Magsimula tayo sa balik-tanaw. Ano ang kalakaran sa mga Public Higher Education Institutions (HEIs) bago pinirmahan ni Pang. Rodrigo Duterte ang Free Tuition Law noong 2017?
Sa mahabang panahon, may matrikulang binabayaran ang lahat ng estudyante. Itinataas ito pana-panahon o madalas sa kung anu-anong dahilan. Para naman sa mga estudyanteng umano’y “mahirap pero karapat-dapat,” may scholarship na kailangan ng aplikasyon. Ipinagpapalagay na ang mayorya ng estudyante, kayang magbayad ng matrikula; iilan lang ang dapat tumanggap ng scholarship. Kaya para sa pangkalahatan, matrikula; para sa iilan, scholarship. Kalakhan ng pampublikong HEIs, nagsasabing kulang ang subsidyo mula sa gobyerno; pana-panahon pang kinakaltasan ito.
Sa mahabang panahon, ipinagtatanggol ang ganitong kalakaran ng mga ekonomista, lalo na iyung galing sa UP School of Economics. Malinaw sila sa kanilang unang dahilan: ang edukasyon sa kolehiyo ay hindi karapatan, kundi pribilehiyo. Mula sa ganitong batayan, iginigiit nila na ang gastos ng mga pampublikong HEIs ay hindi dapat ibinibigay nang buo ng gobyerno. Anila, dapat magbigay ng subsidyo ng gobyerno batay sa iba’t ibang salik: pondo ng gobyerno para sa edukasyon partikular sa primaryang edukasyon, kakayahan ng mga pamantasan magpasulpot ng pondo mula sa mga pag-aari, at kakayahan ng mga estudyanteng magbayad ng matrikula.
Ang ayaw na ayaw at panakot nila: makatanggap ng subsidyo ang mga estudyanteng mayaman at maykaya, dahil hindi raw makatarungan. Mainam na raw ang kalakarang may matrikula para sa nakakaraming maykaya at may scholarship naman para sa iilang mahirap. Hindi bale nang magbayad ang nakakarami, huwag lang mabigyan ng subsidyo ang mayayaman at maykaya. Sinalungat nila ang panawagang dagdagan ang subsidyo sa mga pampublikong HEIs sa dahilang mas dapat gawing priyoridad ang totoo namang kalunus-lunos na batayang edukasyon — kahit hindi naman dito napupunta ang mga kaltas sa subsidyo sa mga pampublikong HEIs.
Pero hindi nagpapigil sa mga argumentong ito ang mga estudyante, ang mga iskolar ng bayan, sa pamumuno ng kanilang mga progresibong alyansa, kasama ang mga progresibong guro at kawani at iba pang sektor ng lipunan. Ipinaglaban nila na ang edukasyon ay karapatan ng lahat at sa gayo’y dapat ibigay ng gobyerno. Tinutulan nila ang komersyalisasyon, ang pagtaas ng matrikula at ibang bayarin, na ginagawang pribilehiyo ang edukasyon ng iilang kayang magbayad. Inilantad nila ang mga scholarship bilang pakitang-taong iskema na nagtatakip sa pagkakait ng karapatan sa edukasyon. Ipinanawagan nila ang libreng edukasyon. Ipinaglaban nila ang pagtaas ng subsidyo kapwa sa mga pampublikong HEIs at sa batayang edukasyon, sa buong sistemang pang-edukasyon.
Ang sama-samang pagkilos at pagpanawagan ng mga iskolar ng bayan at kabataan ang pumwersa sa rehimeng Duterte na aprubahan at ipatupad ang “Universal Access to Tertiary Education Act” o Free Tuition Law. Pulitikal ang hakbanging ito ng rehimen; napwersa itong bitawan ang neoliberal na dogma sa usapin ng edukasyon. Tugon ito sa malakas na protesta at panawagan at sa malawak na pagsuporta sa huli sa panahong nasusukol ang rehimen sa kaliwa’t kanang tuligsa at pagkondena bunsod ng maraming isyu. Kung wala ang Free Tuition Law, mayroong isa pang matinding isyu para ang mga iskolar ng bayan ay lalong magprotesta at maghimagsik laban sa rehimen.
