Sa aktwal na kasaysayan, isa lamang ang mga Vandal sa itinuturing na mga “barbaro” na sumira sa kapanatagan ng Roma sa makalumang panahon. Ayon sa historyador na si William McNeil, bahagi ang mga Vandal, kasama ang mga Visigoth, Ostrogoth, at Burgundian sa mga grupong Germaniko na nawalan ng panirahanan sanhi ng pagpapalawak ng mga pwersa ng mga Hun sa pamumuno ni Attila. Dahil sa pananakop ng mga Hun sa Gitna at Silangang Europa, “naitulak” sa ibang lugar ang mga itinuturing na mga “barbaro” na dating naninirahan sa labas ng Imperyo ng Roma. Sa pagkawala ng mga tradisyonal na lupain ng mga grupong Germaniko, kinailangan nilang pumunta sa mga teritoryo ng mga Romano gaya ng Gaul (mga Burgundian); Britanya (mga Anglo-Saxon); Italya (mga Ostrogoth); at Hilagang Afrika (mga Vandal). Sa proseso ng paglawak ng mga ito, sinakop nila ang mga dating mapayapang mga lungsod Romano at napaghati hati nila ang dating konsolidadong imperyo ng mga ito.
Isa lamang ang mga Romano sa mga imperyong nakaranas ng paglusob ng mga itinuturing nitong mga “barbarong tagalabas” na nagdulot ng paglusaw ng imperyo. Ang kasaysayan ng klasikal na China ang isa sa makikilalang kasaysayan ng pagbagsak ng mga dinastiya sanhi ng pananakop at paglusob ng mga barbaro. Kaya nga nagdesisyon ang ilang emperador ng China na magpatayo ng Dakilang pader upang masawata ang pananalakay ng mga gumagambalang mga “barbaro.” Sa klasikal na India, ang paglusob ng mga mananalakay na mga Mongol, Persyano, Afghan at iba pa ang naging sanhi ng pagpapalit ng mga imperyo sa subkontinente. Ang mga lungsod-estado ng makalumang Gresya ang kalimitang kumakaharap sa pakikihamok laban sa mga barbaro kaya kinailangan nitong magtatag ng mga “kolonya” ng mga Hellenikong lungsod sa ibang lugar upang maipakalat ang kanilang sibilisasyon at mapigilan ang paglusob ng mga kaaway.
Subalit may kabilang panig na maaaring tingnan ang pagpapalawak ng mga itinuturing na mga “barbaro” sa kasaysayan. Sa maraming pagkakataon, lumalakas at lumulusob ang mga grupong ito laban sa mga sedentaryong imperyo dahil mahina na ang mga imperyo at hindi na nito kayang panatilihin ang dating pag-iral. Sa panahon ng pagpapalakas ng mga manlulusob, kalimitang kinakikitaan naman ng paghina ang mga imperyo sanhi ng katiwalian; pang-aabuso ng kapangyarihan; karahasan sa sariling mamamayan; kahinaan sa pamumuno at korupsyon ng pamahalaan; at ang pangkalahatang kawalan ng kakanyahan ng mga namamahala na tugunan ang mga batayang pangangailangan ng mga mamamayan nito. Kaya nga kailangang tingnan din ang pagtatagumpay ng paglusob ng mga itinuturing na mga “barbaro” dahil ang mga mamamayan mismo ng imperyo at sentrong lungsod ang gumawa ng ilang paraan upang mapabagsak ang kanilang pinuno at makapasok ang mga “barbarong lagalag.” Dahil sa korupsyon, katiwalian, pang aabuso at kahinaan ng mga imperyo, ang taumbayan mismo ang nagbukas ng pintuan upang makapasok ang mga pinunong barbaro at tanghalin sila bilang mga bagong pinuno.
Kailangan ding linawin na hindi laging kahinaan, kabarbaruhan at paninira ang dala ng mga bagong dating na mga lagalag. Ilang pag- aaral ang nagpatunay na ang pamumuno ng mga Vandal sa Hilagang Afrika, Sardinia, Sicily at Corsica halimbawa, ang kinakitaan ng maunlad at malawakang kalakalan; maayos na pamumuhay panglungsod; at matatag na pamamaraan ng pamumuno sa mga mamamayan. Sa katunayan, maraming pagkakataon na pumapasok sa kasunduan at tratado ang mga Romano sa mga Vandal upang kilalanin ang kani-kanilang mga teritoryo at magtatag ng ugnayang diplomatiko – indikasyon ng pag-iral ng mga itinuturing na mga “barbaro” bilang mga kinikilalang pormal na estado kahit noon pang makalumang panahon.
