Matagumpay ang pelikulang Parasite ng Koreanong direktor na si Bong Joon-Ho, na lumabas nitong 2019. Tumabo ito sa takilya sa mga abanteng kapitalistang bansa, pinupuri ng maraming kritiko, at naging usap-usapan sa social media. Kahanga-hanga ang lahat ng ito dahil Koreano ang pelikula, at tiyak na sa pamamagitan ng subtitles ito naintindihan ng maraming nanood.
Ayon kay Bong Joon-Ho, ito ang kanyang “pelikulang hagdan,” tungkol sa taas at baba ng lipunan. Katugma naman ito ng pagbasa ng marami na tungkol ang pelikula sa kalagayan at ugnayan ng mga uring panlipunan, ng mayaman at mahirap sa pangkalahatan. Dahil diyan, nagustuhan at naging paborito ito ng maraming progresibo. Halong comedy at thriller ito, pero seryoso ang komentaryo.
Interesante ang pag-iiba ng kritikong pampelikulang si Richard Bolisay sa pagitan ng rebyu at kritisismo sa pelikula. Sa una, aniya, ipinagpapalagay na hindi pa nakakapanood ang mambabasa, kaya payak ang wika at may layuning manghikayat na manood. Sa ikalawa, ipinagpapalagay na nakapanood na ang mga mambabasa at nagbabasa sila para “paunlarin ang kanilang pag-unawa.” Baka sa ikalawa nakahanay ang susunod; ibig sabihin, spoiler alert.
Nagkakaisa ang marami na tungkol ang Parasite sa tunggalian sa pagitan mismo ng mahihirap, sa kagustuhan nilang maempleyo ng mayayaman at makinabang at kumita sa huli. Malinaw ang mga maniobra ng mahirap na pamilya Kim para makuha ang lahat ng trabaho sa bahay ng mayamang pamilya Park, habang nagpapanggap na hindi sila magkaanu-ano: mula sa kaunting pagsisinungaling hanggang lubusang pagsisinungaling, pag-imbento ng kasalanan, paglalagay sa panganib ng buhay ng iba, at pagpeke ng ebidensya.
Sa halip na humupa ang tunggaliang ito matapos ma-empleyo ang pamilya Kim ay tumindi pa ito. Natuklasan ng pamilya Kim na ang babaeng dating kasambahay ay may itinatagong asawa, si Geun-sae, sa bunker sa ilalim ng bahay. Natuklasan naman ng dating kasambahay na galing pala sa iisang pamilya ang lahat ng bagong empleyado ng pamilya Park. Umabot sa pisikalan ang labanan, sa pagkamatay ng dating kasambahay at sa muntikang pagkamatay ng anak na lalake ng pamilya Kim.
Sa ganitong antas, tila ang mga luma at bagong empleyado ng pamilya Park, ang mahihirap, ang siyang parasitikong tinutukoy ng titulo ng pelikula. Pasakalye sa porma: sa pagtalakay sa temang ito, ang Parasite ang tipo ng pelikulang pwedeng ipalabas sa mga bus na pumapasada sa Edsa, iyung kahit hindi mo marinig ang sinasabi o mabasa ang subtitle, at may mga humaharang-harang na ulo at kamay sa screen, hahatakin ka ng kwento at masusubaybayan mo. Ganoon siya kagaling.
Pero hindi lang tunggalian ng mahihirap ang ipinakita ng pelikula; ipinakita rin nito ang mas malaking tunggalian sa pagitan ng mayayaman at mahihirap. Dito, mas mapapahalagahan ang galing ng pelikula kung mababasa ang subtitle at mapapansin ang mga pinong detalye na hindi madaling makita sa kapana-panabik na takbo ng kwento.
