Mahigit isang buwan nang eksena ang maluwag, tahimik, halos di nadaraanang malalaking kalye sa Quezon City. Madalang ang bumibiyaheng pribadong sasakyan. Sinita sa mga tsekpoint mula matapos ang Mahal na Araw ang mga motoristang “di-esensiyal” ang biyahe.
Sa pagbiyahe ko sa mga kalyeng inilarawan, tumambad ang ilang manininda ng bottled water at softdrinks. Kasama niya ang isa pa, may hawak ng lata at karatula, at humihingi ng kaunting ayuda, pera man o pagkain.
Samantala, isang bata ang kumakatok sa mga sasakyan. Inabot namin ang isang balot ng bigas. Masayang kumaripas ng takbo ang bata matapos matanggap ang balot. Pumunta siya sa kanilang kariton sa tabi ng kalye. May kasama siya, maaaring nanay ng bata. Tuwang tuwa siyang ipinakita ang karampot na balot ng bigas.
Pero hindi pa iyon ang tungo namin.
Sa likuran ng National Press Club, patungong Intramuros at sa ilalim ng tulay ng Sta. Cruz Manila, tumambad sa amin ang ilang tao. Maaaring mga nagmamaneho ng padyak, ng kuliglig, doon sila nagmula sa mga nakaparadang traysikel nila. Muli ang eksena ng paghingi. Ipinarada namin ang sasakyan. “Pila kayo ha,” at minabuti naman nilang pumila.
Pero ang akala naming 10 katao lang o higit pa, kalauna’y nadagdagan. May humabol pa ng hingi mula sa kung saan na hindi na namin alam. May mga nakatago pa palang ibang pamilya. Ang iba, maaaring nagdoble na ng hingi.
“Salamat at may tulad ninyong dumaraan dito para bigyan kami,” sabi ng isang nanay, bitbit ang kanyang anak. Lahat sila, walang facemask. Hindi na siguro maganda pang tanungin kung bakit wala silang proteksiyon sa sakit na coronavirus disease-2019 (Covid-19). Ang sumunod na tanong na lang ang mahalaga: wala ba silang nakuhang ayuda sa pamahalaan?
“Hindi naman kasi kami botante,” aniya. “Wala rin kaming ipapakitang ID. Di bay ‘yun daw ang hinahanap?”
Paglisan namin sa mga ilalim ng tulay, may nakita kaming may hawak na karatula. Ganoon pa rin ang panawagan. “Nakatira ako sa Camarin (Caloocan), inabutan na ako ng lockdown. Wala akong maiuwi, kaya dito muna ako sa Maynila,” aniya. Isa raw siyang tagaluto sa karinderya, pero huminto ang pagbebenta dahil sa enhanced community quarantine (ECQ).
“May ID naman ako, pero talagang hindi pa ako mabigyan, dahil siguro hindi dito ang address ko (sa Camarin),” aniya.
Konstruksiyong natigil
Mahabang biyahe mula Maynila hanggang Pasig naman ang tinahak namin. Alam namin ang eksena doon: may ilang construction worker ang nakakulong sa loob ng ginagawang gusali, at hindi nabibigyan ng ayuda.
Pagdating namin doon, tambad ang eksenang may nag-abot ng dalawang malaking bag ng sabong panlaba. Nilapitan ko ang isa, Nelson daw ang pangalan niya. “May pagkain naman kami, salamat sa mga nagbigay na nitong mga nagdaang mga araw,” ani Nelson.
Hindi lang pala isang ginagawang gusali sa Ortigas ang may ganitong eksena. Sabi ng isang taong nagbigay ng ayuda na nakausap namin, may ilan pang gusali sa Pasig ang may mga manggagawang parehas na sinasapit ngayon.
Kumalat ang kuwento sa social media ng mg na-trap ng lockdown sa kani-kanilang mga pagawaan nitong mga nagdaang mga araw.
Ang ibang kuwento, hindi na sila nakakakain. At bakit nga ba sila bibigyan ng ayuda ng lokal na pamahalaan kung hindi sila residente? Malalayong lugar ang pinanggalingan ng mga construction worker, hindi lang sa labas ng Metro Manila kundi sa labas mismo ng Luzon. “Galing kami sa Mindoro, sa Samar, iba pang lugar sa Visayas,” kuwento ni Nelson.
No work no pay. Wala silang sahod sa isang buwan ng ECQ. “Hindi pa po humaharap sa amin ang contractor namin,” sabi pa ni Nelson. “Pero nagpunta na po ang DOLE (Department of Labor and Employment) dito sa amin.”
Huli raw silang nagpadala ng pera sa probinsiya noong Marso 16 pa. Iyon ang unang araw na opisyal na ipinatupad ang ECQ sa buong Kamaynilaan.
“Kung alam lang naming ganito ang sasapitin namin – na hindi magtutuloy ang trabaho, e di sana nakipagsapalaran na kami na umuwi na lang sa probinsiya noong mga araw bago ang lockdown,” kuwento pa niya. Kung ginawa nila iyon, kasama sana sila sa daan-daanlibong tao na nabalitang nakipagsiksikan para makasakay pauwing probinsiya bago ang lockdown.
Kailangang umuwi
Sa ngayon, gusto nilang umuwi na muna. Di bale nang walang makain.
“May makakain naman kami dun (sa probinsiya). Panahon ng anihan ngayon. Puwede kaming tumulong dun,” sabi ng isang kasama ni Nelson (di-nagpakilala). Hindi rin nila alintana ang pera, naintindihan naman sila ng kanilang mga kaanak. Ang problema, paao sila babalik sa trabaho? “Iyun ang hindi namin masiguro. Kung kukunin ulit kami, bakit hindi. Pero talagang hindi na kami tatagal sa ganitong sitwasyon. Di ba, ang sabi, ie-extend pa ang lockdwn na naman?”
Panawagan nila, sa kagyat, ang kagamitang panlinis: sabong panligo at panlaba. Wala silang pera, dahil walang trabaho. Pero gusto talaga nilang makauwi sa kanilang mga pamilya sa probinsiya. “Sana, kahit hanggang Matnog (Sorsogon) lang, ihatid kami. O kung saan pa, tulad ng taga-Mindoro. Basta makaabot sa sakayan patungong probinsiya, kami na bahala dumiskarte pagdating doon,” ani Nelson.
Pero tila wala pang nakakarinig sa kanila ngayon.
Sila ang mukha ng mga hindi nabiyayan at hindi mabibiyayaan ng ayuda sa panahon ng lockdown. Sila ang bulnerable sa sakit, sila ang tahasang napag-iiwanan ng administrasyong “may malasakit” at “nakikipagbayanihan”.