#PLDTWorkersCampout | Ang probinsyanong “multitasker”

0
203

Sandaling itinigil ni Leemar Esperon, 23, ang aming kuwentuhan upang sagutin ang tawag sa selpon niya. “Kumusta ka, anak? Kumain na ikaw?” padala niya sa himpapawid, siguradong narinig ito ng anak niyang nasa kabilang linya.

Sa isip isip ko, kabalintunaan nga na habang ginawang posible ng telecommunication companies ang virtual na pagsara ng distansya sa pagitan ng mga tao, nagagawa naman nitong itulak ang kanilang mga manggagawang lumayo sa pamilya upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Kababalik lang ni Leemar sa Maynila mula sa Iloilo. Hinatid niya ang kanyang asawa at tatlong anak sa bahay ng kanyang mga magulang. “Pinaubaya ko muna kina mama ang pamilya ko habang ipinagtatagumpay pa namin ang aming laban,” sabi niya.

Noong Hunyo 5, tinanggal siya at 400 pang kontraktwal na manggagawang nagtatrabaho sa PLDT sa Lemery, Batangas. Ang dahilan ng PLDT kaya raw sila tinanggal ay dahil inutos ng Department of Labor of Employment (DOLE) na wala na dapat mga kontraktwal na manggagawa sa isang kumpanya. Ayon kay Leemar imbes iregular sila ay biglaan silang tinanggalan ng trabaho dahil din daw ang mga regular na manggagawa ay mas tataas ang sahod at madadagdagan ang mga benepisyo.

Isa siya sa mga may pinakadelikadong trabaho sa kompanya. Bahagi siya ng team na nagkakabit ng kuryente sa buong lungsod ng Batangas, Lemery, at Lipa. Tatlong beses na siyang nakuryente, pero hindi na nila sinasabi sa boss nila dahil pinapagalitan lang sila. Sasabihin pang kasalanan nilang bakit hindi sila nag-ingat. Kung malubha at kailangang dalhin sa ospital, kalahati lang ang sasagutin ng kumpanya sa mga bayarin kung mapapatunayan nilang kasalanan ng manggagawa ang pagkakaaksidente. Kung paanong matitiyak na “kasalanan” ng manggagawa ay batay na sa hatol ng mga supervisor.

Hindi lang siya tagakabit ng kuryente. Noong nalaman ng mga bisor niyang marunong rin siyang mag-install at mag-ayos ng Internet connection, naging taga-install at tagaayos na rin siya. Naglalagay na rin siya ng mga kable na kinakailangan para sa maayos na connection.

“Isipin niyo na lang na kung ikaw ay isang labandera at ang paglalaba lang ang ibinabayad sa ‘yo ng amo mo, hindi makatuwiran kung pinapagluto at pinapaglinis ka rin kung hindi naman tinataasan ang sahod mo. Ano ang tawag d’un? Multitasking,” sabi ni Leemar.

“Paano napadpad sa Batangas ang isang probinsyano tulad ko?” tanong panretorika ni Leemar. Kuwento niya, nasa elementary pa lang sila ng mga kaklase niya ay gusto na nilang pumuntang Maynila. Kapag raw itinanong ng titser kung ano ang gusto nilang gawin paglaki, sumasagot silang gusto nilang makapuntang Maynila. “Hindi ito tsismis. Kaming lahat talaga,” sabi niya. “Inaral talaga namin ang lenggwahe niyo. Siguro, halata naman sa punto ko na hindi ako lumaki sa Maynila,” dagdag niya.

At natupad nga ang pangarap ni Leemar. Hindi agad-agad — naging bahagi muna siya ng Philippine Team ng sepak takraw sa 2011 Southeast Asian Games at competitor sa 2012 Palarong Pambansa habang binabalanse ang pag-aaral sa kursong IT at criminology. Pinangarap niyang maging pulis dati. Hindi na niya tinapos ang pag-aaral at nagpasyang makipagsapalaran sa Maynila.

“Nagulat ako sa naranasan ko. Sabi ko sa sarili ko, ‘Ganito pala sa Maynila.’” Nabigo si Leemar sa paghahanap ng maayos na trabaho. Pinasok niya ang pagiging hardinero sa Quezon City. Sandaang piso lang ang ibinayad sa kanya bawat araw. Hindi nagtagal ay nakahanap rin siya ng janitorial work sa isang mall sa San Juan.

Hanggang sa nirekomenda ng tiyuhin niyang nagtatrabaho sa PLDT ang pag-apply sa kumpanya. Sa interbyu, hindi niya sinabing kamag-anak niya ang tiyuhing may managerial position. “Kaapelyido ko lang,” naalala niyang sinabi niya sa nag-interbyu. “Gusto ko kasing i-challenge sarili ko,” kuwento niya sa amin.

Maglilimang taon na si Leemar bilang “multitasker” ng PLDT Batangas. Na ang tinatanggap niyang sahod ay mas mataas sa minimum at kumpleto ang SSS, Philhealth, at Pag-ibig ay hindi nangangahulugang maayos na ang buhay niya at kanyang pamilya. Hindi mababayaran ng sahod o benepisyo ang mahabang oras sa trabaho at ang panganib na dala nito.

“Hindi magtatagal si tatay dito. Babalik rin ako d’yan upang sunduin kayo,” sabi niya sa anak bago ibinaba ang selpon.

Naniniwala si Leemar na mapagtatagumpayan nila ang labang ito. “Hindi basta-bastang magtayo ng kubol at magkampo sa PLDT. Pupuwedeng maging delikado ang sitwasyon at mauwi sa dispersal kagaya ng nangyari sa mga manggagawa ng NutriAsia. Matatapang lang ang gumagawa nito,” sabi niya sa amin.

Ang paglaban para sa kanilang karapatan, para kay Leemar, ay siguro ang pinakabuwis-buhay na niyang ginagawa. Mas matindi pa nga sa action scenes ni Cardo Dalisay. Totoo ang kanyang karanasan. “Pero hindi namin ito susukuan,” sabi niya.

The post #PLDTWorkersCampout | Ang probinsyanong “multitasker” appeared first on Manila Today.