At tagumpay ng mga iskolar ng bayan, ng kanilang mga progresibong alyansa, ng kilusang kabataan-estudyante ang Free Tuition Law. Isang pag-abante mula sa nakaraan na ang mga iskolar ng bayan ngayon ay hindi nagbabayad ng matrikula. Pag-abante ito mula sa pagturing sa edukasyon bilang pribilehiyo at sa komersyalisasyon. Mas malapit ito sa prinsipyong ang edukasyon ay karapatan. Mas makatarungan ito sa kalagayang iilan ang mayayaman kahit sa hanay ng mga estudyante ng mga pampublikong HEIs sa bansa.
Sa ganitong konteksto mainam ilugar ang bagong sanaysay ni JC Punongbayan, estudyante sa UP School of Economics at komentarista sa Rappler.com, na “Why the free tuition law is not pro-poor enough” at lumabas noong Pebrero 8.
Sa titulo, aakalaing kinikilala ni Punongbayan na “maka-mahirap” o pag-abante ang Free Tuition Law. Sa ibang bahagi pa nga ng sanaysay, sinasabi niyang pwede pang “paunlarin” ito. Pero lumalabas na praktikalidad lang ang dahilan kung bakit may ganito siyang pabalat-bungang retorika: “Hindi na matatanggal ang Free Tuition Law. Kahit sinong pulitikong mangahas na kwestyunin ito (o magpanukalang ibasura ito) ay gagawa ng political suicide.”
Malinaw ang sentral na argumento ni Punongbayan: “Bagamat ang Free Tuition Law ay pinuri bilang ‘maka-mahirap,’ ipinapakita ng mas malalim na pagsusuri na hindi ito maka-mahirap. Pwede pa ngang ipakitang ito’y maka-mayaman.” Aniya, ang mayayaman ang pangunahing nakikinabang sa batas dahil sinusubsidyuhan nito ang edukasyon nila mula sa buwis ng nakakaraming nagtatrabaho sa bansa — buwis ng mahihirap at panggitnang uri.
Datos at pagkwenta ang batayan ni Punongbayan. Aniya, 80 porsyento ng income tax sa bansa ang mula sa “mga manggagawa na tumatanggap ng sahod o sweldo.” Sa kabilang banda, 20 porsyento lang ang mula sa mga propesyunal at self-employed. Aniya, noong 2014, 17 porsyento ng mga estudyante ng mga pampublikong HEIs ang galing sa pinakamayamang sang-lima (1/5) ng populasyon ng bansa, habang 12 porsyento lang ang galing sa pinakamahirap na sang-lima.
Masyadong ipinapako ni Punongbayan ang paningin ng mambabasa sa 17 porsyento ng mga estudyante na mula sa pinakamayan at 12 porsyento na mula sa pinakamahirap. Bahagi ito ng pananakot na may malaki-laking populasyon ng mayayamang estudyante na nakakatanggap ng subsidyo, habang maliit lang ang populasyon ng mahihirap na estudyante na nakakatanggap nito. Hindi datos ang nagsasalita sa pagsusuri ni Punongbayan kundi ang takot at pagtutol sa subsidyo ng gobyerno sa edukasyong pangkolehiyo.
Katunayan, pwedeng unawain ang datos ni Punongbayan sa ibang paraan: ang pangunahing nakinabang sa Free Tuition Law ay ang nakakaraming 83 porsyento ng mga estudyante ng mga pampublikong HEIs na hindi kasama sa pinakamayaman sa lipunan pero noon ay nagbabayad ng matrikula. Mas magaang din sa pinakamahirap na 12 porsyento na hindi na nila kailangang patunayan ang pagiging mahirap para makatanggap ng scholarship. Mas posible sa mahihirap na makapag-aral sa kolehiyo kung maigagapang sila ng mga magulang na makatapos sa elementarya at hayskul. Dapat lang na sa kanilang lahat mapunta ang buwis na ang malaking bahagi ay galing sa mahihirap at nasa panggitnang uri ng lipunan.
Dito lalong makikita ang pangunahing problema sa sanaysay ni Punongbayan: wala itong pagkilala na pag-abante ang Free Tuition Law kumpara sa dating kalakaran sa mga pampublikong HEIs na kinakatangian ng komersyalisasyon ng edukasyon at pagkakait ng karapatan sa edukasyon.
