Site icon PinoyAbrod.net

Tuloy ang laban, Anna

Si Anna Kapunan, kasama si Clemente Bautista, international coordinator ng Kalikasan, at si Sister Mary John Mananzan, sa People’s Agenda Summit noong 2016. Mula sa Facebook ni Anna Kapunan

Panata namin na wag magbitiw ng luha sa pagpanaw ni Anna Kapunan, huwarang maka-kalikasan, matapang na makabayan, at mapagmahal na ina, asawa, at kaibigan, dahil mahigpit na tagubilin niya sa amin na wag maging malungkot sa kanyang burol.

Una naming nakilala si Anna sa isang piket sa harap ng DENR noong July 15, 2015. Kakatambak lang noon ng di kukulang 26 na container van ng basura mula Canada sa landfill sa Tarlac, at nagpasya ang Kalikasan, kasama ang BAN Toxics, AGHAM, at Bayan Muna na markahan ng protesta ito.

Naaalala naming kwento ni Anna samin na hindi daw pinaalam sa kanya ng mga kasamahan niya sa BAN Toxics na rally daw ang pupuntahan niya sa araw na iyon. Baka daw kasi allergic siya sa mga protesta sa lansangan.

Kahit kami ay nagulat noong dumating siya sa piket namin—sino itong mukhang mayumi at kagalang-galang na nilalang na biglang kasama na namin sa piket at matalas na tinatalakay na ang pananagutan ng Canada at ng Pamahalaan sa pagtatambak ng dayuhang basura sa ating sariling lupain?

Hindi ito ang huling makulay na surpresang ibibigay sa amin ni Anna. Malalaman nalang namin sa mga susunod na pagkakataon na antas-millenial ang pagka-kwela pala niya. Minsan, bigla nalang siyang makikipagkwentuhan (na may halong talakayan ng isyu at kampanya, syempre) sa aming opisina na may dala-dalang healthy na snacks—siguro dahil alam niyang luxury ito sa aming mga all-volunteer lang na aktibista, pero marahil dahil sadyang mapagkalinga lang talaga siya.

Nag sponsor din siya ng org shirts para sa Kalikasan dahil, sabi nga niya, nakailang press conference, rally, at lobbying sa Kongreso na kami kasama siya at nakikita niyang wala kaming ganito, kung ano lang ang masuot ng mga kasama. Maliit na detalye ng buhay sa pagkilos pero hindi kami nagsawang ipaalam sa kanya—at nais naming malaman ng lahat ng nakadaupang palad ni Anna—na nakapagpataas talaga ito ng morale at diwa sa amin sa Kalikasan.

Mayroon talagang paraan siya ng pakikibagay at pakikisalamuha sa mga tao—mula sa mga maralitang mangangalakal ng basura hanggang sa mga senador at bise presidente—na malamang nagmumula sa kanyang tunay na malasakit at mataas na diwa ng hustisyang panlipunan. Tiyak na mararamdaman mo iyan sa bawat kwentuhan, talakayan, at pagkilos na makakasama mo siya.

Mula noong piket na iyon sa DENR ay nagkaroon ang Kalikasan ng mahusay at hindi matatawarang katuwang sa pagharap sa samu’t saring krisis sa kapaligiran na dinadanas ng sambayanang Pilipino. Mula sa pagtambak na basura ng Canada at South Korea, hanggang sa pagtulong sa mga kapwa environmental defender na kumakaharap ng paglabag sa karapatang pantao, laging handa si Anna na maging kabahagi sa mga inisyatiba para dito.

Si Anna kasama ang mga aktibista ng Kalikasan, Center for Environmental Concerns, at AGHAM. Mula sa Facebook ni Anna Kapunan

Out-of-the-box magsuri si Anna sa mga isyung pangkalikasan dahil hindi niya nakikita ito bilang hiwalay sa mga magkakasalabat na problemang panlipunan at pampulitika na kinakaharap ng bansa. Nakikita niya na natatahi ang usapin ng polusyon at pagkasira ng kapaligiran sa mga galaw at galamay ng mga tiwali at mga mandarambong.

Hindi pangkaraniwan ang sigasig, pagkamalikhain, at pagmamalasakit ni Anna para sa kalikasan at sa sambayanan. Makikita mo ito kahit maging sa kung paano niya pinalaki ang mga anak niyang sila Daenna, Cheska, at Vito. Tiyak kami na ipagpapatuloy nila ang kanyang mga adhikain. Gayundin, tiyak kami na lahat ng mga naging kasama ni Anna sa mga laban para sa kalusugan, kalikasan, at karapatan ay huhugot ng inspirasyon mula sa kanyang alaala at legasiya.

Sa bawat hakbang namin pasulong, alam naming kasama ka pa rin naming tinatahak itong landas na bihirang tahakin. Tuloy ang laban, Anna.

Si Leon Dulce ang Pambansang Tagapagugnay ng Kalikasan People’s Network for the Environment. Binigkas ang talumpati na ito sa parangal na inorganisa ng mga naksama ni Anna sa mga kilusang pangkalusugan, kapaligiran, at karapatan noong January 14, 2019.

 

 

 

Want to read stories like this? Help us keep up continue writing about issues that matter.

The post Tuloy ang laban, Anna appeared first on Bulatlat.

Exit mobile version