Site icon PinoyAbrod.net

#UniPakCampout | Roseta, filler sa pagawaan ng sardinas

Dalawampu’t pitong (27) taon na ang nakakalipas mula nang magsimulang magtrabaho si Roseta Mahusay sa loob ng Slord Development Corporation o Slord.

Tubong Masbate at napadpad lamang sa Maynila, hindi siya nakapagtapos ng elementarya. Grade 4 lang ang kanyang inabot. Mag-isa lamang siya sa buhay at tanging ang kanyang mga kapatid lamang ang natitirang mga kapamilya.

Sa loob ng 27 taon niyang paninilbihan, hindi niya inakalang mapapabilang siya sa 44 na manggagawang illegal na tinaggal ng naturang kumpanya, sa kagustuuhan ng mga manggagawang magbuo ng samahan na magtataguyod ng kanilang karapatan. Sa pagpapanawagan na magkaroon man lang ng minimum na sahod na tinakda ng batas.

Mula nang mapadpad siya sa Maynila noong 1991, tinanggap niya ang pagiging filler sa Slord sa sahod na P 65 kada araw. Umabot lang ng P 305 pesos ang inunlad ng kanyang sahod sa loob ng dalawang dekada. Tumatanggap lang siya ng P 370 kada araw bilang ‘extra regular’ sa kumpanya.

Sa section ng filler, sila ang nagsisilid ng mga isda sa loob ng mga lata. Sila rin ang nagtitiyak ng mga isdang dumadaan sa conveyor mula sa steamer, sinisigurong walang bulok na isda ang maisasama sa lata.

Inaamoy nila isa-isa ang mga dumaraan na isda sa conveyor upang tiyakin ang kalagayan nito—kung nabubulok o sariwa. Minsan sa sobrang lansa ng mga isda ay nahihilo sila at nagkakasakit. Sa halip bigyan ng gamot, paninita lamang ang nakukuha nilang sagot sa mga supervisor ng Uni-Pak.

Walong oras nila itong ginagawa. Walong oras nilang nilalanghap ang malansang kalagayan sa loob ng pagawaan ng Uni-Pak Sardines.

Sa loob ng 27 taong paninilbihan, wala siyang mga benipisyong natanggap. Sarili pa nila ang mga uniporme. Kaltas sa sahod ang kanilang pang-medical. Hanggang noon lamang Setyembre 2017, P320 lang ang sahod nilang mga extra regular. Dalawang bonus lang ang kanyang nakuha. Walong lata ng sardinas ang kanyang natatanggap tuwing pasko.

“Kung  hindi pa naming sinugod ‘yun hindi kami bibigyan ng bonus. Dalawang beses palang kami nabigyan” ani Roseta.

Saksi at naranasan niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga manggagawa ng Uni-Pak. Isa siya sa nakaramdam ng pananamantala. Nakiisa siya sa laban ng 44 na manggagawa ng Slord na ngayon ay nagtayo ng picket line upang ipanawagan ang kanilang mga hinaing.

Hangad lamang niya ay maibalik sila sa trabaho at mabago ang malansang sistemang umiiral sa loob ng pagawaan ng sardinas.

The post #UniPakCampout | Roseta, filler sa pagawaan ng sardinas appeared first on Manila Today.

Exit mobile version