Ang Security of Tenure Bill

0
246

Kamakailan lang, inaprubahan ng Senado ang Security of Tenure Bill (Senate Bill 1826) na ini-sponsor ni Sen. Joel Villanueva.

Maalaala na mga dalawang taon na ang nakalipas, inaprubahan ng House of Representatives ang sariling bersiyon nila ng panukalang batas na ito.

Kailangan pang dumaan sa bicameral committee ang nasabilng panukalang batas upang pagtugmain ang bersyon ng upper at lower houses ng Kongreso tungkol dito.

Tandaan natin na sa Hunyo 30 ay matatapos na ang panunungkulan ng ating mga mambabatas, kaya may mga nagsasabing baka hindi matapos ang panukalang batas sa ganitong petsa.

Ganunpaman, dahil sa binigyan ng opisina ng Pangulo ng certification na urgent ang Security of Tenure bill, marami ang umaasa na maipasa pa rin ito bago magsara ang Kongreso.

Tinatantyang mga 15 milyong manggagawang kontraktual ang makikinabang sa panukalang batas na ito, kung kayat di -hamak ang pasasalamat ng maraming grupo ng manggagawa kung tuluyang maaprobahan nga ito .

Ngunit ano ba talaga itong Security of Tenure Bill?

Ang panukalang batas na ito ay nagbabawal sa labor-only contracting.

Ayon sa panukalang batas na ito, ang labor-only contracting ay maaaring mangyayari sa tatlong pagkakataon.

Ito’y kung: ( 1 ) ang labor agency ay nagbibigay lamang o nagrerekruta ng mga manggagawa para sa kanyang prinsipal o kompanya, o (2 ) ang mga manggagawa na kinukuha ng agency ay gumagawa ng mga gawaing may direktang relasyon sa negosyo ng kompanya; o ( 3) ang mga manggagawang ito ay nasa direktang kontrol o pangangasiwa ng kompanya.

Ang sinumang ahensiya na mahuhuli na gumagawa ng labor-only contracting ay papatawan ng multa na hindi lalagpas sa P 5 milyon bukod pa sa maaaring ipasara ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Para maging legal ang ahensiya, kailangang hindi siya lumalabag sa labor –only contracting at kailangan ding rehistrado siya sa Regional Office ng DOLE.

Para marehistro sa DOLE ang isang labor agency, kailangan niya ng kapital na hindi bababa sa P 5 milyon bukod pa sa ibang requirements.

Ang permit na binibigay ng DOLE ay tumatagal ng 3 taon at dapat magbayad ng license fee na P100,000.00 ang isang labor agency.

Sa bahagi naman ng mga manggagawang maaaring maapektohan dahil sa pagtatapos ng kontrata sa kanilang labor agency at prinsipal nito, bibigyan ng pamahalaan ng transition support program ang apektadong mga manggagawang ito.

Ito’y sa pamamagitan ng tatlong buwang suportang pampinansiya sa kanila na maaari nilang kunin minsan sa loob ng isang taon samantalang nag te-training sila sa bago nilang trabaho.

 

Maganda ba mga kasama?

Maganda sana pero kulang pa.

Isipin natin, mga kasama, na ang layunin nati’y mapawalang bisa ang lahat ng uri ng labor contracting.

Sa House Bill na ito, ang pinagbabawal dito’y labor-only contracting lang. Ang ibang uri ng labor contracting, tulad halimbawa ng job contracting ay pinapayagan pa rin.

Bakit tutol tayo sa lahat ng uri ng labor contracting?

Dahil kung wala ang labor contracting, dalawa lamang ang maghahahati sa ano mang tubo o kita sa negosyo : ang kapitalista at mga manggagawa lamang.

Ngunit mula nang mauso ang labor contracting, tatlo na ang naghahati sa tubo: ang kapitalista, ang mga manggagawa, at ang labor agency o kontratista.

Kaya ang maliit na bahagi na napupunta sa mga manggagawa ay lalong lumiit at lalong nababawasan pa dahil sa ngayon ay andyan na ang labor agency na nakikihati sa kanila.

Ito ang dahilan kung bakit ginigiit natin na matanggal na ang anumang uri ng labor contracting.

Bukod sa hindi pagtanggal sa lahat ng uri ng labor contracting, mas maluwag ang Senate Bill 1826 kaysa kasalukuyang batas na umiiral tungkol sa labor contracting.

Sa ilalim ng DOLE Dept. Order No. 174, ang kasalukuyang batas sa labor contracting, ang haba ng permit ng isang labor agency ay dalawang ( 2 ) taon lamang.

Sa Senate Bill 1826, ginawa itong tatlong taon.

Hindi ba pagbibigay ito ng kaluwagan sa mga labor agencies?

Ganun pa man, sa kabuuan, ang Security of Tenure Bill ni Sen. Joel Villanueva ay isang hakbang sa tamang direksiyon.

Kung ilang hakbang pa bago natin makamit ang tuluyang pagwasak sa endo ay nakasalalay sa inyong mga kamay, mga kasama.