Sa isang banda, parang radikal ang mga panukala ni Punongbayan: sa antas ng buong ekonomiya, taasan ang buwis ng mayayaman at magbigay ng subsidyo na nakatarget sa mahihirap. Kailangan din aniyang resolbahin ang problema ng batayang edukasyon sa bansa.
Sabi pa niya, sa panahong libre sa matrikula at tumatanggap ng subsidyo ang lahat ng estudyante, dapat hanapin ang 17 porsyento na galing sa pinakamayamang seksyon ng populasyon at pagbayarin sila nang buong matrikula. Ang subsidyong ibinibigay sa kanila, ibigay sa pinakamahihirap na estudyante. Parang kabaligtaran, pero sa aktwal ay kakambal, ito ng panawagan ng mga guro niyang ekonomista: bayad-matrikula para sa lahat, tapos hanapin ang 12 porsyentong pinakamahirap para bigyan ng scholarship.
Sa kabilang banda, gayunman, wala siyang pagkilala na pag-abante ang Free Tuition Law kumpara sa dating kalakaran sa edukasyon. Sa totoo lang, mas pagtutol kaysa pagsang-ayon sa naturang batas ang kontrobersyal niyang tweet na nagpasimula sa sanaysay, iyung naggigiit na “There’s no such thing as a free lunch.” Ibinabangga sa libreng edukasyong pangkolehiyo ang pagkukunan ng pondo nito. Wala pa ring pagkilala na ang edukasyon ay karapatan, hindi pribilehiyo.
Mas mahalaga, nananatiling buo sa sanaysay niya ang mga neoliberal na paggigiit ng mga guro niyang ekonomista ng UP School of Economics kaugnay ng edukasyon. Ang pangunahin pa ring ayaw at panakot ay ang pagsubsidyo sa mayayaman. Nariyan pa rin ang pagtutulak ng subsidyong nakatarget sa mahihirap. Ang pangunahin pa ring panawagan ay paunlarin ang batayang edukasyon sa bansa.
Mabubuo ang isang larawan: naghahanap lang si Punongbayan — at ang kanyang mga kapanalig marahil sa UP School of Economics at sa pulitika ng mga mag-aaral sa kampus — ng butas para repasuhin at rebisahin ang Free Tuition Law, para umano gawin itong mas “maka-mahirap.” Pero sa hilatsa ng mga argumento niya, malinaw ang gusto nilang kalakaran: iyung dati, iyung komersyalisado at tumatapak sa karapatan sa edukasyon. Budul-budol: kunwari maka-mahirap, pero maka-mayaman.
Kahit nasa unahan ng kanyang pagsusuri ang kagustuhang gawing “mas maka-mahirap” ang Free Tuition Law, makikita sa nilalaman ng kanyang sanaysay na pag-atras sa luma ang gusto niya. Sa batayan ng pagsubsidyo ng Free Tuition Law sa iilang maykaya sa lahat ng pampublikong HEIs sa bansa, gusto niyang alisan ng subsidyo ang matrikula ng lahat ng estudyante at ibalik ang kalakarang matrikula-scholarship. Wala siyang pagkilala na tagumpay at pag-abante ang Free Tuition Law at dapat lang ipagtanggol, at kung rerebisahin man ay hindi na dapat umatras sa dati.
Sa talakayang ito, makikita ang isang modus operandi ng mga neoliberal na ekonomista sa bansa sa larangan ng edukasyon: ang pagsakay sa sentimyentong kontra-mayaman para itulak ang patakarang dikta ng kanilang dogma. Kompromiso ito marahil sa kalagayang malakas ang maka-masa at makabayang kilusan at diskurso sa bansa, maging sa mga pamantasan.
Hindi nila masabi nang direkta na dapat talagang ituring na kalakal ang edukasyon at hayaang mamuhunan ang malalaking kapitalista rito para mapamura at mapahusay ang pagbibigay ng serbisyong ito — bagamat may iba ring direktang nagsasabi ng ganyan.
Ganito ang paglalarawan ni David Harvey sa neoliberal na patakaran na itinutulak noon ng World Bank sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan: “Ang kwento na naririnig nating inuulit, mula sa ating mga silid-aralan hanggang sa halos lahat ng midya, ay ang pinakamura, pinakamabuti, at pinaka-episyenteng paraan para makakuha ng halaga-sa-gamit ay sa pamamagitan ng pagpapalaya sa animal spirits ng namumuhunan na gutom sa tubo para lumahok sa sistema ng merkado [Seventeen Contradictions and the End of Capitalism, 2014].”
