Salaysay ng walang kasalanan

0
286

Sa isinagawang conference ukol sa Martial Law sa Mindanao sa National Council of Churches in the Philippines (NCCP), nagpahayag ng kanyang kwento si Janry Mensis, 22 taong gulang at isang magsasaka sa kanilang lugar na isa sa mga na-torture habang pinaiiral ang martial law sa Mindanao.

Sa salaysay ni Janry, nagkayayaan sila ng kanyang mga kaibigan para bumili lang ng balot nang harangin sila ng 4 na lalaki at hinahanapan sila ng mga ito ng ID. Dahil wala silang dala-dalang ID nung mga oras na yun, agad silang isinama ng mga ito sa pulis station.

“Nakita namin may kinausap sya sa phone… yun pala yun yung warden ng pulis sa mobil tapos sinakay kami, sinampal pa ko sa mukha nung pulis”

Habang sila ay nasa police station, tinanong daw sila ng mga ito kung ano ang kanilang ninakaw dahil ay nagnakaw daw sila. Itinanggi naman nila ang paratang sa kanila. Matapos silang kausapin ng mga ito ay dinala sila sa kampo kung saan nakita nila ang mga sundalong dumakip sa kanila.

“Aminin na ninyo na NPA kayo.”

Sabi ko, “Hindi kami NPA sir, ordinaryo lang kaming magsasaka.”

Matapos nito ay dito na sila sinimulang pinahirapan ng mga sundalo.

“Tama na sir, masakit na ‘ho ang katawan namin. ‘Di na namin kaya”

Iyan ang kanilang naging paki-usap sa mga sundalo sa tuwing binubugbog sila ng mga ito, ngunit nabigo sila sa kanilang hiling.

“December 6, dinala kami sa bundok. Sumakay kami ng kanilang sasakyan… Binihisan ako ng pang sundalo. Sabi, magbihis ka kasi malamig dun sa pupuntahan natin, sabi ng sundalo. Nagbihis ako. Mga tatlong oras [bago] kami nakarating kami dun.”

Hindi sila agad pinababa ng sasakyan. Naiwan sila sa sasakyan nang bumaba ang kanilang mga kasama habang sila ay naiwan kasama ang apat na sundalong magbabantay sa kanila. Sinabihan pa siya ng sundalo na magmadali dahil nahihintay at nakaabang ang kanyang pamilya na hindi niya naman pinaniwalaan.

“Tinali nila ako ng malaking lubid sa leeg. Tapos ‘di lang tali sa leeg dito din sa bibig ko. Nalagasan na ko ng ngipin kasi yung tali nila maiksi yung nakalagay sa bibig ko. Akala nila nung tinali yung leeg ko, akala nila patay na kami. Sabi ng sundalo patay na kami, sabi itapon mo na.”

Dito ay itinapon siya sa hukay ng mga sundalo. Binuhusan pa sila di umano ng mga ito ng isang container na krudo at paulit-ulit na sinubukan na sindihan sila. Nang masigurong nagliliyab na sila ay iniwan na sila ng mga ito. Nang makaalis na ang mga sundalo sa pag-aakalang wala na sila, agad nyang tinanong ang kanyang kaibigan kung buhay pa ito kasabay ng pagpapauna niya na tumakbo na papalayo. Kahit hindi sigurado sa kanilang pupuntahan, patuloy lang sila para makatakas. Hindi na inalintana ni Janry ang sakit nang magtamo siya ng third degree burn. Nang makalayo sila matapos ang halos isang araw na pagtakbo ay nakita nya ang kapitbahay sa bundok at dito nya nalaman na hinahanap na pala sila ng kanilang pamilya.

“Sabi ko hinuli kami ng sundalo, buti na lang nakatakas kami sa kanila. ‘Pag sinabi sayo na pag nakita mo ‘to (Janry at Jerry) sabihin mo na lang na wala kang nakita sinabihan ko siya kasi baka malaman nila na buhay pa kami.”

Kung susumahin ay siyam na araw na nawalay si Janry at ang kaibigan niyang si Jerry sa kanilang pamilya. Mula rito ay nais niyang magkaroon ng kasagutan kung bakit ganito ang kanilang nararanasan.

Kasama ni Janry ang ilan pang mga naging biktima umano ng umiiral na Martial Law sa lungsod at ilang nakaranas ng dahas o pekeng mga kaso gaya ni Jerimiah Heneral na isang magsasaka sa Caraga region. Siya diumano ay sinampahan ng gawa-gawang kaso sa dalawang probinsya ng Agusan del Sur ng kasong multiple attempted murder at dalawang multiple frustrated murder dahil nakita daw siya ng mga militar nakipagbarilan sa mga ito sa kabundukan sa Bayugan City. Habang sa lungsod ng Quinsarao naman ay kinasuhan siya ng multiple frustrated murder at murder dahil nakita at nakilala daw siya ng mga ito nang nakipagbarilan siya sa mga ito.

Madami rin ang mga Lumad na nakaranas ng paghihirap dahil sa pinaiiral na Martial Law. Daan-dan sa kanila ay napipilitang magbakwit sa ibang probinsya para iwasan ang mga operasyong militar sa kanilang lugar at pagkampo ng mga militar sa mga pasilidad na pansibilyan gaya ng paaralan, bahay, at iba pa. Nais nilang humingi ng tulong sa nakararaming kababayan dahil sa patuloy na pag-agaw sa kanilang lupang ninuno. Mayroon din diumanong mga Lumad ang nais bayaran ng gobyerno ng maliit na halaga kapalit ng mga lupang kanilang pag-aari para gamitin sa negosyo.

Patuloy naman ang panawagan ng mga nakararanas ng Martial Law ang suportang kanilang hinihingi mula sa mga taong may malasakit sa kanila. Nais din nilang itigil na ang karahasan, harassment at pananakot sa kanilang mga pamilya at kamag-anak.

The post Salaysay ng walang kasalanan appeared first on Manila Today.