Mga manggagawa ng UniPak, kinundena ang marahas na dispersal sa NutriAsia piketlayn

0
175

Nakabantay sa kanilang kampuhan sa tarangkahan ng Navotas Fishport Complex ang mga manggagawa ng Slord Development Corporation (na gumagawa ng UniPak Sardines) nang nabalitaan nila ang marahas na pagbuwag ng pulis sa piketlayn ng mga manggagawa ng NutriAsia mga alas-3 ng hapon noong Hulyo 30.

Basahin: Meycauayan police arrest workers, youth, journalists in violent NutriAsia strike dispersal

Sa hapon ring iyon, naglunsad ng condemnation protest ang mga myembro ng Samahang Manggagawa sa Slord Development Corporation sa tapat ng kanilang kampuhan.

“Mga malilit na manggagawa ang nagpapaunlad sa mga kapitalista. Kung wala ang mga manggagawa, wala ang mga korporasyong ito,” ani Norinda Nacinopa, tagapangulo ng samahan.

Kinundena ng samahan ang marahas na pagbuwag ng piketlayn pagkatapos na magsagawa ng ecumenical service ang mga nag-iistrayk na manggagawa ng NutriAsia kasama ang mga tagasuporta nito. Nanawagan rin ang ang mga manggagawa ng Slord ng hustisya para sa kapwa nilang manggagawang nasaktan sa insidente. Labinsiyam ang kumpirmadong nakadetine nang inaresto ng mga pulis ang mga manggagawa at mga tagasuporta, kasama na ang mga myembro ng alternatibong media.

Hindi nalalayo ang kalagayan ng mga manggagawa ng NutriAsia sa mga manggagawa ng Slord Development Corporation. Sa ilalim ng sistemang kontraktwalisasyon, walang katiyakan ang mga manggagawa sa pagtatrabaho. Sa isang takdang panahon, o kahit kailang gugustuhin ng may-ari o tagapamahala ng korporasyon, ay maaaring matanggal ang isang kontraktwal na manggagawa. Ipinagbabawal rin sa mga kontraktwal ang magbuo ng unyon o maglunsad ng istrayk.

Dinadaing rin ng mga manggagawa ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law, kung saan patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin ngunit nananatiling mababa sa minimum ang sahod ng mga manggagawa.

Ayon sa IBON Foundation, hindi nakakatulong sa 17.2 milyong pinakamahirap na pamilya ang pagbaba ng personal income tax, bagkus ay nagbabayad pa sila nang malaki para sa mga batayang bilihin. Walo sa 10 Pilipino o 76% ng populasyon ay apektado sa TRAIN.

 

 

The post Mga manggagawa ng UniPak, kinundena ang marahas na dispersal sa NutriAsia piketlayn appeared first on Manila Today.