Kabataan sa Kamara, kabataan sa protesta

0
226

Nagsimula na ang bagong termino ng mga mambabatas ng ika-18 Kongreso nitong Hunyo 30. Kasabay nito ang pagsisimula ng huling bahagi ng ikalawang yugto ng rehimeng Duterte.

PW issue 17-23

PW issue 17-23

Nakasalang sa Kongreso ang maraming panukalang batas at polisiya na gustong ratsadahin ni Pangulong Duterte para palakasin ang kontrol niya sa kapangyarihan: ang Charter Change (laglag na raw ang panukalang Pederalismo—sa ngayon), kasama ang posibleng pag-ekstend sa termino ng mga nasa puwesto (kasama si Duterte); at mga panukalang pagpapalawak ng kontrol at pagpasok ng dayuhang malalaking kapital sa mga empresang Pilipino kabilang ang lupaing agrikultural, midya, at mga serbisyong panlipunan.

May “supermajority” o “sobrang mayorya” ang mga alyado ng rehimeng Duterte sa Kongreso. Ang mistulang nangunguna sa oposisyon ay ang blokeng Makabayan sa Kamara: sina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate (na tumatakbong Speaker), Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat; Gabriela Rep. Arlene Brosas; ACT Teachers Rep. France Castro; at Kabataan Rep. Sarah Elago.

Inaasahang pangungunahan ng Makabayan ang paghadlang sa kontra-mamamayang mga polisiyang itutulak ng rehimeng Duterte sa Kamara. Samantala,siguradong isasampa nila ang maraming maka-mamamayang panukalang batas tulad ng pagkakaroon ng National Minimum Wage at makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor at kawani sa gobyerno; Genuine Agrarian Reform Bill; at marami pang iba.

Sinasalamin ng Makabayan ang mga kampanya o paglaban ng malawak na kilusang masa sa bansa—ang puwersang sinasabing tunay na magtutulak sa makabuluhang panlipunang pagbabago sa bansa.

Noong nakaraang Kongreso, muling hinirang si Kabataan Rep. Sarah Elago bilang “pinakamahirap na kongresista”. Kasama niya sa pinakamahihirap ang mga kinatawan ng Makabayan – patunay na isinasabuhay ng mga ito ang simpleng pamumuhay habang puspusang nakikibaka para sa kapakanan ng sambayanan.

Nasa kanyang ikalawang termino bilang kinatawan ng kilusang kabataan si Elago. Kinapanayam siya ng Pinoy Weekly para makuha ang mga pagtingin niya at ng Kabataan Party-list sa mahirap na gawain ng progresibong mga mambabatas sa loob ng “reaksiyonaryong institusyon” katulad ng Kamara.

Pinoy Weekly: Anong impresyon mo sa institusyon ng Kongreso sa unang termino mo? Kumusta naman ang karanasan mo rito?

Rep. Sarah Elago: Ang Kabataan (Party-list), bilang natatanging kinatawan sa loob ng Kongreso ay nagpatuloy ng lahat ng mga nasimulan na sa kanyang naunang tatlong termino: Pinalakas ang laban para sa libreng pampublikong edukasyon sa lahat ng antas; nilabanan ang kontraktuwalisasyon (sa paggawa); ipinaglaban ang nakabubuhay na sahod; at ipinagtanggol ang mga karapatang pantao. Yan ‘yung Youth Agenda, na agenda rin ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan).

Kumbaga, kahit ako ‘yung may fresh term bilang mambabatas, mayroong nang maningning na kasaysayan ng pagkilos na sa loob ng Kongreso.

Mas nakita natin noon sa 17th Congress kung ga’no kakritikal ”yung pagkilos ng kabataan sa mga eskuwelahan, sa kanilang mga komunidad, para sa pagtutulak ng mga reporma na sila mismo ang nagbuo, at sila mismo ang nagtutulak.

