Ni RENE BOY ABIVA
Halos araw-araw kung tipunin ng dibdib ng langit
ang sumisilakbong alyenasyon ng bakal na mundo;
halos gabi-gabi’y nais niyang pakawalan
ang mga pumailanlang na tibok ng puso
at hininga na mula sa bunganga ng mga dukha
sa lupit-bangis-lalim ng dilim
na animo’y lalamunan ng nilulumot-inaamag na balon;
at walang sandali na ‘di niya ninais na maging kaisa
ng mga nakakuyumos na kamaong gamundo
ang tangis at paghihimagsik
laban sa kalam ng tiyan at balasik ng puhunan;
at sa sandaling maganap ang hinihintay niyang sandali
-ang tag-ulan-
ay tiyak pakakawalan niya ang malamig na butil ng tubig
na nagkukuta sa bukal ng partenon
at walang kapangimi-pangimi niya itong ihahandog
sa mga lumang tapayan na siyang magsisilbing kalis
sa sentro ng sabsabang yari sa basura;
habang ang mga alitaptap na may hawak na sulo
ay lilipad-iindayog sa saliw ng kanyang banayad-madulas
ngunit mabigat-puno ng bagwis at pisik
na ganting-salakay.
The post Ulan-Dagitab appeared first on Bulatlat.