Sa panahon ng mga himagsikan sa makabagong panahon, nagkaroon ng bagong kahulugan ang Vandalism. Ilang mga konserbatibong elemento ng monarko at simbahan sa France ang gumamit ng termino bilang pantukoy sa ginawa ng mga rebolusyonaryong Pranses na pagsira ng mga simbolo ng katiwalian at karangyaan ng mga monarko. Ilang mga rebolusyonaryo ang literal na nagpabagsak sa mga monumento, nagsaboy ng pintura sa mga magagarang pinta at sumibak sa mga lilok at ukit na sumisimbolo ng karangyaan ng lumang monarko sa gitna ng kahirapan ng mga karaniwang mamamayan. Maituturing ang vandalism na gumambala sa kapanatagan ng mga naghaharing uri at nagpahayag ng damdamin ng mga pinahihirapang mga mamamayan.
Sa imahinasyon ng mga bayaning nakikipaglaban sa pananakop, mahalaga ang pagpapahayag na maituturing na vandalism na gumagambala sa kapanatagan ng mga naghaharing uri. Matatandaan na sa El Filibusterismo, mahalaga ang pangyayari ng pagkatuklas ng mga paskil na nagpapahayag ng paglaban sa pang-aabuso ng mga prayle at iba pang mga pinunong Espanyol na naging dahilan upang hulihin ang mga pinaghihinalaang mga estudyante at magkaroon ng panic ang mga pinuno ng bayan sa pinaghihinalaang kilusang konspiratoryal na magpapabagsak sa pamahalaan. Sa nobela ni Rizal, pinatalsik sa pamantasan ang mga pinaghihinalaang mga estudyante kahit na iyong wala namang kinalaman sa kilusan. Ipinagbawal ang pagsali sa Asosasyon ng mga mag-aaral at napilitang suspendihin ang ilang mga klase dahil sa pinaghihinalaang subersyon na nagaganap.
Tila malaki ang parallel na umiral sa kasaysayan sa mga naganap na panggigipit sa mga mag aaral at artista ng bayan na tinuringang naglalagay ng gambala sa kaayusan ng lungsod sanhi ng mga pinta sa pader na kanilang ginawa at itinuring na vandalism.
Pagpapahayag ng ma usaping malapit sa mga mamamayan ang sinasambit sa mga sulat sa pader – paglaban sa katiwalian; paggigiit ng kasarinlan ng bayan laban sa panghihimasok ng mga dayuhan at pag agaw sa sariling teritoryo; kampanya upang itaas ang sahod at ibaba ang presyo ng mga bilihin; pagkilala sa batayang karapatan ng mga mamamayan.
Ang naging tugon ng mga nasa pamahalaan sa mga itinuturing na vandalism ay katulad din ng mga tugon ng mga prayle at mga taong pamahalaan gaya ng nasa El Filibusterismo noong panahon pa nina Rizal – panggigipit sa mga estudyante; pagsupil sa karapatan sa pamamahayag at sariling ekspresyon; at kriminalisasyon ng mga gawang kaugnay sa pagpapahayag ng pagtutol at kritisismo.
Naganap sa kasaysayan na ibinunton ng mga makalumang Romano ang sisi sa pagbagsak ng kanilang imperyo na dulot ng paninirang dala ng mga Vandal at iba pang mga barbaro. Hindi nito tiningnan ang nagaganap na pangkalahatang katiwalian; ang karahasang ginagawa laban sa sariling mamamayan; ang malawakang kahinaan at kawalang kakanyahan ng pamahalaang tumugon sa pangangailangan ng mga mamamayan bilang sanhi ng kanilang sariling pagbagsak. Gaya ng mga makalumang Romano, naghahanap pa rin ang mga kasalukuyang namamahala ng mga makabagong mga Vandal na pagbubuntunan ng sisi sa kaguluhang ang sariling pamahalaan mismo ang sanhi at may gawa.
Ref:
Edward Gibbon. The Decline and Fall of the Roman Empire. 1999 edition. Wordsworth.
William McNeill. The History of Western Civilization. 1986. Univ of Chicago Press.
William McNeil. A World History. 1979. Oxford U. Press.
*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.