Pangunahin sa mga detalyeng ito ang pagkaadwa ng mayayaman sa mahihirap, partikular sa usapin ng amoy. Isang beses, mapaglarong inamuy-amoy ng batang anak ng pamilya Park ang bagong kasambahay at ang bagong drayber, at sinabing pareho sila ng amoy. May eksenang ipinapakitang naaalibadbaran si Mr. Park sa amoy ng drayber niyang si Mr. Kim, pero tawagin nating Mang Kim bilang pananda ng uri. At sa isang pagkakataon, narinig mismo ni Mang Kim sa bibig ni Mr. Park ang saloobin nito: na bagamat “hindi tumatawid sa linya” – nasa lugar, magalang, hindi bastos – si Mang Kim bilang drayber, “tumatawid sa linya” ang amoy nito. Nababahuan siya kay Mang Kim.
Hindi lang yaman at kapangyarihan ang kaibahan ng mayayaman sa mahihirap. Sa maraming dekada nilang pagiging mayaman, may nabuo na silang pandama – o “pang-amoy” sa masaklaw na pakahulugan – para mapag-iba ang kauri sa hindi. Ang akala ng mga nasa panggitnang uri, sapat na ang magbihis at kumilos na parang mayaman para makahanay at makabagay sa kanila. Pero mayroong mga pananda ang mahihirap, lalo na sa mata ng mayayaman, na nagpapakita ng kaibahan: isa na nga ang amoy – pero nariyan din ang kutis ng balat, ayos ng ngipin, punto ng pananalita lalo na ng Ingles, gaspang ng kamay at paa, kostumbre sa pagkain at marami pang iba pa.
Bukod pa diyan, sa ilang eksena sa pelikula, “inilagay sa lugar” ni Mr. Park si Mang Kim na nagtatangkang makipag-usap nang personal o maging malapit. Isang beses, pinaalalahanan niya itong tumutok sa pagmamaneho. Sa isa naman, pinaalalahanan niyang may bayad ang hinihingi niyang tulong. Sarado ang personal na buhay ng mayayaman para sa mahihirap.
Sentral ang papel ng “amoy-mahirap” sa rurok na parte ng kwento sa pelikula. Nagkagulo sa party na idinaos ng pamilya Park sa malawak nilang hardin: matapos umahon mula sa bunker si Geun-sae ay tinungo niya ang party at sinaksak sa gitna nito ang anak na babae ng pamilya Kim, na inalalayan naman ni Mang Kim. Matapos magpambuno, nasaksak at napatay naman ni Mrs. Kim si Geun-sae.
Sa gitna ng kaguluhan, ginusto ni Mr. Park na itakbo sa ospital ang batang anak niyang nahimatay. Pagalit niyang inutusan si Mang Kim at tinanong kung bakit kanlong nito ang sinaksak na art teacher-therapist ng anak niya, na lingid sa kaalaman niya ay anak ni Mang Kim. Nang hindi bumitaw si Mang Kim, hinanap niya ang susi ng kotse.
Napunta sa ilalim ng duguang bangkay ni Geun-sae ang susi. Nang ipaling ito ni Mr. Park para kunin ang susi, nagpakita siya ng pagkaasiwa sa amoy, nabahuan siya at tinakpan ang ilong – na nakita ni Mang Kim. Sa puntong ito tila tumigil ang mundo ni Mang Kim, naglagot siya, iniwan ang duguang anak at sinaksak sa puso si Mr. Park.
Sa bahaging ito ng pelikula, mabilis ang takbo ng pangyayari at maraming nagaganap. Mahalagang namnamin ito para makita ang punto ng mga kaibigang Bomen Guillermo at Neen Sapalo sa isang pag-uusap: mayroon ding malinaw na tunggaliang mahirap bersus mayaman sa pelikula, maaaring mas malalim pa nga sa mahirap bersus mahirap.
Una, sa pagpapahalaga ni Mr. Park sa buhay ng sariling anak, nakita ni Mang Kim ang pagbalewala nito sa buhay ng anak niya. Hinimatay lang ang nauna habang duguan – at malalaman pagkatapos, tuluyang namatay – ang ikalawa.
Ikalawa, at dito mahalaga ang kalinawan, ang naamoy ni Mr. Park nang magpakita siya ng pagkaasiwa ay hindi sinuman sa pamilya Kim, kundi si Geun-sae, na bagamat nakatira sa bunker ng bahay niya ay hindi niya kilala. Tiyak, balewala ito kay Geun-sae: patay na siya at hindi niya alam ang kwento ng makauring pang-amoy ni Mr. Park.
