Site icon PinoyAbrod.net

Tugon ng taumbayan sa pandemyang Covid-19

Halos tatlong linggo na ang enhanced community quarantine (dating community quarantine) sa Luzon, at lalong lumilinaw na tila hindi handa ang gobyerno sa pagharap sa pandemyang Covid-19.

Bukod sa wala pa ang libre at malawakang testing na siya sanang tutukoy kung ilang bahagi ng populasyon ang nahawaan ng virus, pawang hindi naging maayos ang pagtitiyak ng pansalo sa kabuhayan at pagkain ng mga maralita. Maging ang pangangailangan ng tinaguriang mga frontliner – transportasyon patungo sa mga ospital, personal protective equipment, dormitoryo at kompensasyon – ay naging malaking usapin din sa proseso ng pagharap sa pandemya.

Sa gitna ng diskurso hinggil sa “sumunod na lang kayo”, “makipagtulungan na lang kayo” at “ano ba’ng naiambag niyo?” sa mga naratibo ng trolls at iba pang tagapagtanggol ng rehimeng Duterte, lumabas ang inisyatiba ng iba’t ibang indibidwal at mga grupo upang tulungan ang mga nangangailangan at mga nasa unahan ng paglaban sa Covid-19 sa bansa.

Bayanihan para sa maralita

Pinakamalaking naapektuhan ng pandemya ang mga maralita. Sila ang pinakabulnerable sa naturang virus.

Pero higit pa sakit, ang inaalala nila’y kung paano maitatawid ang kanilang pamilya kung hindi sila makakapagtrabaho. Nang magsimula ang kuwarantina, pansamantalang nagsara ang mga empresa at iba pang pinagtatrabahuhan ng manggagawa maliban sa esensiyal na mga serbisyo.

Mga “homeless” sa Liwasang Bonifacio, Maynila. Benepisyaryo ng “Hapag Kainan” (#Barangay Damayan)

Tantiya ng Department of Labor and Employment, aabot ng mahigit 108,620 ang manggagawang apektado ng flexible work arrangements at temporary closure sa Luzon. Aabot naman ng 82,781 ang pansamantalang nawalan ng trabaho. Mahigit 40 porsiyento o 46,213 ng naturang datos ay nasa Kamaynilaan. Dumadaing ang mga manggagawang apektado ang trabaho. Hiling nila: suportang pinansiyal para sa may maipakain sa kanilang pamilya. Anila, kung hindi man sila mamatay dahil sa Covid-19, baka sa gutom ay hindi sila makaligtas.

Siyempre, gobyerno ang may pinakamalaking rekurso para tugunan ito. Pero tila mas mabilis na tumugon ang iba’t ibang organisasyon ng maralita para tumulong sa kapwa nila maralita.

Lugaw ang hatid ng mga miyembro ng Kadamay Bulacan para sa mga residente ng Pandi

Pinangunahan ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang #BarangayDamayan, isang Facebook group na nangangasiwa ng donation drive at tumulong sa pamamahagi ng food packs at iba pang pangangailangan ng maralita na saklaw ng kuwarantina. Isa sa pinakahuling aktibidad nito ang paglulunsad ng “Hapag Kainan”, sa Liwasang Bonifacio noong Marso 29, na nagpakain sa may 300 maralita na walang tirahan. Kasabay nito, inilunsad naman ng tsapter sa Bulacan ng naturang organisasyon ang Kaisamaralita na may layuning maghatid ng pagkain sa anim na housing projects ng Pandi, Bulacan. Gamit ang pedicab, kalde-kalderong lugaw ang ipinamahagi ng grupo, sa pinakuhing operasyon nito, sa 800 pamilya Residence 3, Pandi.

Inilunsad naman ang Tulong Kabataan ng Kabataan Party-list kasama ang iba’t ibang organisasyong kabataan para maghatid ng tulong hindi lang sa mga maralitang komunidad kundi maging sa frontline health workers. Kamakailan lang, namahagi ang nasabing grupo ng 533 relief packs (3 kilo ng bigas, 2 de lata ng sardinas at 2 noodles) sa may 800 pamilya na nakatira sa Intramuros. Sa pamamagitan din ng Project Blessing at RockEd Philippines, nakapagbigay din ng food packs ang grupo sa mga frontliners sa ilang ospital sa Metro Manila.

Kasama ang nasabing mga pagsisikap ng Kadamay at Kabataan Party-list sa Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (Cure Covid), isang tipo ng tugon ng mga mamamayan sa iba’t ibang komunidad para labanan ang mga epekto ng Covid-19. Kalahok dito ang lokal na mga samahan sa komunidad ng mga maralita sa Marikina, Tondo, Sitio San Roque, Commonwealth Avenue at Bagong Silangan sa Quezon City, Navotas, San Jose del Monte sa Bulacan, Taytay sa Rizal at marami pang iba.

