Site icon PinoyAbrod.net

#UniPakCampout | Kalagayan ng mga manggagawang kontraktwal sa Uni-Pak Sardines

Iligal na tinanggal ang 44 na manggagawa ng Uni-Pak Sardines sa ilalim ng Slord Development Corporation o Slord noong Mayo 11. Ayon sa mga manggagawa, ito ay dahil sa ginawa nilang protesta tungkol sa nauna pang natanggal na mga kasamana ng wala man lamang kahit anong memo o notice. Tungkol din umano ito sa paghahain nila ng reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE) na nagtulak sa ahensya ng gobyerno na inspeksyunin ang pagawaan.

Ang Slord ay pinagmamay-arian ni Pedro Yap. Ang kumpanya ay isang toll packer—nagdedelata sila ng mga sardinas ng ibang brand, pero pangunahin nilang produkto ang sariling brand na Uni-Pak Sardines. Kasama sa mga produkto nila ang delatang sardinas, mackerel na ini-import pa, bangus, pusit, green peas at tausi. Is-lord kung bigkasan ng mga manggagawa ang pangalan ng kumpanyang halos tatlong dekada nilang pinagsilbihan.

Ang Uni-Pak ng Slord ay kilalang tatak ng sardinas na pangunahing ineendorso ng celebrity at dating number one endorser at binansagang Queen of All Media, anak at kapatid ng mga dating pangulo ng bansa na si Kris Aquino. Milyun-milyon ang tantya ng mga manggagawang ibinabayad kay Kris Aquino sa pag-endorso sa sardinas. Malayong-malayo ito sa P370 na sinasahod kada araw ng ‘extra regular’ at P350 sa ‘extra’ sa pagawaan ng Slord. Noong Oktubre 2017, nasa P280 at P 320 lamang ang sahod ng mga extra at extra regular.

Pinromote din ni Aquino ang Uni-Pak sa kanyang online show na ‘Heart to Heart.’ May dalawang episode ang nakalaan dito, habang wala pang programa sa telebisyon si Aquino. Sa isa sa dalawang Youtube videos, nag-tour si Aquino sa pagawaan ng Uni-Pak kung saan pinakita itong napakalinis at napakadaling proseso ng trabaho ng mga manggagawa. Tila ito isang restaurant na kita mo sa salamin na harang kung paano ginagawa ang delatang sardinas, kung kaya’t sabi rin ni Aquino sa tour ay malalaman mong malinis ang pagkakagawa.

 

 

At sa isa pang video ay sinabi naman ni Aquino sa caption na 80% porsyento ng mga manggagawa ay kababaihan kung kaya’t ito’y isang porma ng women empowerment.

 

 

Mapapakulubot ka ng ilong sa pagkabasa noon, na tila may malansang amoy na biglang humalo sa hangin. Lalo kung natanto mo na ang tunay na kalagayan ng mga manggagawa sa Slord kung makausap mo mismo ang mga manggagawa nito.

Mahirap siguro ang pusisyon ng mga nag-eendorso sapagkat kailangan—o kinakailangan ba talaga—buong-buong iendorso ang produkto, pati kumpanya nito, pagawaan nito at patakaran sa mga manggagawa. Mahirap kung kakarampot lang ang alam, lalo pa’t sadyang tinatago ng Slord ang kalagayan ng mga manggagawa.

Ilan sa mga dinadaing ng mga manggagawa mula sa Uni-Pak ay ang pagiging kontraktwal nila sa kabila ng deka-dekada nilang pagtatrabaho. Nasa 500 ang manggagawa sa pagawaan, pero nasa 150 lang ang regular.

Ang mga kontraktwal ay nahahati pa sa dalawang kategorya—ang extra at extra regular. Parehong walang kontratang pinirmahan ang manggagawa sa dalawang kategorya. Ang kaibahan lang ay tiyak ang mga araw ng pasok ng mga extra regular, habang ang mga extra ay pumipila sa pagawaan para makakuha ng trabaho sa araw na iyon. Isa pang kaibahan ang P20 na agwat ng kada araw na sahod sa kanila.

