Mula pa noong dekada 90, nagtuturo na ako. Ang part-time sa simula ay naging full-time din nang magkaroon ng bakanteng posisyon sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Marami sa mga itinuring kong “anak” sa loob ng klasrum ay may mga sariling anak na rin. Kaya nga sa pagputi ng buhok ko sa pagtuturo, mistulang “lolo” na talaga ako!
Bagama’t pangunahin kong pinagkakakitaan ang pagtuturo, hindi ko kailanman tinalikuran ang peryodismo na siyang kurso ko noon sa kolehiyo. Sa katunayan, ang mga nauna kong trabaho sa mga non-government organization (NGO) ay may kinalaman sa tinapos kong kurso. Naging manunulat at patnugot ako ng iba’t ibang publikasyong inilimbag ng Council for People’s Development (CPD) at IBON Foundation. At sa kasalukuyan kong pagtuturo sa UP Diliman, kasabay nito ang pagtulong ko sa mga alternatibong organisasyong pang-midya tulad ng Bulatlat, Pinoy Weekly at Kodao Productions.
Kung mayroon man akong natutuhan sa mahigit dalawang dekadang pagtuturo ng peryodismo, ito ay ang pangangailangang pumaloob sa mismong propesyon para direktang maibahagi sa mga estudyante ang kalagayan ng midya. Mas nagiging makatotohanan ang mga diskusyon sa klase kung naibabahagi ng guro ang kanyang karanasan. Hindi lang kasi natatali sa teorya ang mga pinagninilayan dahil may naihahalo ring praktika.
Paano ba sumulat ng isang balita o editoryal? Ano ba ang kailangang gawin para makumbinsi ang mga nais mainterbyu na magbigay ng pahayag? Saan kaya pinakamainam magtrabaho bilang peryodista?
Paano. Ano. Saan. Ilang praktikal na tanong para mapahusay ang kakayahan sa peryodismo. Pero higit pa sa mga importanteng tanong na ito, kailangan ding sagutin ang pundamental na usapin sa peryodismo: Bakit ba natin ginagawa ito?
Bakit nga ba? Patuloy pa rin kasi ang pagtatrabaho sa kabila ng mga banta sa buhay at kabuhayan. Hindi natatapos ang trabaho sa pagsusumite ng mga ginawang akda dahil kailangan pang makipag-ugnayan (o makipagbangayan kung kinakailangan) sa ilang social media user (o trolls) na may mga tanong (o patutsada) tungkol sa mga nangyayari sa lipunan. Paminsan-minsan, kinakailangan ding literal na lumabas ng opisina o bahay para magmartsa’t ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag na patuloy na sinisikil ng mga nasa kapangyarihan.
Sa aking palagay, mas epektibong nasasagot ang tanong na “Bakit?” hindi ng salita kundi ng gawa. Tungkulin ng sinumang nagtuturo ng peryodismo na magpakita ng tamang halimbawa sa mga estudyante. Patunayan niyang kayang makapag-ulat sa kabila ng kultura ng walang pakundangan (culture of impunity). Ipakita niyang handa siyang lumaban para sa kalayaan sa pamamahayag. Mangako siyang hindi mangingiming manindigan kahit na nangangahulugan ito ng pagbangga sa mga nasa kapangyarihan.
Kung kailangang mataas ang pamantayan ng peryodismo, kailangan ding mataas ang pamantayan ng pagtuturo nito. Tandaan nating ang pag-uulat ay pinagsamang pag-uungkat at pagmumulat. Layunin ng interpretasyon ng datos hindi lang ang pagpapasimple kundi pagpapalalim at pagpapatalas. Hindi biro ang paghuhubog ng opinyong pampubliko lalo na sa panahon ng misimpormasyon at disimpormasyon. Higit na kinakailangan ang peryodismong nagtataguyod ng katotohanan sa sitwasyong ibinabandera ng mga nasa kapangyarihan ang kasinungalingan.
Sa panahon ng kadiliman, etikal na obligasyon ng mga mamamayan ang lumaban. Hindi na uubra ang pagiging “neutral” diumano ng isang peryodista dahil dapat lang na iwaksi ang hindi katanggap-tanggap. Ang pagsisinungaling ay pagsisinungaling. Katotohanan lang ang dapat na iulat para tamang impormasyon lang ang nalalaman ng publiko.
Sa panahon ng kasinungalingan, bahagi na ng trabaho ng peryodista ang manindigan hindi lang para sa katotohanan kundi para sa kalayaan sa pamamahayag. Estudyante pa lang, sadyang kailangan makondisyon ang utak para sa mas matitinding hamon sa hinaharap.
Sana nama’y tugunan ng mga guro ng peryodismo ang ganitong hamon.