Home Features Nang minsang natuyo ang kanilang lupa

Nang minsang natuyo ang kanilang lupa

0

nang minsang
natuyo
ang kanilang lupa,
at tuluyang yumuko
ang mga tanim
na sinasaka

alam nila
na sa puntong
uhaw ang mga bukid
ay magugutom
ang sikmura

hindi ito pagtitimpi
at pagkimi
hanggang
sa pagdating
ng ulan
na muling didilig
sa munting palayan

hindi ito
ang panahon
para humiling
sa pagpapatigil
ng tagtuyot,
walang
bathalang tutugon
sa taimtim
nilang dalangin
sa gitna ng bukirin,
hindi makikinig
ang tigang na lupa
sa panaghoy
ng mga luha

at sa puntong iyon
alam nila na
mayroong
maaring magsaboy
ng mga butil
ng bigas,
yumukod nang
nakatindig
silang humiling

pero hindi
hiyas
ng buhay
na kulay puti
ang tinamo

sumayaw
ang mga metal
sa mga sulok
ng kalamnan,
unipormado ang
tumugon
sa panaghoy
ng sikmurang
naghihintay
ng tugon

at sa puntong iyon,
alam nila
na nadiligan na
ang bukirin,
hindi na tuyo
ang mga lupa
basa na ng dugo
at mga luha

at sa puntong iyon
alam nila,
kung pa’no tumugon
ang panginoon.

The post Nang minsang natuyo ang kanilang lupa appeared first on Manila Today.