Pamamahagi ng relief packs sa Intramuros [Tulong Kabataan-Intramuros]

Repacking ng mga ipapamahaging food packs at hygiene kits sa Sitio San Roque, Quezon City [Save San Roque]

Promotional poster para sa charity event ni Mimiyuuuh

Isang araw matapos simulan ang kuwarantina noong Marso 15, mabilis na nakakalap ng donasyon ang Save San Roque. Ayon sa transparency report na nakapaskil sa Facebook page ng grupo, 250 pamilya sa Sitio San Roque ang nabigyan ng relief packs at hygiene kits sa pagitan ng Marso 16 hanggang Marso 20. Kasama din sa tulong na iniabot sa bawat pamilya ang P400 na salapi. Higit pang dumami ang sumuporta sa donation drive ng grupo nang gawing benepisyaryo ni Mimiyuuuh, isang tanyag na vlogger, ang Save San Roque sa kanyang “Zumbuuuh with Mimiyuuuh with a cause” na inilunsad ng isang online shopping site.

Nakitaan din ang iba’t ibang grupo, kasama na ang maliliit na negosyo, ng pag-ambag sa pangangailangang pakainin ang mga nagugutom.

Matatagpuan ang Popburri sa Kamias, Quezon City [Popburri]

Mula sa isang restawran, itinransporma ng mga may-ari ng Popburri ang kanilang lugar sa Kamias sa Quezon City bilang temporary shelter para sa mga walang tirahan. Libre maligo, maghapunan at matulog sa lugar mula 6:30 ng gabi hanggang 6:00 ng umaga. Ayon sa manedsment ng establisimyento , umabot ng 72 homeless clients ang naserbisyuhan nila noong gabi ng Marso 27 bago ito ipasara ng nakakasakop na barangay sa kanilang lugar bunsod ng paglabag sa quarantine protocols sa kabila ng kanila umanong mahigpit na pagtalima rito.

Libreng tinapay naman ang ipinamahagi ng Andreas Cakes and Pastries sa mga residente ng Bagong Silangan sa Quezon City at ilang bahagi ng Marikina. Tinaguriang Oplan Tinapay, nasa ikasiyam na araw na, habang isinusulat ang artikulong ito, ang kanilang pamamahagi hindi lang ng tinapay kundi mga lutong pagkain sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay.

Inilunsad naman ng Good Food Community, The Vegan Neighbors, Me & My Veg Mouth kasama ang iba pang organisasyon ang Lingap Maralita. Katuwang ng naturang mga grupo ang mga chef ng iba’t ibang restawran para sa pagtitiyak ng pagkain para sa mga maralita. Isinusulong din ng grupo ang panawagang food security at pangangalaga sa mga magsasaka na lumilikha ng pagkain.

Samantala, tinuunan ng pansin ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA) ang pagtulong sa mga magsasaka. Bukod sa pamamahagi ng relief goods, sa pamamagitan ng programang Sagip Kanayunan, inilalako din ng grupo ang mga pananim ng mga magsasaka mula sa karatig na probinsiya sa piling mga komunidad sa Kalakhang Maynila. Inilalaban din ng grupo na huwag pigilan sa mga checkpoint ang mga gulay na nagmula pa sa iba’t ibang probinsiya.

Pagtitiyak ng pagkain para sa mga nasa dormitoryo sa Unibersidad ng Pilipinas ang hatid ng Gulay Lang, isang online vegetarian meal food service. Kasama sa binigyan nila ng tulong kamakailan ang mga estudyanteng lumad sa bakwit school na nanunuluyan sa gusali ng UP Fine Arts.

Nagbahagi naman ng talento ang mga musikero ng kanilang talento upang makapag-aliw at mangalap ng donasyon para sa mga maralitang apektado ng kuwarantina ang kabuhayan.

Norman Bethune Brigade ang benepisyaryo ng album sales ng bandang Standby

Naglunsad ng isang charity concert ang isang online shopping site kasama ang Itchyworms, Munimuni, si Barbie Almalbis at ang mag-asawang Yael Yuzon at Karylle. Namahagi naman ng nakalap na mga tent at lutong pagkain mula sa donasyon ang bandang Catpuke sa mga walang tirahan sa piling mga lugar sa Quezon City. Samantala, inilaan naman ng mga bandang Standby (Bulacan) at Namatay Sa Ingay (New York) ang benta ng kanilang mga bagong labas na mga album para sa benepisyo ng mga organisasyong nagtataguyod ng laban sa Covid-19 tulad ng Norman Bethune Brigade at Kadamay.

Upang banatayan ang proseso para sa pagkuha ng mga manggagawa ng kanilang P5,000-8000 ayuda mula sa DOLE, nagbukas ng hotline ang Defend Jobs Philippines. Ayon sa grupo, nakatanggap sila ng 16,432 online complaints hinggil sa mga employer na hindi pa nag-aaply para sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).

