Site icon PinoyAbrod.net

Trabahador na seasonal

Sa kaso ng Universal Robina Sugar Milling Corporation vs. Nagkahiusang Mamumuo sa URSUMCO – NFL, na denisisyunan ng Korte Suprema nito lamang Nobyembre 28, 2018 ay nilinaw ng Kataastaasang Hukuman kung kailan ang mga seasonal workers ng kompanya ay maaring ituring na permanent o regular employees nito.

Sa nasabing kaso, ang kompanya ay nasa sugar milling business. May mga regular siyang empleyado sa negosyong ito. Ngunit marami rin siyang seasonal employee na nagtatrabaho tuwing milling season.

Pagkatapos ng milling season, ang nasabing mga seasonal employees na ito ay binibigyan pa rin ng trabaho ng kompanya bilang mga taga repair o taga ayos sa mga sirang gamit sa loob ng kompanya.

Ang sahod na tinatanggap ng mga seasonal employees na ito ay mas mababa kung ihambing sa sahod ng mga regular na empleyado.

Dahil dito, hiniling ng unyon sa kompanya na gawing regular ang 78 seasonal employees ng kompanya at taasan ang kanilang mga sweldo.

Tumanggi ang kompanya.

Isinampa ng unyon ang kaso sa Voluntary Arbitration.

Kinatigan ng Voluntary Arbitrator ang unyon at inutos sa kompanya na gawing regular ang mga seasonal workers nito.

Umakyat naman ang kompanya sa Court of Appeals ngunit ganun pa rin ang naging hatol ng Court of Appeals : kinatigan nito ang unyon at inutos sa kompanya na gawing regular ang mga seasonal workers nito.

Hindi pa rin tumigil ang kompanya at umakyat ito sa Korte Suprema.

Sa desisyon ng Korte Suprema ay nilinaw nito na ang isang trabahante ay maituturing lamang na regular kung ang ginagawa niya ay mahalaga o kailangan sa negosyo ng kompanya.

Kapag ganun ang kanyang ginagawa ay hindi siya maaring tanggalin sa kanyang trabaho maliban lamang kung may makatuwirang dahilan para gawin ito.

Sa bahagi naman ng mga seasonal employee, sila ay kailangan lamang ng kompanya sa loob ng isang season (e.g. planting season, milling season, etc.).

Pagkalipas ng season na ito, ay wala na silang trabaho at mag-aantay na naman uli nang pagdating ng bagong season o panahon.

Ngunit hindi ito nangyayari sa mga seasonal workers ng kompanya, sabi ng Korte Suprema.

Pagkalipas ng milling season, ay patuloy pa rin silang nagtatrabaho sa kompanya bilang mga repairmen.

Ang pagiging repairmen ay mahalaga at kailangan sa negosyo ng kompanya sapagkat hindi ito maaring magpatuloy sa kanyang negosyo kung walang magkukumpuni o magsasaayos ng mga sirang piyesa nito.

Kung ganun, ayon sa Korte Suprema, ay dapat lamang ituring na permanent o regular employees ang mga seasonal workers na ito.

Kaya bilang pagsunod sa utos ng Korte Suprema ang 78 na seasonal workers ng kompanya ay ginawa na nitong regular o permanent workers.

Mabuti na lamang at may unyon na nagtatanggol sa kanilang karapatan.

Exit mobile version