito ay sumuporta sa gera ng US, nag-aambag ito sa pagpapasahol ng tensyon sa rehiyon, at hindi talaga nito pangunahing interes ang iligtas ang mga OFW.
Kung ibabatay sa kontrobersyal na tugon ni Sec. Locsin sa protesta ng Migrante International sa labas ng tanggapan niya noong Enero 10, malinaw: sa halip na tugunan ang lehitimong pangamba at panawagan ng mga OFW, mas gusto ng gobyernong Duterte na pagtakpan ang mga ito at gawing katatawanan.