Site icon PinoyAbrod.net

Yuyukod muli sa mga militarista?

Nanganganib na muling maunsiyami ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, salamat sa mga asong ulol at militarista sa ilalim ni Duterte.

Nitong nakaraang mga linggo, bago sumabog ang bulkang Taal, bunganga ng mga dating heneral ni Duterte ang nagsisabog.

Matapos ang matagumpay na pansamantala at independiyenteng tigil-putukan ng mga puwersa ng gobyerno at ng New People’s Army noong panahon ng Kapaskuhan, walang sinayang na oras ang mga militarista sa gabinete ni Duterte para madiskaril ang posibleng pagpapatuloy ng usapan.

Sina National Security Adviser Hermogenes Esperon, Defense Sec. Delfin Lorenzana, Interior and Local Government Sec. Eduardo Ano, Presidential Advisor for the Peace Process Carlito Galvez, at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Felimon Santos ay naging aktibo sa pakikipanayam sa midya.

Ang mga pahayag nila: Hindi kailangan ng usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines dahil kaya naman daw nilang madurog ang rebolusyonaryong kilusan. Sa kabila ito ng kabiguan nilang masunod ang dati nang inanunsiyong pagdurog daw sa NDFP sa pagtatapos ng 2019. Ginamitan na nila ng batas militar sa Mindanao, de facto batas militar sa iba’t ibang probinsiya ng bansa, at crackdown sa Negros at Maynila, pero hindi pa rin sila nagtagumpay. Ngayon, nangangako na naman sila.

Sinabi rin ng mga heneral na ito di sila sang-ayon sa niyutral na benyu ng usapan. Tila sinasabi nilang sa kanilang poder lang maaaring makipagnegosasyon. Para saan pa makipag-usap kung ang pakay lang nila ay pasukuin lang ang mga nagrerebolusyon? Ang gusto lang talaga nila, ipagpatuloy ang armadong labanan at ang panunupil sa mga di-armado at legal na mga aktibista – dahil kumikita sila rito (sa uri, halimbawa ng bounty at kabayaran sa fake surrenderees) at umaabante pa ang mga karera ng mga heneral dahil sa promosyon.

Itinutulak nila ang lokalisadong usapang pangkapayapaan daw. Pero taktika ito ng nakaraang mga rehimen na, na malinaw na di nabigo, dahil prinsipyo ng rebolusyonaryong kilusan na makipag-usap lang sa mga kinatawan ng Estado sa pambansang antas. Kung inaaral lang nina Esperon ang kasaysayan, alam nila ito.

Nais ng mga heneral na ipagpatuloy ang kampanya ng panunupil, hindi pa sa armadong kilusan na hindi nila makita dahil sa taktikang gerilya nito, kundi sa mga sibilyang organisasyong masa na nagtataguyod lang ng karapatan ng mga mamamayan, kabilang ang karapatan ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang aping sektor.

Tila tagapagsalita rin sina Esperon ng mga imperyalistang US at Tsino, na gustong gustong magdurog ang progresibong kilusan at rebolusyonaryong kilusan para tuluyan nang mapagsamantalahan ang likas na yaman at lakas-paggawa ng bansa, at makapagmantine ng pampulitikang presensiya sa Pilipinas na pinag-aagawan ng dalawang imperyalistang bansa.

Tagapagsalita rin sila ng lokal na mga naghaharing uri, mga oligarko, na ang turing sa progresibong kilusan ay hadlang sa kanilang pagsasamantala sa mayoryang mahihirap at pagmomonopolisa sa yaman ng bansa.

Kung kaya, kung hindi matuloy ang usapang pangkapayapaan, ibig sabihin, muling nakinig si Duterte sa mga militaristang ito. Muli siyang yumukod sa interes ng mga heneral, ng mga oligarko, ng mga imperyalista.

Exit mobile version