Pero ang pagkaasiwa ni Mr. Park sa amoy ni Geun-sae, inangkin at inako ni Mang Kim na insulto sa kanya. Hindi ito matanggap ni Mang Kim, kaya sinaksak niya si Mr. Park. Magandang pag-isipan ang mga posibleng dahilan kung bakit; puno ng kabuluhan ang nangyari. Sa kabila ng kaguluhan at kamatayan, nagawa pa ni Mr. Park na ipakitang nababahuan siya sa amoy ng mahihirap. Ibig sabihin, ganoon katindi ang reaksyon niya sa naturang amoy.
At ang napakasakit para kay Mang Kim: sa pang-amoy ni Mr. Park, pareho lang sila ni Geun-sae. Siyang naghirap magkatrabaho, nagtatrabaho nang matapat, at relatibong umaangat na ang buhay, kung tingnan ng kanyang employer ay katulad lang din ng parasitikong nagnanakaw ng espasyo, pagkain, kuryente at tubig sa bahay niya – katulad lang din ng isang di-nakikitang palamunin. Masakit ang pagkawasak ng ilusyon niya na naiiba siya, kung hindi man nakakaangat, kay Geun-sae. Nagpuyos sa galit si Mang Kim: halos ipagpatayan niya ang pagtatrabaho kay Mr. Park pero, sa dulo, may hangganan ang paglapit niya rito at nababahuan ito sa kanya.
Iyung naamoy noong una ng batang anak ng pamilya Park ay hindi lang pala amoy ng pamilya Kim, gaya ng inakala nila dahil nakatira sila sa basement ng isang gusali, kundi amoy rin ni Geun-sae, na matagal nang nakatira sa bunker dahil nagtatago sa mga pinagkakautangan. Hindi ito sikretong amoy ng pamilya Kim, kundi pinagsasaluhan nila kay Geun-sae – at markado ni Mr. Park. Hindi lang ito amoy ng isang pamilya, kundi ng isang tipo ng tao, ng isang uring panlipunan.
Sa ganito, nagbibigay ang Parasite ng kakaibang paglalarawan, hindi siguro ng mulat na pagkakaisa, kundi ng obhetibong pagkakaisang-hanay, ng masang anakpawis. Sa takbo ng kwento, kinakatawan ng mga pamilya ni Geun-sae at Mang Kim ang masang anakpawis, bagamat mas nakakaangat ang huli.
Sa pelikula, ang pagkakaisang-hanay na ito ay inuudyok hindi ng pagmamahalan o anumang positibong damdamin ng masang anakpawis sa isa’t isa. Sa halip, itinutulak ito ng malupit na pagkamalay sa pagkakapareho ng pagturing-pangmamata – at sabihin pa, kaapihan at atake – na dinaranas sa kamay ng mga naghaharing uri. Hindi malasakit kay Geun-sae ang nagtulak kay Mang Kim na patayin si Mr. Park, kundi ang pagkainsulto sa tiningnan niyang pagtutulad sa kanya rito. Pero sa dulo, waring naipaghiganti ni Mang Kim si Geun-sae mula sa pang-iinsulto ng komun na kaaway.
Sa aspeto ng pagkainsulto dahil naituring ng mayayaman na katulad lang ng nakakababang uri, maaaring pasaklawin ang katotohanan ng Parasite mula sa masang anakpawis hanggang sa uring petiburgis. Naitulak at maitutulak din ang uring petiburgis sa pagkagalit sa naghaharing uri sa mga pagkakataong itinuring ito, o ang mga elemento nito, na katulad ng nakakababang mga uri.