Ipinasa na ng grupo sa DOLE ang listahan ng 3,557 kumpanya na inirereklamo ng mga manggagawa.

Suporta sa frontliners

Hindi kaila ang malaking kakulangan sa mga PPE at iba pang lohistikal na pangangailangan ng frontline health workers. Kaya naman iba’t ibang mga indibidwal at mga grupo ang humakbang pa mula sa suportang moral lamang tungo sa suportang pinansyal at materyal para sa kanila.

Frontliners sa isang ospital sa Batangas na nabigyan ng PPE ng mga manggagawa ng Nexperia

Tuloy-tuloy ang pamamahagi ng PPE sa frontliners sa iba’t ibang ospital at health centers  na nasa Cavite at Laguna ang Nexperia Philippines Incorporated Workers Union sa ilalalim ng kanilang kampanyang #Care4CareWorkers at #curecovid. Habang iginigiit ng unyon ang kanilang karapatan para sa benepisyo sa panahon ng kuwarantina, walang-tigil ang kanilang paggawa ng mga PPE.

Nangalap din ng donasyon ang isang batch ng alumni ng University of the Philippines Integrated School. Nasa ikalawang batch na ang UPIS Daluyong Batch 2002 ng kanilang donation drive para sa makapagbigay ng PPE sa piling ospital sa Philippine General Hospital at Philippine Lung Center. Nauna na rin nakapagdonate ang naturang batch sa Dionisio Cornel Medical Center sa Antipolo at Quirino Memorial Medical Center.

Humugot naman sa sarili niyang ipon ang fashion designer na si Jhobes Estrella ng Gulod, Cabuyao, Laguna, para gumawa ng 200 decontamination suits para sa mga health worker at iba pang frontliners sa Cabuyao at Santa Rosa, Laguna. Samantala, kasama ang Manila Protective Gear Sewing Club, nagboluntaryo ang isa pang designer na si Mich Dulce sa paggawa ng mga non-medical grade PPE na ipapamahagi sa pamamagitan ng opisina ni Vice President Leni Robredo.

[mula sa Facebook page ni VP Leni Robredo]

Nagbigay suporta naman ang Office of the Vice President (OVP) ng tulong lohistikal sa frontline health workers. Tinugunan ng OVP ang paghatid ng frontliners sa mga ospital sa pagpapabyahe ng mga shuttle bus na may 8 ruta. Bukod pa dito ang pagpapadala ng mga PPE sa iba’t ibang ospital.

Nagbukas din ng dormitoryo ang OVP sa Cubao, Quezon City at 3 pang lugar sa Kamaynilaan para sa mga frontliner ang naturang opisina.

Ano ang ginagawa ng gobyerno?

Sa kabila ng bayanihan ng mga mamamayan para labanan ang Covid-19, mapagpasya pa rin ang papel ng kasalukuyang gobyerno para tuluyang masugpo ang pandemya. Para sa marami, esensiyal ang pagsasagawa ng mass testing ng Covid-19 nang sa gayon ay matukoy ang bahagi ng populasyon na nagtataglay ng virus at kung paano ito haharapin.

Matapos ang paggawad kay Pangulong Duterte ng emergency powers at pagbubuo ng National Action Plan laban sa Covid-19, nanatiling walang malinaw na plano kung paano susugpuin ang pandemya. Sa katunayan, lalo pang pinagdiinan ang hakbang na militar kaysa hakbang na medikal sa pagtatalaga sa mga militaristang tulad nina National Defense Secretary Delfin Lorenzana, Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano at iba pang heneral na mamumuno sa naturang action plan.

Humarap muli si Pangulong Duterte sa madla noong Marso 30 at Abril 1. Pero wala pa ring malinaw na isinaad hinggil sa malawakang testing at iba pang medikal na paraan sa pagsugpo sa pandemya. Nangako siyang maglalaan ng P200-Bilyon para sa mga manggagawa at “informal sector.” Pero sa pagkakasulat ng artikulong ito, wala pang napapamahagi rito.

Samantala, inimumungkahi ng ilang opisyal ng rehimeng Duterte na isentro daw ang lahat ng mga donasyon sa Office of the Civil Defense. Ngayon pa lang, kumakalat na ang mga larawan ng sa social media ang pamamahagi ng National Disaster Risk Reduction Management Center ng PPEs sa mga ospital – sabay pahawak sa mga tumanggap ng karatulang “Thank You, Sen. Bong Go.”

Sa kabilang banda, gusto naman pakasuhan ng Presidential Anti-Corruption Commission sa National Bureau of Investigation (NBI) si Vice President Robredo sa mga aksiyon niya na “nakikipagkompetisyon sa” o “kalkuladong gustong pahinain” ang mga aksiyon ng rehimen hinggil sa pandemyang ito.

Exit mobile version