Anu’t anuman, ang pagtindig nila laban sa subsidyo ng gobyerno sa edukasyon, at sa edukasyon bilang karapatan, ay nag-aambag sa lakas ng naturang malalaking kapitalista — ng mismong iilang mayayaman — na namumuhunan sa buong sistemang pang-edukasyon.
“There’s no such thing as a free lunch,” pagpapasimple nila sa umano’y kumplikadong mga teorya nila. “Walang tanghalian na libre,” kung isasalin sa wikang Filipino, at malinaw ang katotohanan sa makakarinig na karaniwang tao. Malinaw agad na ang lahat ng bagay at serbisyo ay may kabayaran. Sa kagyat, hindi iyun ang problema.
Ang problema, pinapalabas ng mga neoliberal na ekonomista na laging biktima ang mahihirap at nakakarami kapag ibinibigay ng gobyerno ang mga serbisyong panlipunan nang libre o abot-kaya. Lagi nilang pinapalabas na ang libre o abot-kayang serbisyo ay atake sa nakakaraming mahirap na siyang kinukuhanan ng pantustos sa mga ito pero pinagkakaitan ng serbisyo.
Kaya nariyan ang reyalidad na iniluluwal ng mga patakarang tulak nila, reyalidad na pabalat-bunga lang nilang ipinoprotesta: malalaking kapitalista ang may hawak sa nakakaraming kolehiyo’t unibersidad sa bansa, sa serbisyong pangkalusugan, sa programang pabahay. “Walang tanghalian na libre!” Ang nakakarami, bukod sa buwis na ibinabayad sa gobyerno’y nagbabayad pa ng mahal na serbisyong panlipunan.
Radikal ang pagtindig para sa edukasyon bilang karapatan. Katulad siguro ito ng mga karapatan na ipinaglaban ng burgesya laban sa awtokrasyang naghahari sa panahon ng pyudalismo, pero binitiwan at hindi maisabuhay — maliban sa karapatang mag-ari at magsamantala — nang magtagumpay ito at maghari ang kapitalismo. Naiwan ang naturang mga karapatan para ipaglaban ng nakakarami, ng mga uring anakpawis.
Ang edukasyon bilang karapatan ay bahagi ng isang bungkos ng mga karapatan at panawagan na kumukwestyon sa buong sistemang panlipunan — sa kasong ito, sa pork barrel ng mga pulitiko, pambayad sa utang panlabas, maliit na buwis ng mga naghaharing uri, malaking gastos sa militar at pulisya, katiwalian, at iba pa. Bahagi ito ng pagtanaw sa isang lipunan kung saan kinikilala ang mga batayang karapatan — sa simpleng dahilan na ang tao ay tao, sekundarya na ang pang-ekonomiyang pakinabang nito sa lipunan.
Maganda ang mga sinabi ni Herbert Gintis, progresibong ekonomistang may pag-aaral sa sistemang pang-edukasyon. Isang tuligsa sa neo-klasikal na ekonomiks, aniya, ay “iginigiit ang pagsasarili (independence) ng iba pang lunan ng panlipunang praktika, tulad ng pamilya, estado, at sistemang pang-edukasyon, mula sa paggalaw ng ekonomiya.”
Dagdag pa niya, “Ang isang sistemang pang-edukasyon na nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay at paglahok ay pwede lamang sumulong kaakibat ng isang sistema ng produksyon na nagdidiin sa demokrasya, partisipasyon at pagkakapantay-pantay.” [“The Reemergence of Marxian Economics in America,” 1983] Hindi maaasahan ang mga tagapagtanggol ng kasalukuyang sistema na magsulong ng ganyang edukasyon.
Sa kasong ito, pinapakitid ng mga neoliberal na ekonomista ang usapin sa pamamagitan ng pagsentro sa pagkukuhanan ng pambayad sa edukasyon sa loob din ng sektor ng edukasyon — at walang pagkilala sa karapatan. Nakakasakal ang ganitong mga burgis na harang sa pag-iisip, at tama lang ang mga kabataan at iskolar ng bayan na tunggaliin ang ganitong mga argumento, lumabas sa klasrum, igiit ang nararapat at kwestyunin ang kabulukan ng buong lipunang nagkakait ng batayang karapatan sa kanila.