Kalakhan ng mga manggagawa ay filler ng delata, o iyong pumipili ng isda at nagsisilid nito sa delata.

Anila, masakit sa sikmura ang pagpapamili ng isdang may formalin na galing sa steamer. Kailangan nilang amuyin ang bulok. Hindi ito natatagalan o nakakayanan ng mas nakababata o mas bagong mga manggagawa. Nakakasulasok ang amoy, pero buong araw nila itong ginagawa. Ang mga manggagawa pa ang bumibili ng mga personal protective gears tulad ng bota (P240), gloves (P80), cap (P50) at iba pa.

Perwisyo rin sa mga manggagawa ang hindi pagkakaroon ng mga benepisyo kagaya na lamang ng SSS, Philhealth at PAG-IBIG. Sila ang gumagastos kapag nagkakasakit. Kinakaltas din sa mga manggagawa ang P560 para sa annual medical check-up. Kapag naman nabubuntis ang kababaihan, agad silang tatanggalin sa trabaho.

Humigit kumulang 12 hanggang 14 oras ang pasok ng mga manggagawa, ngunit sa kabila nito ay hindi sila nagkakaroon ng meal break. Kung meal break ay wala, lalo pang wala ang maternity leave, sick leave o solo parent leave.

Dagdag pa ang hindi pagkakaroon ng 13th month pay, holiday pay, separation pay at ang 30% na dagdag sahod tuwing pinapapasok sila ng Linggo na tinuturing na rest day.

Sinikap ng mga manggagawa na ilantad ang masahol na kalagayan sa paggawa sa tuwing nagkakaroon ng inspeksyon ang DOLE. Upang ‘mapabango’ ang kanilang pangalan ay may mga eksenang tinuturuang magsinungaling ng management ang mga manggagawa at sabihing nakakamit nila ang minimun na sahod. Itinago rin ang mga kontraktwal sa araw ng inspeksyon. Sa unang serye ng inspeksyon ng DOLE noong Agosto 2017, upang hindi ma-interview o makita ng DOLE ang mga manggagawa ay pinasakay ng management ang mga manggagawa sa closed van para pauwiin sa kasagsagan ng ulan at baha.

Noong Hunyo 18, nagtayo ng kampuhan sa tarangkahan ng Navotas Fish Port Complex ang mga manggagawa upang iggiit ang kanilang mga makatarungang hinaing: maibalik sa trabaho, makamit ang minimun na sahod na naaayon sa batas at ang pagiging regular ng mga kontraktwal.

Naglunsad naman ng mandatory conference sa DOLE-CAMANAVA noong Hunyo 25 hinggil sa hinaing reklamo ng mga manggagawa sa Slord. Muling nag-alok ng “happy ending” o financial assistance ang management ng Slord sa 44 na manggagawang tinanggal. Hindi ito bahagi ng agenda ng hearing. Pilit na kinumbinsi ng management ang mga manggagawa na tanggapin na lang ang alok na areglo dahil mahaba umano ang proseso ng kaso at mabagal ang justice system sa bansa. Hindi ito tinanggap ng mga manggagawa dahil para sa kanila mawawalang saysay ang kanilang ipinaglalaban na mabago ang sistema sa loob ng pagawaan.

Sa harap ng patuloy na pagsasamantala sa mga manggagawa ay pinili nilang tumindig at lumaban para sa kanilang karapatan. Sa kabila ng pagkakaila sa kanilang kalagayan at sa kanilang karapatan, tuloy pa rin ang mga manggagawa sa pagsusulong sa kanilang karapatan.

The post #UniPakCampout | Kalagayan ng mga manggagawang kontraktwal sa Uni-Pak Sardines appeared first on Manila Today.

Exit mobile version