Tulang pagpupugay ni E. San Juan, Jr.
Punglong sumabog–
Simbuyo ng paghihimagsik!
Ipinagkaloob mo ang iyong metalikong kaluluwa
sa dapog ng rebolusyon
Di kailangan ang uling ng pagdadalamhati
Di dapat mamighati
Tilamsik ng dugo
Sa sugatang himaymay ng iyong dibdib umapoy, sumigid
Ang umaasong adhika:
Kaluluwa mo’y masong dudurog sa tanikala ng kadiliman
Sumagitsit, napugnaw–
Sa lagim ng iyong pagkatupok, titis ng hininga mo’y
Di tumirik, di nags aabo….
Ang pasiya mong lumaban ay nagbaggang tinggang umagnas, lumusaw sa anumang
balakid.
Kailangang magpatigas
Dapat maging bakal–
Hindi ginto o pilak–
Ang kaluluwa upang sa sumusugbang lagablab ng pag-usig sa kabuktutan
Pandayin ang katawan ng ating pagnanais
Pandayin ang pinakamimithing kalayaan
Pandayin ang liwanag ng kinabukasan.
[Mula sa E. San Juan, ALAY SA PAGLIKHA NG BUKANG-LIWAYWAY (Ateneo University Press, 2000, p. 49; unang nailathala sa koleksiyon ni E. San Juan, KUNG IKAW AY INAAPI, 1983].