Sa 17th Congress, may supermajority (ang naghaharing rehimen), na kadalasan, ‘pag sinabi ng Malakanyang na ipapasa ang isang bill, napapasa ‘yan. Pero dahil dun sa pagsangkot ng Kabataan na magtanong, na manawagan ng mas malalim na pananaliksik, kayang-kaya natin na mapaingay kung ano ‘yung mga probisyon na dapat wala sa isang bill, kung ano ‘yung mga dapat idagdag, kung ano ‘yung mga dapat ibawas. Ganun din sa ibang sektor, hindi lang sa Kabataan.

PW: Hindi ba ito mahirap? Pa’no mo siya epektibong natutulak ang mga kampanyang masa sa loob ng Kongreso?

SE: Malinaw sa amin na ang pagkakaroon ng representasyon sa loob ng Kongreso ay isang larangan para masuportahan at mapalakas ang kilusang masa ng kabataan at estudyante sa buong bansa, kaya pangunahin na pinagmumulan ng aming mga posisyon, ng lahat ng mga panukalang bills at resolutions ng Kabataan, nagmula ‘yan sa pakikibaka ng mga estudyante para sa paglaban sa komersiyalisasyon, o kaya naman, ‘yung pagtutulak ng Kabataan ng karapatan sa disenteng trabaho at pagtaas ng sahod.

Mahirap ito. Tungkulin natin sa Kabataan ay hanapin, malaman, at mapag-aralan ang katotohanan, at gamitin ito para mamulat pa ang kapwa nating mga Pilipino. Kadalasan itong katotohanan na ‘to, nababaligtad, o kaya naman, hindi pinapakinggan, o isinasawalang-bahala. Kaya ganun na lang kaimportante na iparating ng taumbayan ”yung boses nila sa mga nasa loob ng Kongreso.

PW: So nakikita ninyong kontra-mamamayan talaga ang institusyon ng Kongreso?

SE: Oo. Maraming nakikinabang na political dynasties doon sa pagpapatuloy ng pagsusunud-sunod sa dikta ng dayuhan ng (gobyerno ng) Pilipinas.

Kaya nananatili pa rin sa iilan ‘yung yaman ng bansa. At para mapanatili ‘yung ganung sistema, kinakailangan nila na magkaroon ng posisyon sa gobyerno, at lalo na sa Kongreso na may napakahalagang mandato—gumawa ng batas, magbago nito. Kaya ‘yung composition ng Kongreso ngayon, hindi na kabigla-bigla. May mga bilyonaryo, may mga milyonaryo. Dahil dun sa ganung katangian nito—na kung sino pa ‘yung malalaking tao sa lipunan natin, sila pa ‘yung nasa poder, o kaya nagagamit para magkaroon ng impluwensiya ‘yung dayuhan at interes ng negosyo sa gobyerno.

PW: Ano ‘yung signipikanteng mga kampanya na napagtagumpayan ng Kabataan Party-list—’yung napasang mga batas, mga nakontra?

SE: Malaking tagumpay ng Kabataan ‘yung pagpasa ng libreng pampublikong edukasyon. Bagamat nananatili pa rin ‘yung patakaran ng paniningil at iba pang neoliberal na mga patakaran ng komersiyalisasyon at pribatisasyon sa pampublikong mga pamantasan at kolehiyo, nakikita na rin natin ‘to bilang isang hakbang-pasulong, na inspirasyon sa maraming kabataan sa buong bansa, na kapag tayo ay nagiit, mas malaki ‘yung pagkakataon natin na maipanalo ang laban.

Bawat tagumpay na yun, hindi lang para sa batas o polisiyang iyun, kundi para sa pagpapalakas at konsolidasyon ng kilusang kabataan at mamamayan. . Nagsisilbing mitsa dito ito ng interes ng iba pang kabataan na hindi pa nakakalahok sa kampanya. Nakita nila: “Ay, may napapanalo!” Puwede pala tayo na gumawa ng campaign, tapos makahugot tayo ng mga leksiyon mula sa kanila, at magkamit din tayo ng panalo, hindi lang para sa sektor natin, pero para rin sa iba pang sektor.

