Site icon PinoyAbrod.net

#UniPakCampout | Amnie, tagasilid ng isda sa lata

Kalaki ng ngiti ni Kris Aquino sa mga advertisement niya sa Uni-Pak Sardines, ngunit sa kabila naman nito ay ang nakalulungkot ngayon na kalagayan ng mga manggagawa nito.

Ang Slord Development Corporation (o tinatawag na Slord ng mga manggagawa) ay kumpanya pagawaan ng mga sardinas na pinagmamay-arian ni Pedro Yap at isa ang Uni-Pak Sardines sa sikat na sikat nilang produkto. At katulad ng mga isda na ipinapasok nila sa mga lata ay ang malalansang kalagayan ngayon ng mga manggagawang kontraktwal at ang 44 sa kanila na tinanggal sa trabaho.

Isa ang 44 taong gulang na si Amnie de Pablo sa mga tinanggal na manggagawa ng Slord. Sa kabila ng 18 taon niyang pagtatrabaho sa nasabing pagawaan, ni minsan ay hindi siya naging regular dito.

Pagsisilid ng mga isda sa lata ang partikular na trabaho ni Amnie at hindi niya alintana ang buong hapong pagtatrabaho mula 7:30 ng umaga makuha lamang ang kanyang sweldo na P 370 lang kada araw. Mababa ito sa nakatakdang minimum wage sa National Capital Region na P 512, at mas mababa pa nga ang minimum wage sa tantyang P 1,038 na kailangan ng isang pamilya na may anim na myembro para mabili man lang ang kanilang mga batayang pangangailangan sa araw-araw.

Sa loob ng 18 taon, tumaas man ang sahod ni Amnie ay sadyang bahagya lang at napakaliit nito sa suma.

“Unang pasok ko diyan noong 2000 ay P 125 yung sahod ko kada araw, hanggang sa naging P 150, tapos naging P 240, naging P 280, hanggang ngayon na P 370 na ay talagang kulang na kulang parin,” hinaing ni Amnie hinggil sa mababang pasahod sa kanilang mga manggagawa.

Kung minsan pa’y napapasubo pa sila sa mga panganib, ayon kay Amnie ay mayroon siyang mga kasamahan na nadudulas at naiipit sa makina. Dinadala nga sa pagamutan, ngunit agad ding iniiwan ng kumpanya.

Problema na nga sa mga manggagawa ang mababang pasahod ay wala rin silang SSS, Philhealth at PAG-IBIG. Sila rin ang bumibili ng kanilang uniporme na dapat ay sagot ng management ng pagawaan.

Idagdag pa ang napakainit nilang lugar-pagawaan, ni walang ventilation, kwento ni Amnie.

Wala ring nagiging tugon ang management tuwing nagkakasakit ang mga manggagawa. Mayroong pa silang patakaran na suspended agad kapag ikaw ay umabsent ng walang paalam.

Simula noong May 10 ay tinanggal ang 44 na manggagawa ng Slord ng wala man lamang abiso o notice sa kanila. Diumano ito raw ay dahil sa pagsali ng ibang mga manggagawa sa mga rally at sa kabuuan naman ito raw ay dahil sa pagpoprotestang isinagawa ng mga manggagawa hinggil sa mga ‘di makataong patakaran na umiiral sa loob ng pagawaan. Kinabukasan ng kanilang pagkatanggal ay sinubukan pa rin ng mga manggagawa na pumasok sa trabaho, ngunit hindi na talaga sila pinahihintulutan hanggang sa tarangkahan ng Navotas Fish Port Complex. At taliwas pa sa ginagawa ng management ang sinasabi nito na hindi naman tanggal ang 44 na mga manggagawa, pero hindi naman pinapapasok sa trabaho.

“Sinasabihan pa kaming ‘Happy Ending’ na lang daw, yung bang ibebenta na lang namin yung laban kasi babayaran na lang kami,” kwento ni Amnie ukol sa alok ng management sa mga natanggal na manggagawa.

Sa ngayon ay napagpasiyahan nilang magtayo ng kampuhan upang iprotesta ang ginawa ng management at upang ipakita ang patuloy nilang paglaban para sa kanilang karapatan.

“Nasaksihan ko na rin yung pag-unlad ng Slord na ‘yan na dahil din naman sa aming mga manggagawa. Ang gusto lang naman namin ay maibalik kami sa trabaho at maging minimum man lang ang sahod.” panawagan ni Amnie.

The post #UniPakCampout | Amnie, tagasilid ng isda sa lata appeared first on Manila Today.

Exit mobile version