Site icon PinoyAbrod.net

Tisoy

Isa ang 22 taong gulang na si Genesis “Tisoy” Argoncillo sa mga biktima ng Oplan Tambay at kauna-unahang namatay dahil dito.

Kwento ng butihing ate ni Tisoy na si Marilou Argoncillo, grade 4 lamang ang natapos ni Tisoy. Pero kahit kailan ay  hindi nito alintana ang pagtatrabaho sa murang edad, basta’t makapag-aral ang kanyang mga kapatid.

Nagtatrabaho sa isang pagawaan ng mga electric fan, washing machine at iba pang home appliances si Tisoy noong siya’y nabubuhay pa. At kahit mahirap ang kanilang buhay ay masaya sila bilang pamilya at magkakapatid, kasama pa ang kanyang mga pamangkin.

Ngunit dahil sa ‘quota ‘ ng mga pulis na mahuhuling tambay ay magwawakas ang lahat.

Salaysay ni Marilou, gabi ng Hunyo 15 nang magsimulang magronda ang mga pulis sa kanilang lugar sa Barangay Sauyo sa Quezon City.

Bandang 8:45 ng gabi ay pinlano na ni Tisoy matulog, ngunit dala ng init ng panahon ay naghubad ito ng t-shirt. Nakagawian na ni Tisoy ang paghuhubad ng t-shirt. Ayon kay Marilou ay kabibili lang din ni Tisoy ng bagong cellphone kaya mahilig itong mag-internet at manuod ng kung ano-anong videos sa YouTube.

Kaya noong gabing iyon ay bumaba saglit si Tisoy para magpaload pero dahil hindi agad pumasok ang load ay naghintay muna siya sa may harap ng tindahan. At doon ay sakto siyang nadatnang ‘nakatambay’ ng mga pulis kahit na nag-iintay lamang siya ng load.

“Pinilit pang pinahawakan kay Tisoy yung mga bote ng Red Horse sa may tindahan. Tapos nagtanong ako sa pulis kung bakit kasama nila ang kapatid ko tapos ang sagot nila ay wala raw kasing damit,” ani Marilou.

Ayon pa sa mga pulis ay hihingan lang muna ng statement si Tisoy at pagkatapos nito ay maari na siyang pakawalan. Ngunit inabot na sila ng madaling araw ay hindi pa rin nila pinapakawalan si Tisoy.

Matapos naman hingan ng statement si Tisoy ay ipina-medical exam naman ito upang malaman kung negatibo o postibo sa droga, na ikinagulantang ng kapatid ni Tisoy na si Marilou.

“Tinanong ko yung mga pulis na ‘pag negative ba ang resulta ay pwede na siyang umuwi,  hindi pa raw kasi Station 4 daw ang diretso. Nagulat ako kasi akala ko pwede nang umuwi si Tisoy pero ang sagot lang sakin ng mga pulis ay ‘wala na kayong magagawa, mag-iinquest na’ “.

Kahit anong pagmamakaawa ni Marilou na pakawalan si Tisoy ay hindi siya pinapakinggan ng mga ito.

Simula nang makulong si Tisoy ay binubugbog na siya ng mga ka-preso niya roon upang magsilbing ‘welcome’ bilang bagong dating lamang si Tisoy sa selda. Kaya hindi alintana ni Marilou ang pag-aasikaso ng mga papeles ni Tisoy at ang pagdadala niya ng pagkain sa loob dahil para kay Marilou ay ayaw maranasan ni Tisoy ang walang makain. Umaabot din  sa punto na hinuhuthutan ng pera ng ibang mga preso si Tisoy. Nagbigay na rin si Marilou sa mga mayors ng selda para lang hindi nila saktan si Tisoy.

Sa isang selda na para sa anim na tao, 138 ang nakapiit doon kasama si Tisoy.

Apat na araw mula nang makulong, bandang ika-5 ng umaga, namatay si Tisoy dahil sa unang inulat ng pulis na ‘nahirapan huminga’ (shortness of breath). Lima na ang namatay sa kustodiya ng pulis ng Novaliches sa loob ng isang buwan dahil umano sa shortness of breath.

Ilang ulit binisita ni Marilou ang kanyang kapatid at nakita niya ang mga pasa nito, at narinig ang mga reklamo ni Tisoy na pananakit sa kanya kaya’t hindi makapaniwala si Marilou na nahirapan lang huminga ang kapatid niya saka namatay.

Dinala si Tisoy sa ospital, ipinroklamang dead-on-arrival.

“Bakit nangyari ‘yun sa kanya, eh wala naman siyang kasalanan, wala lang siyang damit nung nahuli siya eh. Saka hindi naman tama yung panghuhuli nila. Buhay agad ang nawala. Napakasakit talaga,” pahayag ni Marilou hinggil sa iligal na paghuli sa kanyang kapatid.

Mula 2012, hindi na itinuturing na krimen ang pagtambay o pagpapalaboy-laboy, taliwas sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulis na hulihin ang mga tambay.

Pagkamatay ni Tisoy, nagpaiba-iba naman ang mga opisyal na pahayag na naghatid sa kanyang maaga at hindi inaasahang kamatayan.

Nagpaiba-iba ang kaso ni Tisoy—hinuli siya dahil umano tambay at walang damit, pero pagkakulong ay sinampahan na ito ng kasong ‘alarm and scandal’ ng mga pulis.

Nagpaiba-iba ang dahilan ng pagkamatay ni Tisoy—sinabi ng pulis namatay si Tisoy sa shortness of breath. Kahit walang pera, pina-autopsy ni Marilou si Tisoy at doon lumabas ang kinatamay niya ay “multiple blunt force trauma.” Pagkalabas ng resulta ng autopsy, sinabi ng mga pulis na binugbog at napatay siya ng mga kapwa preso.

Nagpaiba-iba naman ang pahayag ng pulis sa sinusunod nilang direktiba matapos makahuli ng halos 7,300 tambay sa loob ng siyam na araw—walang hinuli dahil tambay, pero hinuhuli dahil sa mga nilalabag na ordinansa na iba iba kada syudad.

Nagpaiba-iba rin ang sinabi ni Duterte na direktiba niya sa paghuli ng tambay—hindi raw niya pinahuli ang mga tambay. Pinapapatupad lang niya sa mga pulis ang lokal na ordinansa. Pinakakapkapan lang niya.

Isang araw bago sinimulan ng Philippine National Police ang panghuhuli sa mga tambay, sinabi ni Duterte: “My directive is, if you’re just standing by (in the streets), tell them, ‘Go home. If you don’t go home, I’ll bring you to the office in Pasig. I’ll take care of it. Tie their hands together and I’ll throw them in (the river).”

[Umuwi kayo. Kapag hindi kayo umuwi, dadalhin ko kayo sa opisina sa Pasig. Ako na bahala. Itatali ko ang mga kamay nila at itatapon ko sila sa ilog Pasig.]

Hulyo 6, hinatid ng pamilya niya ang labi ni Tisoy papuntang Iloilo. Kahit na hindi na nila muling makikita pa ang kanilang mahal sa buhay na si Tisoy ay patuloy naman nilang hahanapin ang hustisya at katarungan sa nangyari sa kanya.

Higit 22,000 na ang napaslang ng Oplan Tokhang sa ilalim ng pagkapangulo ni Duterte.

Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay sa Oplan Tokhang, waring madadagdagan pa ang bilang ng namamatay na mahihirap dahil sa Oplan Tambay ni Duterte.

The post Tisoy appeared first on Manila Today.

Exit mobile version