PW: Kaya nakakapagpukaw talaga kayo sa masa?

SE: Oo. Bukod diyan, sa kabataan, mahalaga sa atin ‘yung usapin ng kontraktuwalisasyon.

Kaya talagang aktibo tayo dun sa paghaharang ng mga probisyon na, imbes na maiwaksi ay ginawa pang legal ‘yung kontraktuwalisasyon. Bagamat yan ay naipasa sa Kamara (ang Security of Tenure Law) sa bahagi ng kilusang paggawa, nakita natin sa kanilang mga posisyon na ito daw ay “peke,” o yun nga, “hindi totoo,” at “ginagawa lang legal ang kontraktuwalisasyon.”

Naging epektibo tayo sa engagement sa loob ng Kamara para ilantad ‘yung mga maling tunguhin, o kaya naman, ‘yung mga hindi makatwirang probisyon ng batas na yan.

Napasa din (natin) ‘yung “Free Public Internet.” Pero hindi pa tapos ang laban, kasi ang malaking isyu sa bansa natin, ‘yung patuloy na duopoly (o monopolyo ng dalawang malalaking kompanya na Smart at Globe). Dapat nating palakasin ‘yung public infrastracture ng connectivity natin para maseguro na ang mangunguna ay ‘yung interes ng tao at hindi interes ng negosyo.

PW: Ano ‘yung reaksiyon ninyo na kayo ‘yung naitala na pinakamahirap na kongresista sa 17th Congress?

SE: Hindi na dapat magtaka ‘yung ating mga kababayan kasi tayo ay representante ng isang party-list ng mardyinalisadong kabataan. Hindi matatawaran ang rekord (natin) ng hindi pagpapayaman sa puwesto, o kaya hindi paggamit ng posisyon para magpayaman. Kung meron tayong pinapayaman, ito yung karanasan, aral, at tagumpay ng kabataan para sa bayan natin, at para dun sa mas magandang kalagayan para dun sa mga hanggang ngayon, nakakaranas pa rin ng gutom at pagpapahirap.

PW: Pa’no ninyo hinaharap sa social media ang “trolling” ng mga DDS (Duterte Diehard Supporters) at ang panghaharas mismo ng nasa rehimeng Duterte sa Internet at sa labas?

SE: Sa Kabataan, tanggap natin ang kritisismo at niyayakap natin ito, dahil ito ay paraan para mapaunlad ang ating gawain, at mapaunlad ang ating mga posisyon sa isyu, at makapagpaliwanag nang mas malinaw sa ating kababayan.

Pero ibang usapin na kung ang pinag-uusapan natin ay ‘yung sistematikong mga atake para magpakalat ng pekeng balita, ng paninira, ng kasinungalingan laban sa mga kritiko, laban sa oposisyon, at laban sa lahat ng mga nangangahas na bigyan ng boses ‘yung hindi pa natin naririnig. Kaya ito’y nilalabanan natin sa pamamagitan ng pagpapaigting ng kampanya para magpaliwanag, maglunsad ng kampanyang edukasyon at pag-aaral—mula sa mga pag-oorganisa ng mga talakayan, mga fora, mga debate sa mga eskuwelahan at maski sa mga barangay. Kung nasaan man ang kabataan, puwede siya mag-ambag para magpaliwanag sa mga isyu at para mapasinungalingan ‘yung kumakalat na pekeng mga balita.

Kumbaga, pinakita natin sa termino ng Kabataan, at sa pagpapatuloy ng laban natin nitong ika-18 Kongreso, na pinapalakas lang tayo ng mga atake na ‘yan. Lalong nalalantad ang takot ng rehimeng Duterte na mabunyag ang katotohanan—na sa kabila ng mga pagpapabango sa administrasyong Duterte, hindi na kailanman maloloko ‘yung taumbayan, lalung lalo na pagdating dun sa kabi-kabilang pamamaslang, mga paglabag sa mga karapatang pantao, pang-aalipusta sa kababaihan, at pagyuyurak sa ating soberanya.