Site icon PinoyAbrod.net

Utak Pulbura

Katatapos pa lamang ng masamang balitang walang matatanggap na anumang dagdag na umento sa sahod ang mga pampublikong guro noong Pandaigdigang Araw ng mga Guro ayon na rin kay Kalihim Briones ng Kagarawan ng Edukasyon. Isa pang nakayayanig na balita ang ipinukol sa mga guro at propesor ng iba’t ibang kolehiyo at unibersidad- ang pagtuturing sa kanila bilang tagapaghikayat sa mga mag-aaral na makilahok sa pag-aaklas laban sa pamahalaan. Tila absent sa lahat ng itinuro ng guro ang ating kasundaluhan at kapulisang nag-anunsyo sa mga paaralang sanggot sa diumanong panghihikayat sa kabataang maging aktibista.

Sa katotohanan, nagbabago ang kahulugan ng salitang pagiging terorista, hindi awtomatikong terorista ang mga aktibista. Ang pangyayari sa kasaysayan ng mga Katipunero ang magpapatunay na ang konseptong ito ay nagbabago. Hindi kakaiba ang kanilang sitwasyon bilang tinaguriang tulisan ng mga mananakop ngunit sa kabilang banda sila pa ang nagbuwis ng kani-kanilang buhay para sa inaasam na kalayaan. Bilang isang gurong may pangunahing sinumpaang mabuti ang kalagayang pang-edukasyon ng bansa sa kabila ng mababang sahod at ‘di makataong kalagayan, pilit naming itinataguyod ang makabayang edukasyong oryentasyon tulad ng pagtataguyod ng programang laban sa terorismo.

Dahil na rin sa mahabang oras na nakakasama ng mga guro ang mga mag-aaral, tunay na isinasaalang-alang namin ang kapangyarihan ng mga salitang nagmumula sa mga diskusyon, dahil may kakayahan ang mga salitang itakda ang personal na katauhan at maging politikal na kamalayan ng mag-aaral. Hindi lamang pagbibigay-husay sa akademikong larangan ang dapat mabatid ng mga mag-aaral, kinakailangang hamunin ang kanilang pag-iisip na maging kritikal at mapanuri sa kanyang lipunan. Mahalagang maipaunawa na hindi hiwalay sa mga nangyayari sa ginagalawang lipunan ang mga napag-aaralan sa loob ng silid at maging sa mga aklat.  Hindi lamang sapat na nakikihalubilo ang pag-iisip sa mga aklat, mahalagang maisangkot ang talino’t husay sa mga isyung panlipunan. Malinaw na obligasyon ng bawat responsableng mag-aaral ang makialam at manindigan sa pinaniniwalaang tama.

Mag-iba man ang pamamaraan ng pagtuturo ng mga guro ng bayan, ngunit hindi nito maiaalis at mababago na itaguyod ang pagbabago ng sarili para sa kapakanan ng kapwa at bansa. At sa panahong hinahamon ang kakayanan at pamamaraan sa pagtuturo ng mga guro, pagsisikil sa kanyang kalayaang pang-akademiko (academic freedom) at panggigipit sa karapatan ng mga guro, napakahalagang balikan ang kasaysayan sa naging papel ng mga guro para sa pagbabago mula sa loob hanggang sa labas ng paaralan. Hindi lamang tagapagmulat ng kamalayan ang naging gampanin nila, kundi pagpapalaya sa kaisipan na kilalanin at matutunan ng mga mag-aaral na may tama at mali, na may dahilan ang mga mali at kung bakit ang tama ang dapat manaig.

Ngayon, sino sa atin ang utak pulbura? Ang gurong pinapatay sa tambak ng trabaho, mga gurong naglalakad at tumatawid ng ilog para lamang makarating sa paaralan, mga gurong sinusuong ang panganib sa mga lugar na laganap ang militarisasyon, at mga gurong tanging pinatay ay ang kamangmangan ng bayan. O kayong mga nasa uniporme na may rekord ng pagpatay at panggugulo? Sino sa atin ang pulbura kung mag-isip?

 

The post Utak Pulbura appeared first on Manila Today.

Exit mobile version