Pinagtibay kamakailan ng Korte Suprema ang Commission on Higher Education (CHEd) Memorandum 20 (CMO 20) na nagtatanggal sa wikang Filipino bilang isa sa mga batayang sabdyek na kailangang kunin sa kolehiyo. Sa kabila ito ng paghahain ng temporary restraining order (TRO) ng grupong Tanggol Wika noong nakaraang taon laban sa implementasyon nito.
Kung titingnan, hindi na bago sa kasaysayan ng Wikang Pambansa ang pangangailangang patuloy na igiit ang wastong lugar nito sa sistema ng edukasyon. Bagamat malinaw na pinagtitibay sa Konstitusyong 1987 ang paggamit at pagpapatatag sa wikang Filipino sa mga paaralan, mauugat sa mahabang kasaysayan ng kolonyal na edukasyon sa bansa ang patuloy na pagsasawalang bahala rito habang sa kabilang banda nama’y patuloy na binabantayog ang wikang Ingles.
Ugat ng kolonyal na edukasyon
Sa panahon ng mga Amerikano, epektibong ginamit ang pagpapatupad sa sistema ng pampublikong edukasyon para itaguyod ang interes ng mga bagong mananakop. Sa ilalim nito, Ingles ang naging wikang panturo at awtomatikong naging wika ng kaalaman. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga libro at teksbuk sa wikang Ingles, nagawa nitong bihagin ang pag-iisip ng mga Pilipino na natutunang sambahin ang kultura’t pamumuhay ng mga Amerikano. Samantala, sinadya namang burahin sa alaala ng mga magaaral ang maningning na kasaysayan ng pakikibaka ng mga Pilipinong bayani’t rebolusyonaryo.
Sa puntong ito ng kasaysayan mauugat ang “misedukasyon” ng mga Pilipino ayon nga sa sanaysay ng makabayang historyador na si Renato Constantino. Aniya, “Ang kanilang pagkatuto’y hindi na bilang mga Pilipino kundi bilang mamamayan ng isang bansang sakop ng dayuhang kapangyarihan. Kinailangan alisin sa kanila ang kanilang mga makabayang mithiin sapagkat dapat silang maging mabuting mamamayan ng isang kolonyang bayan.”
Sa kalaunan, mapapagtibay ang Ingles bilang wika ng mga elite at edukado sa lipunan. Ang mga produkto ng kolonyal na edukasyon na ito ang siya ring magbibigay daan sa pagkaluklok ng mga burukrata at ng mga pulitiko’t intelektuwal sa bansa na laging maaasahang tagapagtaguyod ng mga interes na pabor sa mananakop.
Neoliberal na atake sa wika
Ngunit hindi lang ang mahabang kasaysayan ng kolonyal na edukasyon ang nagsisilbing sagka sa pagpapalakas at pagtataguyod ng wikang Filipino sa mga paaralan. Tumatagos din sa usapin ng Wikang Pambansa ang patuloy na pagsuhay ng pamahalaan sa neoliberal na mga patakaran sa ekonomiya.
Para sa isang mahirap na bansa gaya ng Pilipinas, ang malaking bilang ng libo-libong mamamayang lumalabas ng bansa ang inaasahan ng gobyerno para magsalba sa ekonomiya nito. Sa ilalim ng labor export policy ng mga nagdaang rehimen, tinutulak ang mga mamamayan para manilbihan bilang skilled o semi-skilled workers sa ibang bansa.
Kaugnay nito, hindi na nakapagtataka kung bakit labis labis ang pagbibigay diin ng sistema ng edukasyon sa wikang Ingles. Tugon ito ng gobyerno sa pangangailangan ng mayayamang bansa at maging sa dikta na rin ng global na merkado para sa mga manggagawang nakakaunawa’t nakakapagsulat ng kahit papaano’y sapat na Ingles. Sa ganitong layunin din nakapadrino ang pagdisenyo sa mga kurikulum sa bansa. Sa ilalim ng naturang balangkas, masusuri sa programang K+12 ang pagsalubong ng gobyerno sa pangangailangan ng mauunlad na bansa para sa murang lakas-paggawa mula sa mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas.
Hamon ng panahon, makabayang edukasyon
Taliwas sa pangako nito, nagsilbi lamang na malaking sagka sa sariling pag-unlad ng bansa ang labis na pagpapahalaga at pagpapatibay sa wikang Ingles sa paaralan. Namayagpag ito bilang wika ng kolonyalista at sa kalauna’y wika ng elite na siya ring patuloy na nagtataguyod ng interes ng mga dayuhan.
Ang pagtataguyod ng tunay na makabayang edukasyon ang sagot para sa isang bansang may mahabang kasaysayan ng kolonyalismo at pangangayupapa sa dayuhang interes. Ani nga ni Constantino sa kanyang sanaysay tungkol sa makabayang edukasyon, “Dapat itong ibatay sa mga pangangailangan at adhikain ng bansa. Ang layunin ng edukasyon ay hindi lamang ang makalikha ng mga lalake at babaeng marunong bumasa at sumulat at marunong magkuwenta. Pangunahing layunin nito ang mahubog ang isang mamamayang may malasakit sa bayan at nauunawaan ang kanilang pagiging bansa. Isang mamamayang binibigkis ng layuning paunlarin ang buong lipunan hindi lamang ang kanikanilang mga sarili.”
Sa bagay na ito, wikang Filipino ang magsisilbing pinakaepektibong daluyan ng mga makabayang damdami’t adhikain ng isang bansang matagal na panahong alila ng dayuhang kaisipa’t interes.