Site icon PinoyAbrod.net

Usapang babae

Naniniwala ka pa bang mas mababa ang kinikita ng kababaihan kumpara sa kalalakihan?

Ayon sa pinakahuling pag-aaral ng PayScale tungkol sa kaibahan ng sahod ayon sa kasarian (gender pay gap), nakakakuha lang ng US$0.78 ang babae sa bawat US$1.00 na kinikita ng lalaki. At sa isang sitwasyon daw na ang babae’t lalaki ay may parehong kwalipikasyon tulad ng antas ng edukasyon at karanasan, nagiging US$0.98 sa bawat US$1.00 ang kaibahan.

Kung ganito ang sitwasyon sa pandaigdigang antas, ano naman ang kalagayan ng kababaihan sa Pilipinas? Kung pagbabatayan ang Women and Men FactSheet 2019 mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), may dahilan ba para magbunyi ang kababaihan sa usapin ng sahod?

Ang average na taunang kinikita raw kasi ng babaeng tagapagtaguyod ng pamilya (household head) ay P284 kumpara sa lalaking “household head” na P262. Oo, mataas nga pero tandaan nating ito ang kinikita sa bawat taon. Kung paniniwalaan ang datos ng PSA na kinuha mula sa Family Income and Expenditure Survey (FIES) noong 2015, nangangahulugang kumikita lang ng P10.92 ang babae at P10.08 ang lalaki bawat buwan (kung ang kanyang pagtatrabaho ay 26 na araw).

Medyo mataas nga ang kita ng babae kumpara sa lalaki, pero malinaw na kulang pang pambili ng bigas ang kita sa isang araw. Sadyang walang pinipiling kasarian ang mababang sahod sa Pilipinas.

Pero hindi lang naman usapin ng sahod ang kinakaharap ng babae sa kasalukuyan. Sa konteksto ng kasalukuyang kampanya ng mga kandidato at party-list group para sa halalang mangyayari sa Mayo 13, mainam na suriin ang mga nahalal na mga opisyal sa mga eleksiyong nagdaan. (Tingnan ang Talahanayan)

Mga Nahalal na Opisyal ayon sa Kasarian

Eleksiyon

Babae

Lalaki

Kabuuan

Bahagdan ng Babae

1998

               2,810

               14,593

               17,403

16.15%

2001

               2,999

               14,480

               17,479

17.16%

2004

               2,922

               14,651

               17,573

16.63%

2007

               3,040

               14,442

               17,482

17.39%

2010

               3,305

               14,498

               17,803

18.56%

2013

               3,580

               14,331

               17,911

19.99%

2016

               3,849

               14,092

               17,941

21.45%

Pinaghalawan ng datos: Women and Men FactShKumpara sa eleksiyon noong 1998, kapansin-pansin ang unti-unting pagtaas ng bilang ng mga babaeng nahahalal sa puwesto. Kung sabagay, hindi na ito nakakagulat dahil nagkaroon na tayo ng dalawang Presidenteng babae. Babae rin naman ang kasalukuyang Bise Presidente, hindi ba? Pero malinaw sa datos na ang bilang ng mga babaeng nahalal na opisyal ay isa lamang sa bawat lima. Sa madaling salita, nananatili sila sa napakaliit na minorya.

Madaling sabihing ang solusyon sa ganitong problema ay pataasin pa ang sahod ng kababaihan at paramihin pa ang bilang ng mahahalal sa puwesto sa mga darating pang eleksiyon tulad ng mangyayari sa Mayo 13. Pero halimbawa lang na mangyari ang mga ito, may maaasahan bang pagbabago ang kababaihan?

Nariyan pa rin kasi ang itinakdang papel ng lipunan sa babae bilang diumanong “ilaw ng tahanan” na dapat na nag-aalaga ng anak at asawa. Siya pa rin ang inaasahang gumawa ng mga gawaing bahay tulad ng pagluluto, paglalaba, pagpaplantsa at paglilinis ng bahay para siguraduhing komportable ang lalaking diumanong “haligi ng tahanan” sa kanyang pag-uwi. Sa isang sitwasyong kailangang magtrabaho ang parehong mag-asawa, hindi nababawasan ang pasanin ng babae. Siya pa nga ang nasisisi kung hindi napagkakasya sa araw-araw na gastusin ang pinagsamang kakarampot na kinikita nila.

Opo, babalik at babalik pa rin tayo sa tinatawag na patriyarkal na sistema ng lipunang nagbubunsod ng maling kaisipan hinggil sa papel ng babae sa lipunan. Sa kabila ng retorika ng mas magandang katayuan ng babae sa kasalukuyan kumpara sa nakaraan, kailangang huwag lang matali sa estadistika dahil kailangang suriin ang konteksto ng pinagdaraanan niya. Kapansin-pansin nga ang pagbabago sa kantidad (quantitative change), pero paano na lang ang pagbabago sa kalidad (qualitative change)?

Gugunitain ang International Women’s Day sa Marso 8. Sinimulan ng United Nations (UN) ang taunang komemorasyon noong 1975. Bakit Marso 8? Ito kasi ang araw na nag-aklas ang kababaihan ng Rusya noong 1917 sa kalagitnaan ng Unang Digmaang Pandaigdig. Ang kanilang kolektibong panawagan noon ay tinapay at kapayapaan (“Bread and Peace”). Ilang araw pagkatapos ng kanilang kilos-protesta, nag-abdicate ang Czar at ang pumalit na gobyerno ay binigyan ang kababaihan ng karapatang bumoto.

Kung may aral tayong dapat makuha sa kasaysayan ng pagkilos ng kababaihan, ito ay ang malinaw na progresibong pinagmulan ng Marso 8. Mainam na ipagpatuloy ang tradisyon ng kolektibong pagkilos ng kababaihan para sa pagbabagong nais makamtan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Exit mobile version