Ang ipinakitang pagkaasiwa ni Mr. Park, inakong insulto ni Mang Kim. Pero, at narito ang isa pang mahusay sa Parasite, hindi mulat na insulto na may layuning mangmaliit, magpahiya o mangmalisya ang ipinakita ni Mr. Park; kumilos lang siya batay sa pang-amoy ng uri niya. Hindi niya ginustong mangmaliit ng nakabababang uri; kumilos lang siya batay sa ugali ng uri niya; at sa gayon ay minaliit niya ang nakakababang uri. Ganoon talaga; sabi nga ng isang manggagawang Marxistang ikinwento ni Terry Eagleton, “ang mga takore, kumukulo; ang mga uri, nagtutunggalian.”
Makikita rin ang tema ng ekonomiya bersus kultura. Malay ang lahat ng mahihirap sa pelikula na naiiba ang pang-ekonomiyang katayuan nila sa pamilya Park – at tanggap nila ito, wala silang problema rito. Pero nagkaroon ng bitak ang pagtingin ni Mang Kim sa kanyang employer nang malaman at makita niya ang kakaibang pagtingin nito sa kanya – sa kanyang amoy, partikular, sa antas-kultura, bagamat nagmumula sa ekonomiya. Ang mas nakakarami, tanggap ang pag-iral ng pang-ekonomiyang elite, pero maaasahang magalit at magwala kapag nakakita ng elitismo, sa makitid na pangkulturang kahulugan.
Pamosong giit ni Vladimir Lenin sa What is to be done? [1902] na kailangang itaas ang pang-ekonomiyang pakikibaka ng mga manggagawa sa pampulitikang pakikibaka – sa usapin ng paghawak sa kapangyarihan ng Estado. Mahalagang suriin kung paanong naiuugnay sa dalawa ang mga pangkulturang pakikibaka, kung pwedeng tawaging ganyan, na nagaganap sa ating panahon.
Sa ganitong konteksto mainam suriin ang rebyu sa pelikula ni Eileen Jones ng Jacobin, magasing nagpapakilalang sosyalista. Aniya, “Kung ang Parasite ay ituturing na isang pelikula na maibubuod sa isang sosyalistang pangaral o mensahe, o alegorya, mabibigo ito, dahil magmumukha itong masyadong simple o tahas.” Pangkutya raw ni Bong Joon-Ho ang laging sinasabi ng anak na lalake ng pamilya Kim: “Napaka-metaporikal!” o “Napaka-matalinhaga!”
Ang diniinan ni Jones, ang mahusay naman talagang literal na pagtalakay ng pelikula sa kaibahan ng katayuan ng mayayaman at mahihirap, at sa pangmamata ng una sa huli. Sabi pa niya, “Walang pagkakaisa ng manggagawa rito, malinaw – isa itong matinding labanan sa pagitan ng nagtatrabahong mahihirap, naglalabanan para sa mumo mula sa mesa ng mayayaman.”
Taliwas dito, mahalagang igiit: sentral rin sa pelikula ang tunggaliang mahirap bersus mayaman; katunayan, dito rumurok ang pelikula. May “mensahe” ito na kapaki-pakinabang sa mga sosyalista, bagamat hindi simple o tahas. Bagamat batbat din ng krisis ang Amerika, mas sintomas ang pagbasa ni Jones ng isang konteksto kung saan relatibong istable ang pandaigdigang sistemang kapitalista, “sa sinapupunan ng halimaw,” matindi ang pagkamalay sa pangkulturang kaibahan ng mga uri pero mahina ang pagkamalay sa maigting na tunggalian nila sa dominanteng pakahulugan nito – sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, ng mga uring naghahari at pinaghaharian.
Bagamat naganap ang rurok ng pelikula sa brutal na pagkamalay ni Mang Kim na sa pananaw ni Mr. Park ay kahanay lang din siya ng isang parasitiko, totoo rin ang siniping pahayag ni Jones, bagay na tiyak na ramdam sa Amerika pero maging sa ibang bansa: “Pag-asa ang emosyonal na parasitiko sa pelikula: ang bagay na nagtutulak sa ating magpunyagi pero lumalaspag sa atin.” Pag-asa nga, sa pang-ekonomiya at pangkulturang pag-angat sa loob ng namamayaning sistema.