Hinintay mo ako sa huling sandali
Tulad ng paghihintay mo sa mga di ko pag-uwi
Humawak ka sa aking kamay
kahit papalamig na ang iyong katawan
Na para bang panatag ka na, tuwing ako ay nariyan.
Ang ating pagsasama’y di karaniwan
Di -tradisyunal, di maintindihan
Ngunit sa pagitan nating dalawa
ay malinaw ang mga batayan
Sa piniling landas ng buhay.
Di kita pansin noong una kitang makita
Maliit ka, di kaguwapuhan at banlag pa
Pero nang iduyan mo ako sa iyong mga tula
Ewan ko ba para kang nagmukhang tala.
Sabi mo pa noon
“ang pag-ibig ko sa iyo ay higit pa sa pambansang demokrasya”
Kinilabutan ako dahil labis na ito
Pero biglang pumihit ka at sinabing
Syempre, naman, may sosyalismo pa.
Parati kang nagbibiro, nagpapatawa
Kahit gusto na kitang sakalin sa lakas ng iyong pang-aalaska
“He finds humor in the most outrageous things” sabi nga ng aking
pamangkin
Tulad ng paghahanap ng kamera
Habang naka-suwero ka at oxygen.
Talaga namang kakaiba ang lalim at talas ng iyong pag-iisip
Malawak ang iyong pananaw at interes
At para kang encyclopedia
Inaaral mo nang buong giliw ang bawat gusto
Ma-pulitika man, siyensa, digmaan, kalusugan, kalawakan,
pati takbo ng kabayo sa Sta Rosa.
Hindi ka man tapos ng kurso,
kaya mong ituro nang buo
ang kurso ng lipunan at rebolusyong Pilipino
Sa paraang pakuwento –
walang notes, walang outline, walang visual aids.
Mag-aral ka, mag-aral ka ang sabi mo sa akin
Tigilan na ang sobrang youtube at telenovela
Lakbayin ang mundo, hindi lamang ni Mao,
gayundin nina Marx, Lenin at Engels
At hawakan nang mahigpit ang DM at HM.
Marubdob ka rin kung magbasa, magsulat, magsalin
Kahit gamit ay sulat-kamay o matandang typewriter
Nahilig ka man sa computer, ilang taon ka ring natulala
Nang sa isang iglap na-delete ang marami mong akda
Hindi lahat ng kaalaman mo ay halaw sa libro
Ang buhay mo ay buhay ng masa –
payak, kulang sa rekurso, walang pera
Nagtinda ka ng diaryo at sigarilyo
Kahit pa man sana NSDB scholar ka
Dahil problema pa rin kung paano makakarating sa eskwela.
Ginalugad mo ang mga komunidad para mag-organisa
Kumatok ka sa mga pagawaan para abutin ang mga unyonista
Naging tahanan mo ang maraming tahanan
Naging eskwelahan mo ang maraming picketline
Bumangka ka sa maraming huntahan
Lumobo ang iyong mga kasama at kaibigan
Nakipagtagisan ka ng talino
sa mga panatiko sa Luneta at Plaza Miranda
Nilaman ka ng mga rali at demonstrasyon
laban sa diktadura at mga imperyalista
Tinawid mo ang kabundukan
para malaman ang buhay ng mga pambansang minorya
At sa dami ng Dumagat sa bahay wala na akong mahakbangan pa.
Nahilig ka sa pagsasalin dahil mahina ka sa Ingles
Suki ka ng public libraries at kaulayaw
ay diksyunaryong English-Pilipino
Ayaw mong ipagkait ang yaman ng Marxismo
laluna sa mga manggagawa
Kaya sa wikang Pilipino ka nagsisimula
Buong buhay mo wala kang pinangarap
kundi ang paglaya ng uring ito
Ang pagpawi ng pagsasamantala at pang-aalipin
Hindi lamang ng uri sa uri, kundi ng tao sa tao.
Dumaan din ang panahon na inabot ka
ng lungkot, panghihinayang, pagkasiphayo
Kaya tuloy lalong kumita si San Miguel sa iyo
Timgin mo wala namang interesado sa mga salin mo
Liban sa mga anay, langgam, alikabok
Gagawin mo na sanang hanapbuhay ang pagsasalin
Papal encyclicals at Koran, di ka binayaran pala.
Pero nitong Mayo Uno, ang saya-saya mo
Kahit maysakit nabuhayan ka ng sigla
kumislap ang iyong mga mata
Nagbunyi ka sa pagkakaisa ng KMU at ng iba pa
Sana magtuluy-tuloy na, ang sabi mo
Sabay tanong sa akin: “naitabi pa ba ang aking mga salin?
Kaya pa ba irekober ang mga ito?”
Lihim akong natuwa
Ngunit sandali lamang pala
Dahil matutuldukan na ang iyong mga akda
Pero hindi ang iyong ala-ala sa akin.
Sa iyong pag-alis ay ibaon mo
Ang pangakong titipunun at aayusin ko
Ang lahat ng natitira mo pang salin
Upang sa darating na mga araw
Magsilbi ang mga itong pamana mo
Sa kasalukuyan at susunod pang mga henerasyon
Ng magigiting na anak ng bayan ng uring anakpawis.
Mabuhay ka, Ka Luis!
Evelyn
12 Mayo 2018, Quezon City